Ang Pag-ibig sa bayan ay pag-ibig din sa Diyos
seen from United States
seen from United States
seen from United States

seen from South Africa

seen from United Kingdom
seen from United States
seen from United Kingdom

seen from Malaysia

seen from Maldives
seen from United States
seen from United States

seen from Canada
seen from United States
seen from China
seen from United States
seen from Philippines
seen from Hong Kong SAR China
seen from United States

seen from United States
seen from China
Ang Pag-ibig sa bayan ay pag-ibig din sa Diyos
AKO AY ISANG GURO...
Ako ay isang guro. Hindi ko man ninais kahit noong ako'y bata na ganito ang aking maging propesyon pero, ito yata talaga ang guhit ng aking kapalaran. Kung kaya sa kabila ng ilang kursong aking aking nakuha noong ako ay nasa kolehiyo pa kagaya ng Automotive at Radiologic Technology ay ito ang aking kinahantungan. Hindi ko naman ito pinagsisisihan dahil noong binigyan ako ng pagkakataon ng Maykapal na makapag-isip para sa aking buhay at kinabukasan ay ito ang larangan na napili kong puntahan.
Ilang taon na rin mula noong ako ay makatapos sa pag-aaral at magsimulang magtrabaho. Marami-rami na ring mga murang isipan ang sa tulong ko ay napanday. Marami-rami na ring mga pangalan, personalidad at katauhan ang aking nakasalamuha. Tama nga aking mga guro noon. Tama sila sa pagsasabing hindi madali ang maging guro. Tama rin ang mga naririnig ko na walang gurong yumayaman sa pagiging guro lamang. Alam na alam ko na iyon ngayon.
Ilang guro na rin ang aking nakapanayam, naging kaibigan, nakapalitan ng kuru-kuro at laman ng isipan. Ilang guro na rin ang aking nakatampuhan, nakalimutan at pilit kinalimutan. Bawat isa sa kanila ay may iba't ibang dahilan, pananaw at prinsipyo sa pagpili sa ganitong larangan.
Ano nga ba ang pagiging guro? Ano nga ba ang papel ng guro sa isang mag-aaral? Noong mga naunang panahon na kung saan ang mga Pilipino ay walang sapat na kaalaman sa wika, matematika, siyensya at teknolohiya, at iba pang aspekto ng kanilang buhay at pamumuhay, ang pangunahing layunin ng guro ay ibigay sa kanilang mga mag-aaral lahat ng kaalaman na dapat nilang malaman. "Spoon Feeding", wika nga nila sa Ingles. Ngunit natapos na ng mga Pilipino ang gayong yugto. Ang mga kabataang Pilipino, lalo na ang mga mag-aaral na Pilipino ngayon ay tapos na sa ganoong panahon. Ang mga kabataan ngayon ay higit nang matalino at malikhain. Kagaya nga ng madalas kong sinasabi sa aking mga mag-aaral lalo na sa unang araw ng aming klase, "Hindi ako ang bukal ng karunungan". Kung kaya, sa proseso ng pag-aaral ay hindi lamang ang mga mag-aaral ang natututo mula sa guro kundi maging ang guro ay maaari ring matuto mula sa kanyang mga mag-aaral.
Bilang guro na nagtuturo sa mga makabagong mag-aaral, ang nararapat na maging papel ko ay tagagabay lamang. Facilitator of Learning, ika nga. Kung dati-rati'y palagiang guro ang madalas na nagsasalita sa klase, ngayon ay mga mag-aaral na ang kailangang hikayatin ng guro para magsalita. Isang kasabihan sa Ingles tungkol sa guro ang hanggang ngayon ay aking inaalala at sinusundan, "The object of teaching is to enable the child to get along without the teacher". Hindi kinakailangang idikta nang idikta ng guro sa mga mag-aaral ang kaalamang dapat nilang matutunan. Sila ang nararapat na makatuklas ng mga kaalamang ito sa pamamagitan ng paggabay at hindi sa pagtuturo ng guro.
Noong ako ay nag-aaral pa lamang ay madalas ko ding itanong sa aking sarili kung bakit ba kinakailangan pang pag-aralan ang mga "xy" sa matematika, pagsusuri ng iba't ibang akda sa Filipino at English. Bakit kinakailangang mag-eksperimento sa science at bumuo ng hypothesis at conclusion? Ano ba ang magiging saysay nito sa aking buhay. Ano ang kahalagahan ng kaalaman sa kasaysayan ng bansa, kontinente at daigdig? Para saan lahat ng mga ito?
Noong ako ay nakatapos na ng pag-aaral at tinahak na ang tunay na landas ng buhay ay saka ko lamang napagtanto na hindi pala ang kaalaman ang lubos na mahalaga kundi ang mga kasanayan na dapat matutunan sa bawat asignatura, leksyon at aralin. Maaari ngang hindi makatulong sa buhay natin ang mga eksperimentong ginawa natin sa Science, pero ang kasanayang natutunan natin sa pagsasagawa ng mga eksperimentong ito ay ating mapapakinabangan. Oo nga't ang mga "xy" sa matematika ay maaari nating makalimutan pagdating ng panahon ngunit, ang kasanayan sa pag-iisip at pagbibigay solusyon sa mga problemang dulot ng mga bilang ay may malaking maitutulong sa atin. Posible ding makalimutan natin ang mga pangyayari sa mga kwento o nobelang ating nabasa pero ang kasanayan sa pagsusuri sa sitwasyon ay maaari din nating magamit sa pagsusuri at pagbibigay ng solusyon sa sarili nating mga suliranin sa hinaharap o sa kasalukuyan. Kagaya nga ng sinabi ng aking propesor sa panitikan dati, “Ang panitikan ay salamin ng buhay”.
Maaaring mahalaga nga ang mga kaalaman na matututunan ng mga mag-aaral sa pag-aaral ngunit ang lubos na mahalaga para sa akin ay ang mga kasanayan sa pagtuklas ng mga kaalamang ito, dahil sa huli ay ang kasanayan at hindi lamang kaalaman ang magagamit nila sa pagpapatakbo ng kani-kanilang mga buhay.
Ako ay isang guro, ngunit hindi ko hinahayaang hindi nagsasalita ang aking mga mag-aaral sa klase. Hindi ko hinahayaan na ako lang ang nagsasalita. Hindi ko hinahayaan na nagbabasa at nakikinig lamang ang aking mga mag-aaral. Hindi ko hinahayaan na magkukwento lamang sila tungkol sa kanilang nabasa at tapos na. Hinihikayat ko silang magsuri... ginagabayan ko silang tumuklas ng kaalaman na dapat nilang matutunan.
Ako ay isang guro. Hindi man perpekto, mayroon mang kahinaan at kapintasan, hindi man maintindihan ng ilan, ay may layuning makatulong sa aking mga mag-aaral. Tulong na kanilang magagamit hindi lamang habang sila ay nag-aaral, kundi maging sa pagtahak nila sa tunay na kalikasan ng kanilang buhay.
Ako ay isang guro, ngunit higit dito ay isa rin akong tagapayo, ama, kaibigan, kapatid, tagapagsalita, tagapakinig, hingahan ng sama ng loob at tagagabay ng aking mga mag-aaral.
Ako ay naging isang guro, ngunit hindi ko kailanman ito pinagsisihan. Ito ang propesyong aking minahal, minamahal, mamahalin at hindi kailanman kalilimutan. Mananatili sa aking puso at isipan ang mga panahong dito ay aking inilaan.
Habambuhay ay mananatili sa aking alaala ang mga ngiti sa labi ng aking mga naging mag-aaral, ang mga malalakas nilang halakhak sa tuwing kami’y nag-aaral at nagkakasiyahan, ang mga sigawan kapag nagkakantyawan na, at maging ang kaba na kanilang nadarama sa tuwing may pagsusulit, pagtalakay o pagpapalabunutan.
Ako ay isang guro at kailanmanman ay hindi ko malilimutan ang aking karanasan sa pagtuturo.
Ako ay isang guro at ngayon nagpapaalam sa propesyong aking matagal ding minahal at iningatan, sa paaralang ilang taon ko ding pinaglingkuran, at higit sa lahat ay sa aking mga MAG-AARAL na lubos ko ding MINAHAL! Sana kahit papaano ay may natutunan kayo sa ating saglit na pagsasama.
Paalam at hanggang sa muling talakayan.
Sir Jonathan B. Magbitang
Guro sa Filipino
St. Vincent de Paul College 2004 - 2005
Rogationist College
High School Department 2005 - 2012
Unang sinulat: Hulyo 14, 2008 10:03 pm
Ang mga Pilipino, Nagkakaisa kapag may trahedya! Pero Kailangan bang laging may Trahedya para Magkaisa?
Ang mga Pilipino nagkakaisa kapag may trahedya. Ilang beses na natin itong napatunayan simula pa lang sa panahon ng mga dayuhang mananakop na kung saan ang pagsasamantala ang trahedyang kinaharap ng ating bansa. Gayundin nang danasin natin ang trahedyang diktaturyal ng dating pangulong Ferdinand Marcos at nang patalsikin sa pwesto si dating Pangulong Joseph Estrada. Iba't iba ding trahedyang pangkalikasan ang naranasan ng mga Pilipino na muling nagpausbong sa diwa ng pagkakaisa ng mga Pilipino. Pinakahuli nga dito ay ang trahedyang dulot ni Bagyong Ondoy na kung saan makikita natin at balitang balita sa buong daigdig ang pagkakaisang ipinamalas ng mga Pilipino kahit nasaan mang panig ng mundo. Nakakatuwang isipin dahil sa panahon na nangangailangan ng tulong ang ating mga kababayan ay hindi nangingiming tumulong ang ating mga kababayan. Hindi tayo nangingiming ipakita ang pagkakaisa para sa makatulong sa kapwa. Bagaman ang pagkakaisang ito ay nakatutuwa, ito ring pagkakaisang ito ang nakakalungkot isipin sapagkat bakit kailangan pang hintayin ng mga Pilipino ang trahedya para magkaisa. Nakakalungkot pero, "Ang mga Pilipino, Nagkakaisa tuwing may Trahedya. Pero kailangan ba talagang magkaroon muna ng Trahedya bago natin Isipin na MAGKAISA?!" Tsk!3
Oktubre 4, 2009 2:47 pm
Bagyong Ondoy
Wala na si Ondoy pero hindi mawawala sa alaala ng mga Pilipino ang pananalasa niya sa Metro Manila. Nakakalungkot na pangyayari sapagkat napakaraming tao at ari-arian ang naapektuhan dahil sa bagyong Ondoy. Totoong ang mga ganitong pangyayari ay walang pinipili at totoong sa ganito ring pagkakataon nasusukat ang kabayanihan ng mga Pilipino.
Makikita natin sa balita ang pagtutulungang ginagawa ng bawat Pilipino. Hindi na hinintay ang hakbang ng pamahalaan. Mas namayani sa kanila ang pagkakaroon ng dugong bayani. Mahirap o mayaman, sikat man o hindi ay handang tumulong sa kababayan kahit pa ang kapalit ay sariling kaligtasan. Lahat nakaisa para makatulong sa pagligtas sa kababayan. Malayo man ay nakiisa naman sa pamamagitan ng panalangin.
Ganito ring pagkakaisa ang kailangan ng ating bansa. Ganitong pagkakaisa ang kailangan ng Pilipinas para makaligtas sa bagyong patuloy na nanalasa sa buhay ng mga Pilipino. Kung dahil sa pagliligtas sa mga nasalanta ni Ondoy ay nagawang magkaisa ng mga Pilipino, marahil magagawa ring magkaisa ng mga Pilipino para maisalba ang Pilipinas.
Setyembre 27, 2009 8:28 pm
Manny Pacquiao sa 2010
Iilang minuto pa lamang ang nakalipas nang mapanood ko sa balita ang panayam sa tinaguriang Pambansang Kamao "Manny Pacquiao" tungkol sa darating na Pambansang eleksyon 2010. Sa kanyang panayam ay ipinahayag n'ya ang kanyang interes sa muling pagtakbo bilang Congressman. Matatandaan natin na noong nakaraang eleksyon ay tumakbo siyang bilang congressman ng Gen. Santos City, ngayon naman ang kanyang pinupuntirya ay ang Saranggani Province. Ikasiyam ng Oktubre 2007, Habang kasalukuyang naglalaban sina Manny Pacquiao at El Terible, sumulat ako ng blog tungkol sa pagtakbo sa eleksyon ni Pacman, at ang mga sumusunod ang mga puntos na pinagtuunan ko ng pansin:
Si Manny Pacquiao ay isang BAYANI. Sumasang-ayon ako diyan... DATI! Hindi na ngayon. Totoong hindi matatawaran ang mga sakripisyong kanyang ginawa para makilala ang ating bayan sa buong daigdig. Totoong malaki ang kanyang nagawa para muling mag-alab at muling maibalik sa puso ng mga nakalimot na Pilipino ang kanilang pagmamahal sa Pilipinas.
Bakit hindi na siya maaaring ituring na bayani? Sa ating pag-aaral ay natutunan natin na ang mga bayani ay mga taong nagsisikap para sa bayan at hindi para sa sariling kapakanan lamang. Nagbubuhos ng dugo at pawis ngunit hindi humihingi ng kapalit sa kahit kaninuman. Nakikipagsapalaran gamit ang sariling puso at isipan para sa bayan at hindi dahil sa dikta ng iba. Nagbubuwis ng buhay kapalit ng kalayaan ng bayan at hindi sa sariling karangalan o kagustuhan ng iilan. May utang na loob hindi sa iilang makapangyarihan kundi sa lahat ng kababayan.
Nakalimutan ata ni Manny na hindi lamang ang partido ni PGMA ang nanalangin ng kanyang tagumpay. Itinuring siyang "Adapted Child" ng Maynila ngunit noong nawala at napalitan sa posisyon si Lito Atienza ay hindi niya pinaunlakan ang bagong upong alkalde sa inilaan nilang "motorcade" pagkatapos ng laban niya kay El Terible.
Kung gayon, ano si Pacman? Bayani SANA! Bayani sana siya kung nanatiling ang bayan ang pinagtuunan ng kanyang lakas, talento, isip at adhikain. Dangan lamang, kasabay ng paglaki ng kanyang pangalan ay ang paglaki ng kanyang ulo at kasabay naman ng paglaki ng kanyang ulo ay ang pagliit ng kanyang isipan at pag-ibig sa bayan. Tuwing may laban siya ay sinasabing napag-iisa niya ang puso't damdamin ng mga Pilipino ngunit, paano pa magpapatuloy iyon kung sumali na siya sa isang partido sa pulitika? Tsk!3 Hindi niya rin ata nauunawaan na ang pulitika ang pangunahing nakapagdudulot ng pagkakawatak-watak ng sambayanan.
Nakalulungkot isipin na sa dami ng kanyang nagawa para sa Pilipinas gamit ang kanyang sariling lakas at isipan ay babagsak lamang siya sa pagpapagamit sa mga pulitikong nais makisakay sa kanyang kasikatan. Nakalulungkot isipin na sa milyung-milyong Pilipino na tumulong sa kanya sa pamamagitan ng panalangin para sa ikatatagumpay ng kanyang bawat laban ay sa iilang taong makapangyarihan lamang siya tumatanaw ng utang na loob. Nakalulungkot isipin na sa husay at bilis niyang mag-isip at dumiskarte sa pakikipaglaban sa loob ng "ring" ay nagpatali at nagpadikta siya sa mga taong inaakala niyang nagmamalasakit sa kanya. Ang pinakamasama pa, dahil sa sobrang laki ng inabot ng kanyang ulo dahil sa husay at kasikatan sa larangan ng boksing ay inakala din niya na lahat ng laban ay kanyang mapagtatagumpayan. Mabuti na lamang at mas mahusay sa mga nakalaban ni Pacman ang mga mamamayan ng Gen. Santos City. Mabuti na lamang at mas mabilis pa sa mga suntok ni Pacquiao ang takbo ng isipan ng kanyang mga kababayan dahil kung hindi, baka ngayon ay na-knock-out na din ang lugapay na sangay ng tagalikha ng batas ng Pilipinas dahil isa na namang walang alam sa paggawa ng batas ang maluluklok.
Hiling ko na lamang sana ay kung gaano kabilis at kahusay mag-isip ang mga taga-Gen. Santos City ay ganoon din ang mga taga-Saranggani Province.
Hindi ko minamaliit ang kakayahan at talino ni Manny Pacquiao ngunit, hindi nangangahulugan na dahil magaling at mahusay ang isang tao sa isang larangan ay magiging magaling at mahusay na siya sa lahat ng larangan. Iba ang boksing sa pulitika. Maaring nais nga niya na makatulong sa mga Pilipino ngunit hindi din naman kinailangang maluklok bilang opisyal ng pamahalaan ang isang tao para makatulong sa kababayan. Malayo pa marahil ang mararating niya at maraming magagawa ngunit sana ay mas pag-isipan pa niya ang bawat hakbang na gagawin niya sa kanyang buhay.
Kakatapos lamang ng kanyang pagkapanalo kay "Golden Boy". Isang malaking karangalan na naman sa kanya. Pero, totoo nga kaya na sa bayan pa niya inilalaan ang kanyang bawat laban o pansariling karangalan na lamang ang kanyang pinagtutuunan? Bato, bato sa langit... ang tamaan 'wag magagalit. Paumanhin sa mga panatiko ni Pacman at paumanhin din kay Pacman kung sakaling makarating sa kanya ang lathalang ito. Sana nga makarating sa kanya ito.
Disyembre 16, 2008 12:14 am
Kalayaan o Kadayaan?!
Taong 1998, huling yugto ng panahon ng panunungkulan ni Pangulong Fidel V. Ramos nang gunitain ang ika-100 taong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas. Gumastos ang pamahalan ng malaking halaga para sa magarbong mga programa para sa okasyon. Halos lahat ng lugar sa ating bansa ay nabihisan ng pambansang watawat. Ngayong taong 2007 ay ginunita na naman ang Hunyo 12 bilang ika-109 taon na ng tinatawag na Unang Republika sa Asya- ang gobyernong itinatag ni Heneral Emilio Aguinaldo. Kung gugunitain, ang pamahalaan ni Aguinaldo ay nabuo matapos na maagaw niya ang liderato ng Katipunan kay Andres Bonifacio sa halalang naganap noong Ika-22 ng Marso, 1897 sa Kumbensiyon sa Tejeros (ngayon ay bayan ng General Trias sa Cavite). Planadong kudeta ang naganap sa mismong kaarawan ni Aguinaldo mula sa sabwatan ng mga kasapi ng Magdalo at Magdiwang na nagtakwil kay Bonifacio bilang Supremo. Mismong mga tauhan din ni Aguinaldo ang pumatay kay Bonifacio at sa mga kapatid nito noong Ika-10 ng Mayo, 1897 sa Maragondon, Cavite matapos ang scripted na paglilitis mula sa hindi makatotohanang mga akusasyon ng pagtataksil diumano nina Bonifacio laban sa mga tagapagtaguyod ng rebolusyon. Subalit pitong buwan pagkatapos ng kamatayan ni Bonifacio ay isinuko din naman ni Aguinaldo ang rebolusyon sa bisa ng Kasunduan sa Biac na Bato kung saan pumayag sina Aguinaldo na maipatapon sa Hongkong kapalit ng halagang P1, 700,000. Ang kabuuang halagang P400,000.00 ay napunta sa bulsa ni Aguinaldo habang ang ibang pera ay pinaghatian ng mga oportunistang lider ng pag-aaklas na naiwan sa Pilipinas. Halagang P600,000.00 lamang ang kabuuang aktuwal na naibayad ng gobyerno ni Heneral Primo de Rivera sapagkat kapwa hindi naman tumupad sa usapang wawakasan na ang digmaan sa pagitan ng mga Kastila at Pilipino. Samantala, ang Amerika na malaon nang may interes sa Pilipinas ay nagkaroon ng dahilang giyerahin ang España nang sumabog sa Cuba ang barkong Maine na pag-aari ng mga Kano noong Pebrero 15, 1898. Ibinintang ng pamahalaan ni Pangulong William McKinley sa mga Kastila ang pagsabog at gaya ni Pangulong George Bush na wala namang sapat na ebidensiyang naipakita tungkol sa pagtatago ng Iraq ng weapons of mass destruction, nagdeklara ang Amerika ng pakikidigma sa España noong Ika-25 ng Pebrero, 1898. Si Aguinaldo na nasa Hongkong ay kinumbinsi ng mga Amerikanong sina Spencer Pratt at Rounseville Wildman, kapwa mga kinatawan ng Amerika sa Singapore at Hongkong, na magbalik sa Pilipinas at ituloy ang rebolusyon laban sa España. Ika-1 ng Mayo nang sumalakay ang puwersa ni Commodore George Dewey ng Amerika sa Manila Bay at tinalo ang puwersang pandagat ni Admiral Patricio Montojo. Pagkalipas ng labimpitong araw ay nagbalik si Aguinaldo sa Pilipinas sa tulong ng mga Amerikano at nagtayo ng Revolutionary Government. Isang buwan pa ang lumipas at nagdeklara na siya ng kalayaan ng Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo, 1898 sa Kawit, Cavite sa kabila ng katotohanang hindi pa naman lubusang nagagapi ang mga Kastila at hindi pa malinaw kung ano talaga ang plano ng mga Amerikanong nakahimpil sa Manila Bay. Samakatuwid, hilaw at hindi pa napapanahon ang pagdedeklara ng kalayaan ni Aguinaldo na ginawa lamang niya upang matiyak na siya pa rin ang may kontrol sa rebolusyong minsan na niyang isinuko. Ang pinakamalungkot ay ang katotohanang sa mga Amerikano isinuko ng mga Kastila ang Maynila noong ika-13 ng Agosto, 1898 na nagpapatunay na hanggang sa kahuli-hulihang yugto ng paghahari ng mga Kastila ay mababa ang tingin nila sa mga Pilipino at mas nanaiisin pa nilang sumuko sa mga kagaya nilang maputi ang balat kaysa sa mga kayumangging itinuturing nilang alipin. Sa kabila ng katotohanang ito ay hindi parin natigatig si Aguinaldo at buong-buo pa rin ang kumpiyansang ang mga Amerikano ay kaibigan at hindi mga bagong mananakop. Ika-10 ng Disyembre, 1898 nang pormal na ipinabigili ng mga Kastila ang Pilipinas sa mga Amerikano sa halagang P20,000,000.00 sa Kasunduan sa Paris. At dahil pag-aari na ng mga Kano ang Pilipinas, hindi na napigilan pa ang pagsiklab ng digmaang Pilipino-Amerikano noong Ika-4 ng Pebrero, 1899. Tumagal pa ng ilang taon ang pakikpigapalaban nina Aguinaldo hanggang sa ito ay mahuli ng mga Amerikano sa Palanan, Isabela noong Marso 23, 1901. Simula 1898 hanggang 1902 ay mga Amerikanong Heneral ang namahala sa Pilipinas. Pagdating ng 1902 hanggang 1935 ay pinamunuan tayo ng mga Civil Governors mula kay Gov. William H. Taft hanggang kay Gov. Frank Murphy. Mula 1935 hanggang 1941 ay itinatag ang puppet government ni Manuel L. Quezon na mas kilala sa tawag na Commonwealth Government. Nang sakupin ang Pilipinas ng mga Hapon noong 1941 ay bumuo din ng puppet government ang mga Hapon sa pamumuno ni Jose P. Laurel. Para masabing sila ay kakampi at hindi mananakop, idineklara ng mga Hapon ang kalayaan ng Pilipinas sa Amerika noong Oktubre 14, 1943. Natalo sa digmaan ang mga Hapon at idineklara ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946 (katulad ng petsa ng araw ng kanilang deklarasayon ng paglaya sa Britain noong Hulyo 4, 1776). Subalit ang kalayaang ito ay hungkag lamang sapagkat sa politika, ekonomiya at kultura ay nanatili tayong hawak ng mga Amerikano. Mula 1946 hanggang 1962 ay Ika-4 ng Hulyo ginugunita ang araw ng kalayaan ng Pilipinas. Sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Diosdado Macapagal ay muli niyang kinilala ang petsa ng deklarasyon ni Aguinaldo at mula 1963 hanggang ngayon ay Hunyo 12 na uli ang petsa ng araw ng ating kalayaan. Kung noong 1998 ay 100 taon na tayong malaya, ano ang itatawag natin sa panahon mula 1902 hanggang 1935? Malaya ba tayo muula 1941 hanggang 1945 na panahon ng mga Hapon? Petsa pa lamang ang pinag-uusapan natin. Hindi pa binabanggit ang usapin sa Parity Rights noong 1947, ang Visiting Forces Agreement noong 1998 at ang malaking utang natin sa IMF-WB na dahilan ng paghihirap ng Pilipino. Wala pa rin sa paksa ang E.O. 464 at Proclamation 1017 ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas batay sa E.O. 210 na ang pangunahing pokus ay ang wikang English sa ngalan ng globalisasyon. Hunyo 12, 2007--- ika-109 taong anibersaryo ng ating kalayaan. Kalayaan nga ba o kadayaan? Tayong nabubuhay sa kasalukuyang panahon ang dapat magsagawa ng makabuluhang pagkilos upang makamit ang ganap na kalayaan. (Sanaysay mula kay G. Joel Malabanan, dating kasamang guro sa St. Vincent De Paul College sa Bacoor at hanggang ngayon ay itinuturing na kaibigan)
Disyembre 23, 2007 4:44 pm
Pacquiao vs Barrera
Habang isinusulat ko ang lathalang ito ay kasalukuyang nagaganap ang itinuturing ng mga Pilipino na makasaysayang labanan sa pagitan nina Manny Pacquiao at Antonio Barrera. Muli na namang tumigil ang oras sa Pilipinas. Lahat ng tao ay nasa loob ng bahay. Malinis na naman ang mga kalsada sa mga sasakyan, walang mga tambay at pati ang mga masasamang loob ay nagpahinga. Muli sa oras na ito, ang isipan at damdamin ng mga Pilipino ay nagkakaisa.
Totoo ngang marami na ang karangalan na naiuwi ni Manny Paquiao sa Pilipinas sa larangan ng boksing at maaaring totoo din na makasaysayan ang labanang nagaganap ngayon ngunit mas pinili ko na lamang ang magsulat habang nakikinig ng mga paborito kong musika kaysa panoorin ang nasabing labanan. Marahil ay dahilan sa nawala na ang dating paghanga na iniukol ko sa tinaguriang Pambansang Kamao ng Pilipinas.
Bago ang ikatlong labanan nina Pacman at El Terible ay talagang hindi ko pinalalampas ang bawat pakikipagsagupa ni Manny sa kanyang mga nakakalaban. Nalungkot ako noong napabagsak at natalo siya ng isang kalaban sa loob lamang dalawang round. Kasama akong nagdiwang ng lahat ng Pilipino noong sunud-sunod na nagapi ni Pacman ang bawat kalabang kanyang nakakaharap. Ngunit noong ikatlong pakikipaglaban niya kay El Terible ay mas ipinalangin ko pa na matalo na lamang siya. Hindi dahil sa nalipat kay El Terible ang aking paghanga kundi dahil talagang nawala lang ang aking paghanga kay Pacman. Sa kasamaang palad ay nag-iisa lamang yata akong Pilipino na nananalangin nito kung kaya’t mas nanaig ang pananalangin ng milyung-milyong mamamayan ng Pilipinas.
Siguro ngayon ay iniisip ninyo na napakasama kong tao o kaya’y isa akong taong walang pagmamalasakit sa kababayan dahil sa iniisip at ginagawa ko. Bago kayo mag-isip ng kung anu-ano ay hayaan ninyo munang tapusin ko ang lathalang ito.
Bayani si Pacman. Sumasang-ayon ako diyan... dati. Hindi na ngayon. Totoong hindi matatawaran ang mga sakripisyong kanyang ginawa para makilala ang ating bayan sa buong daigdig. Totoong malaki ang kanyang nagawa para muling mag-alab at muling maibalik sa puso ng mga nakalimot na Pilipino ang kanilang pagmamahal sa Pilipinas.
Kaya lamang, sa aking mahabang panahon na pag-aaral ay natutunan ko na ang mga bayani ay mga taong nagsisikap para sa bayan at hindi para sa sariling kapakanan lamang. Nagbubuhos ng dugo at pawis ngunit hindi humihingi ng kapalit sa kahit kaninuman. Nakikipagsapalaran gamit ang sariling puso at isipan para sa bayan at hindi dahil sa dikta ng iba. Nagbubuwis ng buhay kapalit ng kalayaan ng bayan at hindi sa sariling karangalan o kagustuhan ng iilan. May utang na loob hindi sa iilang makapangyarihan kundi sa lahat ng kababayan.
Ano si Pacman? Bayani SANA! Bayani sana siya kung nanatiling para sa bayan ang pinagtuunan ng kanyang lakas, talento, isip at adhikain. Dangan lamang, kasabay ng paglaki ng kanyang pangalan ay ang paglaki ng kanyang ulo at kasabay naman ng paglaki ng kanyang ulo ay ang pagliit ng kanyang isipan at pag-ibig sa bayan.
Nakalulungkot isipin na sa dami ng kanyang nagawa para sa Pilipinas gamit ang kanyang sariling lakas at isipan ay babagsak lamang siya sa pagpapagamit sa mga pulitikong nais makisakay sa kanyang kasikatan. Nakalulungkot isipin na sa milyung-milyong Pilipino na tumulong sa kanya sa pamamagitan ng panalangin para sa ikatatagumpay ng kanyang bawat laban ay sa iilang taong makapangyarihan lamang siya tumatanaw ng utang na loob. Nakalulungkot isipin na sa husay at bilis niyang mag-isip at dumiskarte sa pakikipaglaban sa loob ng ring ay nagpatali at nagpadikta siya sa mga taong inaakala niyang nagmamalasakit sa kanya. Ang pinakamasama pa, dahil sa sobrang laki ng inabot ng kanyang ulo dahil sa husay at kasikatan sa larangan ng boksing ay inakala din niya na lahat ng laban ay kanyang mapagtatagumpayan. Mabuti na lamang at mas mahusay sa mga nakalaban ni Pacman ang mga mamamayan ng Gen. Santos City. Mabuti na lamang at mas mabilis pa sa mga suntok ni Pacquiao ang takbo ng isipan ng kanyang mga kababayan dahil kung hindi, baka ngayon ay na-knock-out na din ang lugapay na sangay ng tagalikha ng batas ng Pilipinas dahil isa na namang walang alam sa paggawa ng batas ang maluluklok.
Hindi ko minamaliit ang kakayahan at talino ni Manny Pacquiao ngunit, hindi naman ibig sabihin na magaling at mahusay ang isang tao sa isang larangan ay magiging magaling at mahusay na siya sa lahat ng larangan. Iba ang boksing sa pulitika. Maaring nais nga niya na makatulong sa mga Pilipino ngunit hindi din naman kailangang maluklok bilang opisyal ng pamahalaan ang isang tao para makatulong sa kababayan. Malayo pa marahil ang mararating niya at maraming magagawa ngunit sana ay mas pag-isipan pa niya ang bawat hakbang na gagawin niya sa kanyang buhay.
Paumanhin sa mga panatiko ni Pacman at paumanhin din kay Pacman kung sakaling makarating sa kanya ang lathalang ito. Walang samaan ng loob.
Tapos na ang laban. Nanalo na naman si Pacman sa tulong ng dalangin ng mga mamamayang Pilipino. Kanino naman kaya niya ilalaan ang kanyang pasasalamat ngayon?
Oktubre 9, 2007 6:08 pm
Masamang Karanasan
Mahigit isang taon na ang nakalilipas nang mangyari sa akin ang masamang pangyayari na hinding-hindi ko malilimutan. Naganap ito noong ikatlong linggo ng Oktubre 2006. Nakalimutan ko na ang petsa pero hinding hindi ang pangyayari. Sa loob ng kulang-kulang na dalawang taon na pagtatrabaho ko sa Rogationist College (RC) ay nakasanayan ko nang gamitin ang aking motorsiklo (XRM 110J - may larawan sa koleksyon ng mga larawan) papasok ng paaralan. Ginagawa ko ito dahil bukod sa makakatipid ng pamasahe ay makakatipid din ako ng oras. Sa Silang lamang ako nakatira kaya hindi malayo para sa akin ang biyahe papuntang RC. Masarap sumakay sa motorsiklo dahil ang pagsakay dito ay may kasamang "thrill" at "adventure". Maayos na sana ang lahat maliban lamang nang dumating araw ng aking tunay na bangungot. Isang umaga, kagaya ng aking karaniwang ginagawa sa araw-araw, matapos kong maghanda papuntang paaralan ay sumakay na ako sa aking motorsiklo. Kagaya ng dati ay masarap sa pakiramdam ang pagsakay dito hanggang sa nakarating ako sa pangunahing lansangan patungong Tagaytay na daan din patungo sa aming paaralan. Dito na nagsimula ang bangungot. Habang nananakbo ako sa kahabaan ng daang Lalaan I ay bigla na lamang may sumulpot na dalawang lalaki na magkaangkas sa sinasakyan nilang motorsiklo at tinabihan ako sa daan. Pilit nila akong pinapatabi sa daan at pinapatigil, sabay tutok sa aking tagiliran ng dala nilang Kalibre 38 na baril at may layuning agawin at nakawin sa akin ang sinasakyan kong motorsiklo. Nabigla ako ngunit hindi naging dahilan nang aking pagtabi at pagtigil. Nang mapansin nila na hindi ako humihinto ay pinukpok ako ng baril sa aking likod ng lalaking nakaangkas sa kabilang motorsiklo. Hindi pa din ako tumigil at mas lalo ko pang binilisan ang pagtakbo. Dahil dalawa silang nakasakay sa kanilang sasakyan at ako nama'y nag-iisa lamang, at dahil din sa may angkin na kaunting kabilisan ang aking sasakyan ay nagawa kong makaagwat sa kanila ng bahagya. Sinubukan ko silang lingunin at doon ko nalaman na tuwiran na palang nakatutok sa akin ang kanilang dalang baril. Kaya't ang aking ginawa ay ibinaba ang aking ulo sa bahaging manibela ng aking motor at bahagyang tumingala upang makita ang daan. Ginawa ko ito upang mahirapan silang patamaan ako kung sakaling maisipan nila akong paputukan at upang makatakbo nang mas mabilis ang aking sasakyan. Mula Balinsasayaw Restaurant ay naghabulan kami hanggang sa makarating ako ng AIIAS at pumasok doon upang humingi ng tulong. Sa kabutihang palad ay mayroong mabuting gwardiya sa AIIAS na agad na sumaklolo sa akin. (SALAMAT PO BOSS!) Kinuha niya ang kanyang shotgun at agad naming tinungo ang kalsada ngunit hindi na namin nakita ang masasamang loob na marahil ay natakot noong nakita na pumasok ako sa AIIAS. Itinawag at ipinaalam namin sa himpilan ng pulisya ang nangyari ngunit wala na din silang nagawa. (Hindi ko din alam kung may ginawa nga sila!) Inakala kong iyon na ang katapusan ng aking buhay. Sa kabutihang palad ay sa kabila ng pangyayaring iyon ay nanatili pa din akong ligtas. Noon ko naisip na totoo pala na kapag nagdarasal ka lagi at humihingi ka ng gabay sa Panginoon at naniniwala ka sa ipinangako niyang kaligtasan ay makakasigurado ka na ikaw ay Kaniyang babantayan at aalagaan. Noon ko din naisip na sa kabila ng mga pagkukulang at kamalian na ginagawa ko sa aking buhay ay mahal pa din pala ako ng Diyos at hindi Niya ako iniiwanan lalo na sa oras ng kagipitan. Hindi ako nagsesermon. Ibinabahagi ko lamang ang aking karanasan. Karanasan ko sa buhay na nagpatunay at nagpakita sa akin ng Pag-ibig ng Diyos sa atin.
Oktubre 1, 2007 10:34 pm