Ika-ala Una
Sa tuwing ika-ala una ng madaling araw,
Puso’t isipa’y naglalakbay patungo sayo.
Iyong presensiya’y pilit hinahanap,
Mga mata’y di ka na makita.
Sa’n ka nga ba?
Mga ngiti sa labi noon t’wing pangala’y naririning,
Ngayo’y naging mga luhang rumaragasa sa pisngi.
Isipa’y bumabalik sa mga sandaling magkasama,
Sa mga alaalang nabuo nating dalawa,
Sa mga pangakong akala ko ay matutupad,
Ngunit hanggang lamang sa akala.
Sa tuwing ika-ala una ng madaling araw,
Nababasa ang mga mensaheng pinagsaluhan,
Puno ng saya, ligaya’t pagmamahalan,
Katuwaan sa puso’y di mapantayan.
Na akala ko’y di mo ‘ko kayang iwan,
Ngunit ‘yong nagawa at ako’y nasaktan.
Nabubuksan ang mga sugat na ‘yong iniwan,
Ang mga alaalang akala ko’y kay sayang balikan,
Parang naging isang bagay na babasagin,
Ayokong hawaka’t madama pang muli.
Ayoko nang isipi’t puso’y dumudusa sa sakit,
Sa pagtahimik ng paligid,
Kasabay sa pagdampi ng malamig na hangin,
Ako’y nakaupo sa sulok ng kuwarto.
Unti-unting naririnig ang pagkabasag ng aking puso.
Iniimpit ang mga tahimik na hagulgol,
Habang tinitingnan ang sariling repleksyon.
Pilit na tinatanong sa’king isipan,
Ako ba’y nagkulang o ika’y sadyang umibig lamang sa iba?
Sa tuwing ika-ala una ng madaling araw,
Ako lang ang umaalala sa lahat.
Sa saya noong kasama ka.
Sa mga alaalang ginawa.
sa kung paano ka nanlamig.
Sa kung paano natin tinapos.
Sa kung paanong hinayaan kitang iwan ako.
Sa kung paano ako umiyak gabi-gabi.
Sa kung paano ako pumeke ng tawa’t ngiti.
Sa tuwing ika-ala una ng madaling araw,
Heto na naman tayo, ay mali ako lang pala,
Ako lang ang nagdurusa.
Ako lang nakakaalam,
Ako lang nasasaktan.
Ako lang nag-aaksaya na aking oras,
Sa pag-alaala sa’yo at sakit na ipinadanas.















