Salita, Salamin, Mga Gunita, At Pag-amin
"SALITA, SALAMIN, MGA GUNITA, AT PAG-AMIN"
Inensayo ang lahat ng kaytagal
Ngunit bulol pa rin sa pag-usal
Sa tuwing na sa iyong harapan
Titik at tono ay tila sa akin ay
lumilisan
Konkreto kapag ako'y nag-iisa
Sirang plaka tuwing nariyan ka
Paulit-ulit na parang asong ulol
Mga salita kong buhul-buhol
Salamin ang katuwang sa tuwina
Sawa na nga sa pakikinig tungkol
sa iyo sinta
Siyang sandalan at saksi sa hirap
Siyang ikaw kapag 'di ka kausap
Ngunit hindi siya sa akin ay sasagot
Ang kaya lamang ay ibalik ang kilabot
Ang kuryenteng nadarama sa titig
Ang ngiti mong nagdudulot ng kilig
Alaala mo ang humahalina sa gunita
Tulala sa bintana at nakahalumbaba
Pinapantasyang hawak iyong kamay
Habang lumakad ay kumukunday
Tila paltik ang boses mo'y pumukaw
Sa iyong pagdating lahat ay natunaw
Natigil ang ngiti sa aking mga labi
Natuon sa mukha mong nakabibighani
Natalisod sa aking malalim na iniisip
Bakit pa ba patatagalin itong inip?
Huminga ng malalim, eto na ang
pagkakataon
Lumunok, paano kung tila sugat ay
di na maghilom?
Sa pagitan ng tapang at takot, salita
Sa pagitan ng salita at aksyon, salamin
Sa pagitan ng ngayon at bukas, gunita
Sa pagitan ng bahala at baka, pag-amin
Hayaang buuin ang mga katagang
magiging salita
Hayaang ipakita ang damdaming
sumasalamin
Hayaang ipahayag bawa't kong gunita
Hayaang lahat ay isalin ko sa pag-amin












