kumusta?
Napaisip lang ako.
Ano kaya ang dahilan ng iba kung bakit sila nangungumusta?
Sa totoo lang kasi, kung ako yung tatanungin, ginagawa ko 'yon kapag nag-aalala ako sa isang tao. Maaaring may nabalitaan ako tungkol sa kanya o sa isang bagay na alam kong may kinalaman sa kanya. Pwede ring may naalala lang ako bigla tungkol dun sa tao kaya ako nangungumusta.
Yung iba kaya? Ano kayang dahilan nila? Bakit kaya sila nangungumusta?
Sa aking karanasan, ang una sa listahan ng mga dahilan kung bakit nakakatanggap ako ng pangungumusta mula sa mga taong kilala ko ay dahil may kailangan sila. Kumbaga parang "ice breaker" na nila sa akin 'yon 'pag kailangan nila ako. Mangungumusta, magtatanong, lalaruin muna nila yung usapan bago sabihin kung ano ba talaga yung gusto nilang ipunto. Wala naman akong problema sa ganon. Suki nga ako ng "small talks" kung tutuusin. Pero napaisip lang ako, ibig sabihin ba 'non, kapag wala na silang kailangan, hindi na nila ako kukumustahin? Ang isa rin sa mga dahilan kung bakit ako kinukumusta ay dahil may mga pagkakataong nagiging mailap ako. Nawawala ako bigla, hindi nagpaparamdam, nagtatago sa mga tao. Mapalad ako kung tutuusin dahil may mga mahal ako sa buhay na napapansin agad kapag naglalaho ako. Ramdam ko yung bahid ng pag-aalala sa bawat pagkakataong magtatanong sila kung kumusta na ako. Gusto ko na rin sanang ikwento. Nitong mga nagdaang taon, madalas akong makatanggap ng mensahe ng pangungumusta mula sa mga taong minsan ko ng itinuring na espesyal sa puso ko. Ano kayang dahilan nila? Bakit bigla silang nagpaparamdam? Saan kaya nila nakukuha yung lakas ng loob na pagkatapos nilang mawala na lang bigla sa buhay ko, babalik sila na para bang hindi nila 'yon alam? Nagtataka ako palagi nung una kapag nangyayari 'yon pero sa bandang huli napaisip na rin ako. Baka kasi may gusto lang siguro silang alamin. Baka interesado lang sila kung may mga pagkakataong naiisip ko pa rin sila pero hindi lang nila ako kayang deretsuhin. Baka gusto lang nilang i-”check” kung tangang-tanga pa rin ako sa kanila kaya napagdesisyunan nila akong gambalain. Anong malay ko? Baka gusto lang nilang malaman kung may pagmamahal pa ba na natitira para sa kanila dito sa puso ko. Marahil ang may problema rin ay ako. Ako na mismo kasi yung naghahanap ng dahilan kung bakit may ginagawa sa akin ang ibang tao. Ako mismo ang nagbibigay ng kahulugan sa bawat kilos at desisyon ng iba tungkol sa akin. At higit sa lahat, ako na rin mismo ang nagsasabi kung madumi o malinis ba ang kanilang mga hangarin. At iyon ang gusto ko sanang aralin. Gusto kong matutunan na bigyan lamang ng atensyon at halaga ang isang bagay kung may mabuti itong maidudulot sa akin. Ang hirap din kasing pangunahan ang lahat lalo na’t kung wala kang pruweba. Ang problema pa 'ron, malaki ang tsansa na makasakit ka ng iba dahil sa ganitong klaseng pag-iisip. At hindi rin malabong masaktan mo ang sarili mo sa proseso. Para kang kumuha ng malaking bato tapos ipupukpok mo lang din sa ulo mo. Marami pa akong hindi alam, at alam ko 'yon sa sarili ko. Kailangan ko munang tanggapin na ang kahulugan ng mga bagay-bagay ay darating din sa atin sa tamang panahon, siguro. Kasi sino nga namang may alam 'di ba? Maaaring makatanggap ka ng mensahe ng pangungumusta sa iba kasi gusto ka lang nilang kumustahin. Maaring ginusto lang nila 'yong gawin at 'di mo na kailangan pa itong kwestyunin. Malay mo, mabuti pala yung intensyon at dahilan nila. Pero malay mo, hindi rin. Ang dami kong sinabi. Isa lang naman yung dahilan nito. Naisip ko lang 'to lahat nung bigla kang nagpadala ng mensahe mula sa kawalan para lang kumustahin ako. Ilang buwan na ba ang nakalipas mula nung huli tayong nagkausap? Hindi ko na kasi maalala. De, joke lang. Magtatatlong buwan na mahigit. Madalas kasi, pawala-wala ka. Magpaparamdam ka tapos kinabukasan, bigla ka nalang hindi sasagot. Siguro, naisipan mo lang akong guluhin dala na rin ng matinding pagkabagot. Ano kayang dahilan mo? Ano kaya ang gusto mong alamin? Ano kayang pumasok sa isipan mo at naisipan mo akong kumustahin? Sa totoo lang, nung sinabi mong "Kamusta?", medyo nagambala ako. "Kumusta?" kasi dapat yung sinasabi kung yun ang gusto mong ipunto. Galing 'yon sa salitang "como estas" na hinugot natin sa wika ng mga Kastila. Magtataka pa ba ko? Yung mahalin nga ako nang tama, hindi mo nagawa, 'yan pa kaya?
At hanggang ngayon, 'di pa rin kita sinasagot. Mas inuna ko pang isulat 'to kaysa bago kita sagutin. Kasi malay mo, maisipan ko ring sagutin yung tanong mo.
Malay mo, hindi rin.
—————————–
‘O Buwan ng Marso: "Ang Sagot Sa Kamusta Mo”















