Noong buwan ng Mayo sa taong 'di ko na nais matandaan, isang munting regalo ang ibinigay sa'kin ng kung sino mang diyos ang inyong pinaniniwalaan (kung wala, basta isa siyang biyaya).
Sa loob ng tagpuan kung saan tayong dalawa lamang ang nakaka-alam, ako'y tinuruan mangarap muli habang nakatitig at humihiling sa mga bituin; sa harap ng simbahang ni minsa'y hindi mo pinasok dahil pareho nating napag-kasunduan na ang diyos ay isang simbolo lamang na inihain at pilit na sinalaksak sa ating mga lalamunan noong tayo'y sinasakop ng nga Kastila.
Minsa'y hindi ko matandaan kung paano ba tayo nagsimula, ngunit nakatamin sa aking ala-ala ang bawat matatamis na sandaling ikaw ang aking kasama:
Habang naglalakad papunta sa mumunting langit nating dalawa, iyong pinaalala sa'kin kung ano nga ba ang tunay na kulay ng kalachuchi bago ito mahulog mula sa punong kanyang pinagbungahan. Doon ko natutunan muling tumingin sa aking paligid, at tumigil sa pagtitig lamang sa aking mga yapak; sa tabing kalsada na puno ng munting bulaklak na pinagkaitan sa kanyang kagandahan dahil sa pagtapak ng kung sino-sino lamang.
Doon ko natutunan na kahit anong gawing apak sa isang bulaklak, ito ma'y mabulok sa kanyang kinahihimlayan, minsan parin siyang naging palamuti sa kapaligiran at nagsaboy ng kagandahan sa mundong aking kinagagalawan.
Iyong nilagay ang Kalachuchi sa pagitan ng aking t'enga at sinabing ako'y kasing ganda ng bagong sibol na bulaklak sa isang maaliwalas na umaga, ngunit humihigit sa tuwing ako'y naka tawa.
Sa isang banda nama'y 'yong binigay sa'kin ang mundo kahit wala ka nang maibibigay at hinainan ng isang piging na inaalay lamang sa mga prinsesa. Napaka tamis ng iyong ngiti at bawat salitang binibitawan patungo sa aking puso.
Hindi matatawaran ang bawat segundo kapag tayo'y nilalamon ng pag sidhi ng damdamin. Sa makatuwid, sa'yo sumilakbo ang bawat nais na makipag siping sa sisidlang napupuno ng musika habang ang mga damdamin ay naka kulong sa isip lamang—nag-aantay sa tamang panahon upang sumabog at ilabas ang bawat hinanakit, pait, at sakit.
Kung ang mundo ay guguho kinabukasan, ikaw ba'y aking hahanapin para muling mahagkan?
Siguro... hindi ko masagot ang isang tanong na walang konteksto kung ano nga ba ang magiging pakay ng ating muling pagkikita.
Sa sandali ng 'yong paghihirap ako'y lumisan upang labanan ang sarili kong laban. Muling nagparamdam at sumiping sa 'yong piling noong ako'y iyong tinawagan, ngunit para lang tayong hanging dumaan sa mga puno't muling lilisan upang ang mga ulap ay muling ma i-usog patungo sa magkabilang direksyon.
Ang mga buhay natin ay palaging nasa magkabilang direksyon.
Sa buhay ko'y ikaw ang munting biyaya, gano'n din ang buwan ng Mayo. Hindi magsasawang magbalik-tanaw sa bawat taon habang ako'y humihinga—titingin sa aking paligid at bubuksan ang puso sa kagandahan ng mundong aking kinalimutan sa tuwing ika'y di sumasagi sa aking isipan.
Ngunit minahal kita, kahit ito'y hindi mo naramdaman sa bawat sigaw ng pangalan mo't hila sa 'yong buhok. Minahal kita kahit na tayo'y isang tumpok ng kalat sa ating munting sisidlan na puno ng musika, habang ang ating mga damdamin ay kinulong sa pusong tahimik at may takot na isa man sa atin ay masaktan; katulad ng mga Kalachuching hindi pinagpala't nayurakan lamang sa daan.
Hindi namalayang ika'y aking kinukumusta sa bawat bituin sa kalangitan at nagdarasal sa diyos na ating tinawanan, dahil sa takot ng pag-iisa mula nang mapagtanto na ikaw at ako'y isang simbolo ng isang maling pananaw sa pag-ibig— ito'y ating isinusuka dahil sa lahat ng pananakit sa atin ng ating nakaraan.
Sa kabila ng lahat, ikaw parin ang pinaka mahalagang biyaya at leksyong nakatatak sa aking kaluluwa.