Hindi maikakaila na ang ilan sa atin ay hindi na ganoong pamilyar sa gadyet na radyo kung saan isa ito sa mga pinakaunang teknolohiya noong panahon ng pag usbong ng “Technological Revolution”. Marahil ay mas gamit na ang mga cellphone, kompyuter, tablet at iba pang mas madali at mas angkop sa ating kabataan. Malaki na ang naiambag ng radyo bilang medyang pangmasa sa nakaraan, ngunit ano –ano ang naiaambag at maiaambag ng radyo sa masang panlipunan.
May dalawang pangunahing kagamitan ang radyo sa kasalukuyan. Una ay pagbibigay ng malinaw na imahinasyon gamit ang salita lamang sa mga tagapakinig. Dahil dito mas madaling naikakalat ang impormasyon sa isang lipunan, kung kaya’t mas mainam na gamitin ang radyo sa paghahatid ng mahahalagang balita tulad na lamang ng kanselasyon ng klase.
Isa pa sa kagamitan ng radyo ay ang pagbibigay ng trabaho at oportunidad sa mga tinatawag na “broadcaster” upang maipakita ang kanilang talento habang nagbibigay impormasyon sa masa. Kasama na rin dito ang direktor, “technical director” at “scriptwriter” kung saan nakakapagbigay trabaho ito sa ilan nating kababayan.
Kaugnay nito ay ang pagkakaroon ng pagusbong ng mga makabagong broadcasters ng bansa, kung saan nagkakaroon ng patimpalak sa larangan ng broadcasting ang lahat ng high school sa bawat parte ng bansa. Isang magandang hakbang ito upang nang sa gayon ay hindi maisawalang bahala ang radyo sa ating kasalukuyang lipunan at nang sa gayon at maipreserba at magagamit pa ito ng susunod pang henerasyon.