Pagdilat pa lamang ng aking mga mata'y agad nang makikita ang napakalawak kong silid. Kukusutin ang mga mata dahil sa sinag ng tirik na tirik na araw.
Babangon sa napakalambot kong hinihigaan at maghihilamos ng napakalamig na tubig mula sa bundok ng aming nayon.
Hindi na kailangan pang magluto sapagkat ang pagkai'y nariyan na. Ang hinahanap ng dila'y nakahain na, gawa ng pagpupursigi ni Ina.
Agad akong pupunta sa napakalawak naming hardin at makikisali sa laro ng iba pang mga batang paslit. Takbuhan, habulan, basaan at tawana, 'yan ang gawain namin.
Itatago't ibabaon ang mga paa sa puting buhangin, lalangoy at magtatampisaw sa katubigang pag-aari namin. Lahat kami’y galak ang nadarama, walang iniisip na problema.
Ligaya lamang ang aking nadarama. Walang bahid ng takot at lungkot kailanman. Ako'y kuntento na sa buhay kahit sampung taon pa lamang. Wala man kaming salapi, ako’y ubod pa rin ng yaman.
Ilaw ko'y araw, hardin ko'y kagubatan. Mansyon namin ang buong kapatagan. Pagkain nami'y makikita kung saan-saan. Mapupunan na ang sikmura, kaunting pagpag lamang.
Hindi salapi ang aking hanap. Ang halaga ng pera'y ‘di kaya tumbasan ng kakaibang paraisong aming kinabibilangan. Si Ina'y sapat na. Ako'y sanay na rin sa malambot na tumbok ng mga basurang aking hinihigaan. Madali na ring makabingwit ng pagkain, maasim man. Ang mahalaga'y si Ina, siya ang tangi kong yaman.
Ngunit isang araw, pangyayari ay 'di inaasahan. Ito'y bangungot na kailanma’y ‘di ko malilimutan. Si Ina'y nawala't ‘di man lang nagpaalam.
Mula nang makita ang madugong katawan niya sa kalsada, mula nang mangyari ang kahindik-hindik na pagkawala ni Ina, ang kuntentong buhay ko'y naglaho bigla. Ako'y nagpursigi at namuhay mag-isa, ‘di nagpakilala sa mga opisyales, maging sa pulisya. Pinilit kong harapin ang bukas, kahit ang bulsa ko’y butas na.
Kahit huli na ang aking edad sa pag-aaral, kahit na mas bata ang aking mga kamag-aral, 'di ito naging hadlang upang ako'y magpursigi at makamit ang pangarap sa buhay na makuntentong muli.
Pumasok ako sa isang pampublikong paaralan kahit walang uniporme. Suot-suot lamang ang simpleng bestida na kay dumi. Ako'y hinarang ng gwardiya at dinala sa punong guro ng paaralan. Buong tapang kong hinarap ang pamunuan at sinabing ako'y may karapatan. Pag-aaral na lamang ang aking inaasahan upang matupad ang hangarin ni Ina.
Isang pasasalamat na ako'y kanilang pinagbigyan. Humarap sa klase at may pinatunayan. Wala mang laman ang sikmura, tuloy pa rin ang pagsulat, pagbasa at pag-aaral.
Napahanga ang isa naming guro sa aking kakayahan. Tuluyan akong pinatira sa kanilang tahanan. Maraming papeles ang dumaan, ako na'y ganap na ampon ng aking pangalawang magulang. Isang biyaya kung maituturing, ako'y binigyan pa ng isang pagkakataon. Lahat ng ito'y 'di sasayangin para sa pangarap na aking minimithi.
Natapos ako sa pag-aaral na may ngiti sa labi. Naging kuntento sa mga bagay na dati'y hindi. Ang malambot na higaan ay hindi na tumbok ng basura. Ang kathang-isip na hardin ay totoo na. Ang mansyon ko'y may bubong na. Ang pagkain ko nama'y niluluto na. Ang lahat ng ito'y ‘di ko magagawa kundi dahil sa yaman kong nakabaon sa lupa.
Yamang kailan ma’y di mapapantayan.
Yamang kailanma’y ‘di mapapalitan.
Walang iba kundi si Ina, aking tanging yaman.