Sa Kabundukan, sa Taft Avenue at sa Mendiola
King Czar Mardi Dignos
Sa Mga Kurbadong Kalsada ng Kabundukan
(Nang unang umalingasaw ang mga salot)
Malamig ang hangin ng tanghaling-tapat
na sumasalubong sa amin
habang humaharurot
ang sinasakyan naming tricycle.
Humahalimuyak din ang sinunog
na damo at dahon. Hindi sumisigaw
ang aparisyon ng petrolyo
na pilit kumakawala
sa maruruming tambutso.
Mistulang kapapanganak
pa lamang ng Panginoon
sa luntiang kabundukan. Wala pa
ang matatayog na gusali.
Ngunit ang bundok
ay bumubulong na ng babala
sa kanyang mga tapyas—mga sugat
na lalong pinapahapdi
ng mabibigat na makinarya
ng magagarbong resorts.
at ng mga paskil na nagsasabing
private property, no trespassing.
May mga kwentong nakakubli
sa masukal na bundok.
Sa mga jeepney, maraming namamalimos
dahil ninakaw ang kanilang lupang ninuno.
Sa mamahaling sementeryo,
komportableng nakahimlay
ang mga tutang politiko
ang mga burgesyang komprador
at ang mga maylupang panginoon—mga bulok
na lumalason sa kabundukan. Mga patay
na pumapatay sa mga buhay.
***
Umulan ng Dugo sa Kamaynilaan Noong Martial Law Commemoration
(Ilang buwan matapos dumanak ang katotohanan)
At kanina pa pinaliliguan ng Panginoon
ang kahabaan ng United Nation
at Taft Avenue
at bahagya itong humupa
habang umuugong ang programa
naming mga nagpoprotesta
sa Manila Police District
upang ipanawagan ang paglaya
ng tatlong naming kasamahan
sa PUP, na inakusahan
ng pagsusulat ng panawagan
sa pader. Umulit ang kadiliman
ng kalangitan
at sa pagpupumilit ng Diyos
na linisin ang Maynila
ay kumapal ang putik
sa damuhan
habang kami ay naglalakad
sa Luneta, kung saan nakatindig
ang kasaysayang pilit binubura
ng mga kamay,
na nanutok ng baril
sa tatlo naming kasama,
na nagpapaulan ngayon ng dugo
sa Kamaynilaan. Kahapon
habang binabagtas ng aming dyip
ang kahabaan ng Recto at Avenida
umalingasaw ang agnas ng lungsod
mula sa mga itim at pulang sulat
sa mapapanghing pader ng lansangan:
No to Jeepney Phaseout!
No to Charter Change!
Lupa para sa mga magsasaka!
Sahod itaas, presyo ibaba!
Marcos singilin! Duterte panagutin!
Never forget!
Never again to Martial Law!
Ito ay mga paalala
na kahit anong hugas-kamay
ng mga naghahari-harian sa itaas
ay hinding-hindi mabubura
ang mga paskil at sulat
tapalan man ito ng puting pintura
at hinding-hindi nila malilinis
ang deka-dekada nilang pagkakasala
at ang dugong bumabalot ngayon
sa buong Kamaynilaan.
***
09/21/2025
(Isang taon matapos hugasan ang kanilang kasinungalingan)
I.
Dama ang galit ng syudad
sa kung paano ako binalibag
ng hangin at ulan
habang ako ay papasok
sa opisina. Pinapatuyo ko na
ang aking pantalon
habang nakaupo
at naka-headset
ngunit wala pa rin ang trabaho
sa aking isip. Dama ko pa rin
ang hapdi sa aking balat
matapos itong matusta kahapon
ng naghaharing-araw.
Humahambalos pa rin
sa aking isip
ang pananakal
ng mga berdugong pulis
sa mga sibilyan
at ang pagsabog ng tear gas
sa di kalayuan
habang kami ay nakahanay
malapit sa Mendiola.
II.
Nanuot sa tela
ng aking salwal
ang putik
sa damuhan
ng Luneta. Humagis sa aking isip
ang pamamato ng putik
sa compound
ng mga Discaya
nitong mga nakaraang araw.
Isang organisadong gulo
ang paligid:
sigaw ng mga maslider sa entablado
makukulay na payong at balatengga
nakasisilaw na araw ng tanghaling-tapat
at mga sektor na nag-aayos ng kanilang hanay.
Higit tatlong oras na rin
ang nakalipas
ngunit patuloy pa rin
ang pag-alingawngaw
ng planadong ingay
na sabay-sabay babahain ang Luneta
upang basagin
ang mapansamantalang katahimikan.
III.
Walang malinaw na balita.
Kung mayroon man
ay maraming dagdag at bawas.
Maraming hindi naisiwalat:
ang pagkabagok ng isang lalaking
pasan ng pulis
ang nahuling estudyante
na kampus-mamamahayag sa PUP
ang mga naistranded sa loob ng mga gusali
habang nagkakagulo
sa kahabaan ng Recto hanggang Mendiola.
ang aspaltong nadiligan
at nababalot ng dugo
ang mga dinampot at pinag-initan
nang walang makatuwirang batayan.
Ang pagputok ng mga baril.
Walang malinaw na tala
sa nangyari sa Mendiola.
Ngunit isa ang sigurado:
lahat ng tao ay nadinig
kung paano niyanig
ng maralita
ang mapaminsalang katahimikan
upang kumpunihin
ang kasalukuyang gulo
ng ating bayan.
IV.
Natapalan na ng bago
at mapulang pintura
ang mga sulat
sa center island ng Recto at Avenida:
Marcos singilin, Duterte panagutin!
Fuck all the cops!
Imperyalismo ibagsak!
Lupa para sa mga magsasaka!
Manggagawang kontraktwal, gawing regular!
Sahod itaas, presyo ibaba!
Education not for sale!
Never again!
Never forget!
Surface all desaparesidos!
Marcos-Duterte, walang pinag-iba!
Nawalis na rin ang mga bakas
ng naging gulo sa lansangan
at muli na namang nagbalik
ang nambubusal na kapayapaan.
Ngunit hinding-hindi makakalimot
ang mga matang pinaluha ng tear gas
ang mga basag na bintana at stoplight
at ang mga bato at barikada sa Mendiola.
Hinding-hindi mahuhugasan
at malulunod
ng kahit anong lakas ng unos
ang mga dugong dumanak sa Maynila
at hinding-hindi nito matutupok
ang pagsiklab
na nagsisimula pa lamang...
*****
Ang mga tulang ito ay lahok sa Saranggola Awards 2025.
Welcome to DMCI Homes' official website. Explore prime house and lots, real estate properties, and condos for sale in the Philippines. Learn











