Sabay nating languyin ang karagatan
Sabay nating limutin ang nakaraan
Halina’t kumapit ka sa aking kamay
At languyin ang lalim nito nang sabay
Hindi na ako matatakot malunod
Dahil sa likod ko’y ika’y nakasunod
Tangayin man ng malalakas na alon
Tayo’y kakapit at di tayo aahon
Habang tayo’y palalim na ng palalim
Ang paligid ay padilim nang padilim
Habang kapit mo’y nawawalan ng higpit
Sa’yong kamay hinigpitan ko ang kapit
Hinampas tayo ng malakas na alon
Bakit ikaw ay bumitiw at umahon?
Nakita kita’t ikaw ay nanginginig
Takot na takot at parang nanlalamig
Ako’y nag-iisip, dapat bang ituloy
Pag-ibig nating ako na lang ang lalangoy?
Ngunit di ko yata kayang ipaglaban
Dahil lumangoy ka sa ibang karagatan