Lumaki ako na may kaibigan at andyan ang pamilya
Kaya nga nakakapagtaka, bakit ganun at laging uhaw sa pag-big ng isang siya.
Hindi ko alam kung bakit may inggit
Sa tuwing makakakita ng mga pusong magkalapit
At may kirot sa tuwing makakarinig ng pumapag-ibig na awit.
Hindi dapat pero may lungkot dahil ang kilig
Nababasa lang sa libro, nakikita sa tv o sa madala’y naririnig
Alam ko, hindi dapat minamadali ang pag-ibig
Pero kasalanan bang mauhaw sa atensyon na parang isang banal na tubig?
Kasalanan bang naisin na gaya ng iba, sana may magpapabilis din ng sarili kong pintig?
Sobra bang hilingin na maranasang magmahal at mahalin?
Mahalin sa paraang gusto ko at dalangin?
Siguro nga isa akong bulag, makasarili, hangal!
Pero tao lang ako. Taong sobra ng pagal.
Pagal at pagod sa pag-ibig na pilit hinahanap sa kay tagal
Ang sabi nila ang pagmamahal daw ay hindi dapat hinahanap
Dahil kusa itong nagaganap
Pero naiinip na ako’t namumuti na ang mata, ni anino ng karugtong ng puso ko ay hindi ko pa naaaninag
Kaya sa halip na mag-antay, kikilos ako’t tulog n’yang dadamdamin, ako ang tatawag
At sisiguruhin kong sa aki’y s’ya ay walang palag.
Paghahanap na puro baka sakali
Pero lahat ng aking natatagpuan ay puro yata mali
Kaya yata sa una lang masaya at iba na sa huli
Para bang pandaliang aliw lang at nakaw na sandali
Bakit kung sino pa ang hinabol ay s’ya ang mang-iiwan ng ganun kadali?
Bakit kung sino pa ang hinanap ay s’ya pa ang tumalikod, lumayo at nagkubli?
Dahil ba sa bobo ako sa Math, kailangan lahat ng ibigay ko, kundi kulang ay walang sukli?
Kaya ba dapat puso ko ang kabayaran at paulit-ulit at pulit-ulit na nababasag pang muli?
Oo kasalanan ko ng lahat pero gusto ko lang namang mapunan ang puwang
Sa pagkatao kong parang parating may kulang
Hindi ko rin alam kung bakit kaya wag ng magtanong
Hindi ko na kasi alam sa dami ng sakit na patong-patong
Ayoko ng maghanap dahil sa wakas natagpuan ko na
Ang sagot kung bakit ni minsan hindi tumagal sa iba
Akala ko lahat ng sakit ay iyong papawiin
Akala ko sa wakas may pipili na sa akin
Pero mali na naman pala ako
Sa isa na namang pagkakataon ay ako ang talo
Dahil tulad ng mga nauna ay hindi magkakaroon ng tayo
Pinasaya mo lang din ako saglit
Para makalimutan kahit sandal ang mga pait
Pero hanggang dun lang pala tayong dalawa
Tapos na ang larong ako lagi ang taya
Ako na naman ulit mag-isa
Bakit kasi ganun ako kandaling ibalewala?
O sadyang madali lang ako magpauto sa mga maling akala
Pero iisipin ko pa ba ng tama
Kung sa dulo ay lagi akong isinasantabi
Iniiwan sa mga luhang lumulunod sa akin sa gabi
Ganun ba kahirap na ako’y mahalin?
Kaya ba kahit kalian ay hindi ako nagawang piliin?
Alam ko namang mahirap akong unawain
Pero hindi ba talaga pwedeng subukang arukin
Ang kailaliman ng isip na nangakong ikaw lang ang tatangiin?
Hindi ba talaga pwedeng ako na sana
Kulang pa ba ng lahat ng pagpapansin para ako din ay makita?
Hindi pa ba sapat ang bawat piraso ng puso kong laan
Mahina pa ba ang bawat pagsusumamong “Ako naman!”
Pipiliin pa ba ako o habangbuhay na maghihintay sa kalian?