Para sa taong muling magbibigay ng liwanag sa madilim kong mundo, Bago mo tuluyang tanggalin ang kandado sa pintuan ng mundo ko, gusto ko munang malaman mo ang dahilan kung bakit nailagay ang mga ito. Sapagkat ayaw ko na sanang mabulabog pa sa kapayapaang kinalalagyan kung ang pagdating mo ay panandalian lamang at iiwan mo rin ako. Dahil 'pag pinatuloy kita, isinusumpa kong 'di na kita hahayaang lumisan. Bago mo tuluyang bigyan ng init ang malamig na mundong kinalalagyan, gusto ko munang malaman mo kung bakit mas pinili kong manatili rito. Dahil ayaw ko na muling lasapin ang init na hindi rin magtatagal. Ayaw ko na sanang muling lamigin, sapagkat kapag ako ang nagbigay ng init sa'yo, pinapangako kong hindi ito mawawala at lagi mong mararamdaman. Bago mo sabihin ang mga salitang "Mahal kita at tanggap ko kung ano o kung sino ka," gusto ko munang manigurado ka na tanggap mo nga ako talaga, hindi ako makaririnig ng mga salitang "Ayaw ko sa taong may bisyo kaya maghiwalay na lang tayo." Kaya bago mo sabihin ang mga salitang 'yan, gusto ko munang malaman mo kung bakit mas may tiwala ako sa sarili ko. Sapagkat minsan na akong nagtiwala sa pag-ibig, pero 'di rin ito nagdulot ng saya. Wala akong naririnig na angal, himutok o selos. Kaya sa sandaling sabihin mo ang mga salitang 'yan, gusto kong sigurado ka talaga. Kasi kapag sinabi ko 'yan sayo, masisiguro ko sayo na tanggap kita pati ang lahat ng pangit na katangian mo. Bago ka sumumpang ako lang ang mamahalin mo, gusto ko munang makasiguro na ako lang talaga. Hindi ako makakaramdam na parang may iba; na parang may kahati ako sa oras, dahil kapag ako ang sumumpa sa'yo ng pagmamahal, sisiguraduhin kong ikaw lang talaga at wala ng iba. Kaya bago ka sumumpa ng walang hanggan, gusto kong makasiguro na mapanghahawakan ko ang mga pangako mo, dahil kapag ako ang nanumpa sa'yo ng magpakailanman, sinisigurado ko sayong mapanghahawakan mo ang salita kong "Mahal kita at hindi 'yon magbabago ni mabubura ng kamatayan." Bago mo sabihing iba ako sa lahat at ako ang pinakamagandang nangyari sa buhay mo, gusto ko munang masiguradong seryoso ka 'pag sinabi mo 'yan. Sapagkat minsan na rin ako nakarinig ng mga salitang ito noon, pero hindi rin siya nanatili sa piling ko. Kaya bago ko marinig sa mga labi mo ang mga salitang ito, gusto ko munang malaman kung hindi ako makakarinig ng mga salitang "Kung pwede ko lang sana ibalik ang panahon, 'di sana ako nagsisisi sa'yo ngayon." Gusto kong malaman kung kaya mong ipangakong sa oras na magkulang ako, o sa oras na may magawa akong 'di mo gusto, gusto kong makasiguro na hindi mo ako ikukumpara sa iba, na para sayo e mas perpekto dahil lang sa meron siyang wala ako. Dahil kapag sinabi ko sayong iba ka sa lahat, makasisiguro kang magkulang ka man, 'di kita iiwan at hihilinging sana ika'y siya na lang. Kaya bago mo tuluyang bigyan ng liwanag ang madilim kong mundo, gusto ko munang makasigurado na hindi mo na ito babawiin pang muli. Sapagkat kapag ibinigay ko sa'yo ang liwanag na mayroon ako, ipinapangako kong ito ang magiging simbolo ng pag-ibig na inialay ko sa'yo. Tanda na hindi kita iiwan kahit na anong mangyari, na walang makapaghihiwalay sa ating kaluluwa kahit pa ang kamatayang naghihintay sa kabilang mundo. Kaya bago ka tuluyang maging parte ng mundo ko, gusto kong makasigurado na sigurado ka sa gusto mo. Sapagkat tulad ng sabi ko, ayaw ko nang mabulabog pa sa kapayapaang kinalalagyan ko ng dahil sa mga pangakong hindi rin lang magtatagal at hindi totoo.











