Sariling Kuru-Kuro - Bilang isang "Kpop Fan"
Nais ko itong isulat sapagkat ako ay katulad nila, isang Kpop fan. Noong nakaraang klase, May 14, napag-usapan ng bahagya ang tungkol dito. Ako ay naniniwala sa sinabi noon. Maaari tayong masakop. Ngunit hindi lahat ng kpop fan ay ganoon, o marahil ako ay naiiba lamang. Para sa akin, hinahangaan ko sila hindi dahil lang sa kanilang mukha o galing sa pagkanta at pagsayaw. Ang pinakahinangaan ko sa kanila ay ang pagmamahal nila sa kanilang bayan. Bago pa man ako naging kpop fan, isa na akong jpop fan. Sa hapon, malakas ang kanilang nasyonalismo. Ito ang aking hinahangaan sa kanila at nang maging kpop fan nga ako, di nabago ang pamamaraan ng aking pagtatangi.
Ako ay nadidismaya sa ibang kpop fan na nais pang tumira sa Korea kaysa sa Pilipinas. Bagama't ako ay isang fan, hindi ko kailanman ninais tumira roon. Gusto kong mamuhay sa kumbaga ay aking "comfort zone". Sa tingin ko ngayon, ako nga ay naiiba sa kanila. May kaibigan akong nagsabi sa akin na ako nga ay abnormal na fan. Di ako naging katulad ng ibang fan. Tingin ko, mababaw ang tingin nila bilang kpop fan, di nila naisabuhay ito bilang Pilipino. Ang sa akin, nais kong tularan lamang ang mga Kpop idols na ito sa kung paano nila minamahal ang sarili nilang bayan. Paano nila napapaunlad ang kanilang kultura at kung paano nila naipagmamalaki ang kanilang kultura. Ito ang palagi kong naisasaisip, kung si Sandara Park, na sikat sa buong mundo, mahal na mahal pa rin ang Pilipinas, ano pa ako na isang Pilipino, upang di ipagmalaki ang aking lahi. Kahiya-hiya naman ako. Siya, kahit saan pa man siya mapunta, maging sa New York man o Hongkong, alam nyo ba ang kinakainan niya, Jollibee. Hangga't may Jollibee sa lugar na pinupuntahan niya, di maaaring di siya kakain! Maging ang mga kasama niya sa "agency" tinuruan niyang kumain sa Jollibee. Naalala ko ang isang kpop artist, nang magpunta siya dito, San Miguel Beer ang ininom niya! Kaya ako, proud ako na may Sandara Park na may mas Pilipino pa kaysa sa mga 'Pilipino' dito.
Noong sabado, May 18, Nagconcert ang banda ni Sandara dito. Marami ang nanood. Maganda raw ang kanilang concert. Sayang di ako nakapanood. Nais ko itong banggitin sapagkat may ilang mga importanteng detalye ang nangyari.
Una, Tinuruan ni Sandara na magtagalog ang mga kamyembro nila, at di lang iyon, pati ang "Boom Panes" na usong uso ngayon sa mga Pilipino. Nakakatawa talaga. Iba na ang katagang iyan sa akin. HAHAHA
Pangalawa, sila ay binigyan ng kiddy party ng Jollibee gabi bago sila magtanghal. Nakakatuwa. May battle dance pa sila laban kay Jollibee at mahal talaga nila ang Jollibee. Sana ay magbukas na ang store ng Jollibee sa Korea para naman mas mahalin pa nila ang Jollibee
Pangatlo, Tuwing nakikipag-usap si Sandara sa mga kamyembro nito, nauuwi siya sa pagsasalita ng tagalog. Nakakatawa talaga.
Bom (Kamyembro nito): will u sing In or Out?
Dara: ay di ka nga pala marunong magtagalog
Nakakatawa talaga siya, at talagang kinanta nila ang In or Out. Di lang ni Sandara, pati ng iba pa niyang kamyembro at maging ang back-up dancer. Ang galing. Naturuan niya ang mga kamyembro niya.
Huli, may sinabi ang kamyembro nito tungkol sa Pilipinas. Ito:
*CL (kamyembro nito) put cake all over Sandara's face*
CL: I am doing this to you because this is your 2nd hometown.
CL: I WISH IT WAS MINE TOO!!!
WOW! Siya, isang koreana, nasabi niya ito sa ating bansa. Nakakataba ng puso. Kaya ako, natutuwa ako sa mga artistang ito. Marunong magmahal sa ating bansa.
Isa pa, marami na ring kpop artists ang nag-aral sa Pilipinas bago sila sumikat. Di ko na iisa-isahin sila. Kaya, ako proud ako na Pilipino ako kasi iniisip ng mga koreano na dito sila mag-aral dahil mas mura dito mag-aral ng English. Ibig sabihin, tayo may maaaring di nila maliitin. Isa pa, may mga tao sa Korea na noon ay tinitingala tayo. Bakit? Dahil sinasabi nila na tayo ay maunlad noong sila ay mahirap pa. At hanggang ngayon, tinatanaw pa rin nilang utang na loob ang pagtulong nila sa atin noong 1950s. Kaya tinutulungan nila tayo. May mga nagtatanong ngang mga koreano, anong nangyari sa ating bansa? Bakit tayo nalugmok? Sinasabi nila ito sapagkat tayo ay tinitingala nila. Kaya sa akin, sila ay isang daan upang magbalik tanaw tayo sa ating kasaysayan ang namnamin ang kagalingan ng ating bansa.
Para naman sa nagsasabi ng masama sa kpop , nakakainis. Sinasabi nila, na hindi naman natin naiintindihan ang mga sinasabi nila, na hindi na magkakatunog lang ang musika nila. Na bakla sila, retokada. Yan ang mga sinasabi nila. Ang sa akin, di man namin naiintindihan iyon, mas malapit naman tayo sa kanila kumpara sa Western. Bakit? Dahil Asyano silang tulad natin. Maging ang sulat nila ay may katulad sa ating sinaunang sulat. Noong binabasa ko kung paano magsulat ng baybayin, Ang lapit nito sa pagsusulat ng mga koreano. Sinasabi ko ito sapagkat natutunan ko ng kaunti ang pagsusulat nila, ang hangul. Kaya ako, pursigido akong mag-aral ng baybayin. Isa pa, kung di natin naiintindihan mayroon ngang sinasabing "Music has no language barrier" hindi hadlang ang lenggwahe para di namin sila magustuhan. Ito lang. kung sinasabi sa amin ito, ibig sabihin, ang mga musika ng Igorot, ang mga Bisayang tugtog, di natin magugustuhan kung di natin naiintindihan. Iyan ang kakulangan sa atin. Sabihin man ni Rizal na di natin kailangang magdagdag ng iba pang lenggwaheng aaralin, di ibig sabihin nito na pati sa musika ay dadalhin natin ito. Masyado lang tayong "Americanized" para isipin ang mga bagay na ito, ang mga pula sa kpop.
Nais ko lamang ding ibahagi ito. Mas natutuwa ako sa mga Korean artist dahil marunong silang makipag-ugnayan sa mga humahanga sa kanilang mga Pilipino, o maging ng sa iba pang bahagi ng Asya. Halimbawa na lamang nito ang pagsasalita nila ng Tagalog tuwing sila ay magtatanghal dito. Maaaring may iba pang banyagang artista ang gumagawa nito, ngunit ang kakaiba sa kanila, di lang sila nagsasalita ng tagalog, kumakanta rin sila ng tagalog na awitin. Mas magaling silang makipag-ugnayan sa aming mga tagahanga niya kaysa sa ibang mga banyagang artista kaya ako ay mas natutuwa sa kanila. Eto ang mga halimbawa ng mga Koreanong artistang nagtanghal ng tagalog na awitin para sa kanilang tagahanga:
Mas kahanga-hanga pati sila, kasi sila, kumakanta sila ng kanta natin sa ating bansa, at sila kumakanta sila ng kantang Koreano sa bansa natin. Di sila nahihiyang magtanghal sa sarili nilang lenggwahe. E ang mga Pilipino? Makaapak lang sa ibang bansa, Ingles na agad ang itatanghal na awitin. Mas maging proud din sana ang mga Pilipino sa ating lenggwahe. Dapat silang tularan, ang kpop artists, kasi sila, matindi talaga ang pagmamamahal nila sa kanilang bayan, mula sa kultura hanggang sa mga mamamayan nila. Iyan ang kulang sa atin. Kaya ako, iniidolo ko sila, dahil sa ugali nilang ito. Sila ang isa sa pinakadahilan kung bakit mas naging makabayan ako.
Noong ako'y naging kpop fan, mas naging masidhi pa ang damdaming nasyonalismo ko kaysa noon. Mas pinapahalagahan ko ang ating lenggwahe, musika, at kultura. Tinatanong ko sa aking sarili, kung di ako natuto ng Hangul (korean language), maiisipan ko bang mag-aral ng Baybayin? (Nga pala, ang 'Da' na baybayin ay katulad ng 'D' sa korean alphabet). Kung di ako kpop fan, iisipin ko bang nakakasura o bale walang pakinggan ang mga kantang iba ang dialect sa alam ko dahil di ko ito naiintindihan? Ilan lang iyan sa mga tanong ko, sa mga kahihinatnan kung di ako kpop fan. Kaya ako, kahit kpop fan ako, masasabi kong maganda ang impluwensya nito sa akin. Isa pa, di lang naman sa Pilipinas malakas ito, pati sa ibang panig ng mundo. Kahit Europe, sumisikat din siya. Isa man itong pamamaraan ng colonyalismo, ang mas malalim na pag-iintindi ang dapat ginagawa ng isang kpop fan upang maintindihan na ang ito ay maaaring daan upang tumibay pa ang nasyonalismo natin.