BAHAGHARI
Ito ay isang piksiyon na gawa nina Asido at San Agustin.
“Bakit ka namin paniniwalaan? Eh bakla ka! Salot sa lipunan! Anong alam mo? Pagme-make up? Baon na baon na ang bansa natin sa utang nagpapaganda ka pa dyan. Dapat sa’yo, patalsikin! Patalsikin!”
Biglang nagising si Maharlika mula sa pagkahimbing ng kaniyang tulog. Napagtanto niyang hindi totoo ang lahat ng iyon at siya ay nasa matinding bangungot lamang. “Hindi ako papayag…” sabi ni Maharlika sa kaniyang sarili bago niya ayusin ang kaniyang kama at mag-asikaso. Pagkatapos na maayos ni Maharlika ang kaniyang higaan, bumaba na siya upang mag-almusal at magsimula na sa kaniyang pagkayod bilang isang parlorista.
Si Jose “Maharlika” Dimaguiba ay ang nag-iisang anak nina Josefito at Odette Dimaguiba. Nakapagtapos ng abogasya si Maharlika sa isang prestihiyosong unibersidad ngunit hindi siya pinalad na makapagtrabaho bilang isang abogado dahil daw sa kaniyang tikong kasarian. Bagkus ay nakaranas pa siya ng diskriminasyon sa kaniyang pinuntahang opisina. Hinirang siyang valedictorian nang makapagtapos siya ng kolehiyo sa kaniyang paaralan. Ngunit, marami ang ‘di natuwa sa kaniyang tagumpay. Ilang beses din siyang nakaranas ng pangungutya sa kaniyang tunay na kasarian at mas lalo pa itong lumala nang siya ay magladlad. Sa lahat ng pambabatikos at paninira, naging matatag si Maharlika. Hindi niya pinagtutuonan ng pansin ang dagok na ito at mas pinagbubutihan niya na lang ang kaniyang pag-aaral. Sa edad na dalawampu’t lima ay maraming parangal sa larang ng pilosopiya ang kaniyang nakuha. Maraming argumento ang kaniyang naipapanalo sa mga debate at mas lalong dumadami ang taong kinamumuhian siya. Ang pamilyang Dimaguiba ay kilala bilang isang matatag na pamilya at marikit na pamumuhay ang mayroon sila ngunit nagbago ang lahat ng ito dahil sa labis na pagkuha ng yaman sa kanila ng gobyerno dahil sa mataas na buwis. Ang mga magulang ni Maharlika na sina Josefito at Odette ay hindi rin ligtas sa paninira ng iba dahil sa angking dunong ng kanilang lahi.
May dalawang uri ng lipunang ginagalawan ang bansang Deluvio na kinalakihan ni Maharlika pati na rin ng kaniyang mga magulang. Isa na rito ay ang Tuwid na Lipunan at ang isa naman ay ang Tikong Lipunan. Nang magsimulang umupo si Pangulong Vicente Macatuwid sa kaniyang pagkaposisyon, naging iba ang pamumuno at ang pakikitungo ng sentral na gobyerno sa mga tao, partikular na sa mga taong may homoseksuwalidad na pagkataong nauwi rin sa pagkakaroon ng dalawang magkaibang lipunan. Ang sistemang demokratiko ay nauwi rin sa sistemang aristostraight na kung saan ay makikita ang pagkiling sa mga miyembro ng Tuwid na Lipunan. Lahat ng batas na ipinapatupad ay para sa benepisyo ng mga may tuwid na kasarian at kakarampot lamang ang mga benepisyong nailalaan para sa mga may tikong kasarian katulad na lamang ni Maharlika. Si Pangulong Macatuwid ay nakararamdam ng pagkamuhi at galit sa mga homoseksuwal kung kaya’t sinikap niya ring maging isang tagapagmuno ng bansang Deluvio upang pahirapan ang mga taong ito. Nais niyang matanggal na ang salot sa lipunan dahil naniniwala siyang mas magiging kapaki-pakinabang lamang ang bansa kapag pinamumunuan at pinaninirahan ito ng mga tuwid. “Patalsikin ang mga bakla’t tomboy pati na rin ang iba pang kasapi ng LGBT. Hindi sila maaaring mamuno sa gobyerno at hindi rin sila kapaki-pakinabang sa lipunan!” sigaw niya sa kaniyang opisina dala ng labis na galit.
“Hindi maaaring maging isang lipunan lang ang LGBT at ang mga tuwid. Mas nakatataas kami sa kanila at kailanman ay hindi kami maaaring maging isa dahil ayaw naming makipagsalamuha sa kanila!” sigaw ng mga nasa Tuwid na Lipunan. “Huwag kayong mag-alala. May inilaan akong teritoryo para sa inyo at mas malaki ito kung ikokompora sa teritoryong inilaan para sa mga homoseksuwal. Mas makatatanggap din kayo ng maraming benepisyo at ang mga batas na ihahain ko ay para sa ikabubuti ninyo,” pahayag ni Pangulong Macatuwid sa mga miyembro ng Tuwid na Lipunan sa isang panayam. “Nararapat lamang iyon, president. Kami ang siyang dapat na mas may karapatan dahil kami ang nakaaangat at nasa tama. Makasalanan sila at hindi sila maaaring makakuha ng benepisyo. Mabuhay si Pangulong Macatuwid! Mabuhay!” pagbubunyi ng isang kinatawan ng kinikilingang lipunan.
“Makibakla! Huwag matakot! Ipaglaban ang karapatan ng LGBT!” sigaw ni Maharlika sa sa isinasagawang rally ng Tuwid na Lipunan. Nakikiisa siya sa adbokasiyang may layuning maipabatid sa aristostraight na sentral na gobyerno, lalong-lalo na sa president, na ang mga homoseksuwal ay hindi salot sa lipunan at kapika-pakinabang. Isinisigaw ni Maharlika at ng iba pang miyembro ng Tikong Lipunan na nararapat lamang silang bigyan ng pantay na karapatan katulad ng sa Tuwid na Lipunan dahil sa sila ay mamamayan din ng bansa at nagbabayad din sila ng buwis na ipinapataw sa kanila.
Labis na narindi si Pangulong Macatuwid sa nangyayaring rally sa labas ng kaniyang opisina. “Ang dami ninyong sinasabi! Huwag na kayong magsayang ng laway dahil wala namang kuwenta ang mga pinasasabi ninyo dahil wala rin naman kayong kuwenta!” galit na sabi ni Pangulong Macatuwid sa lahat ng miyembro ng Tikong Lipunang nagsagawa ng pag-rally.
“Huwag mong sabihin ‘yan! Kailanman ay hindi naging repleksiyon ng salita mo ang pagkatao namin. Nakikibaka kami ngayon dahil maraming mali sa sistema ninyo. Kung binibigyan niyo lamang kami ng pantay na karapatan, wala sanang kaguluhang mangyayari ngayon dito. Ikaw, bilang isang presidente, dapat ay mabuti at pantay ang pakikitungo mo sa mga pinamumunuan mo. Isa pa, wala namang sinabing kailangang tuwid ang kasarian ng pangulo ‘diba? Kung hindi mo kami pamumunuan nang maayos, naniniwala akong panahon na para kami naman ang mamuno. ” wika ni Maharlika na nanindigan sa masasakit na salitang binitawan ng pangulo. Marami ang sumang-ayon sa mga sinabi ni Maharlika. Ang ilan sa miyembro ng tuwid na lipunan ay napasang-ayon din kahit na ito ay labag sa kanilang paniniwala.
“Nagtatrabaho ako nang higit sa mga katrabaho ko. Sapat ang suweldong kinikita ko noong unang panahon ng aking pagtatrabaho. Ngunit, tila ba’y nagbago ang ihip ng hangin nang nag-iba na ang ating gobyerno gayundin ang mga lider ng ating bansa. Ano na ang nangyari sa atin?” pahayag ng isang tomboy mula sa Tikong Lipunan.
“Namatay ang anak ko simula nang magkaroon ako ng relasyon sa kapuwa ko lalaki. Iniibsan nila ang karapatang mabuhay ng mga nasa LGBT,” dagdag din ng isang bakla.
“Ang gusto lang namin ay ibigay ninyo sa amin ang pantay na karapatan? Mahirap ba ‘yang gawin? Wala naman kaming ginawang masama ‘diba?” ani rin ng isang biseksuwal.
“Putragis! Ang iingay ninyo! Maganda naman ang pamumuhay ng Tuwid na Lipunan kung wala kayo. Pasalamat nga kayo at hindi kayo pinagbubuhatan ng dahas. Pasalamat kayo kasi nakatutungtong pa kayo sa bansa namin. Dimaguiba! Wala akong pakialam sa nais mong panunungkulan sa ating gobyerno. Isa lang ang masasabi ko, wala kayong puder sa gobyerno at mas karapat-dapat na mga taga-Tuwid na Lipunan pa rin ang mamuno dahil sa sila ay mas may maayos na pagkatao. ” sigaw ulit ni Pangulong Macatuwid sa mga nagrereklamong tao. Hindi na rin nangatuwiran ang kinaiinisang lipunan dahil sa sila ay sinugod na ng mga taga-Tuwid na Lipunan. Ang engkuwentrong ito ay nag-udyok sa mga tikong bumalik na sa kanilang teritoryo.
Matapos ang pangyayaring kaguluhan ay agad napagpasyahan ni Maharlika na magkaroon ng kumperensiya sa pagitan nila ni Macatuwid. “Hindi na talaga tama ito. Ipaglalaban ko ito,” tanging nasambit niya na lamang. Nagpadala siya ng liham sa opisina ng presidente tungkol sa paghaharap nilang dalawa. Gumamit si Maharlika ng ibang pangalan dahil alam niyang hindi siya papapasukin sa opisina dahil sa kasarian niya. Siya ay naging si Lea Maghirang. Hindi naman gaanong abala ang presidente sa araw na sila ay maghaharap kaya inaprubahan niya ito. Dumating na nga ang araw ng kanilang paghaharap.
Nag-ayos pambabae si Maharlika. Nagsuot siya ng itim na wig, naglagay ng makeup sa mukha, pulang-pula ang kaniyang labi sa ginamit na matte lipstick, nagsuot ng bestidang itim at stilletos. Nagmistulang isang dalagita siya sa kaniyang ayos. Hindi mo mapapansing siya ay isang lalaki dahil sa ubod niyang ganda. Kinuha niya na ang kaniyang shoulder bag at tumungo na sa opisina.
“Papasukin niyo ako. Ako si Lea Maghirang. Ang nagpadala ng liham sa presidente,” sabi niya sa mga body guard ng presidente. Napansin niyang malalagkit ang pagtingin sa kaniya ng mga ito. Pumasok ang isang body guard sa loob at binalitaan ang presidente tungkol sa bisita. “Sir, andiyan na po ‘yung bisita mo. Chix na chix!” “Ganun ba? Aba papasukin na ‘yan!” hiyaw ng presidente.
Pagkapasok pa lang ni Lea ay sinalubong siya ni Macatuwid ng halik sa pisngi. “Ano ba!” sigaw ni Lea. Hinawakan siya nito nang mahigpit, niyakap, at pinagtatangkaang halikan sa labi. “Ano ba! Ganyan ka na ba kabastos?! Nakakadiri talaga ang pagkatao mo Vicente!” Nagulat ang presidente sa narinig niya. Tinawag lamang siya ng bisita sa pangalan niya. “Sino ka para tawagin lang ako sa pangalan ko? Hindi ka ba tinuruan ng tamang kaasalan sa mas nakatataas sa’yo?” Nagsalita si Lea, “Wow! Galing pa talaga sa’yo ang salitang ‘tamang kaasalan’? Eh masahol pa nga sa hayop ang pagturing mo sa mga homoseksuwal!” “Sandali, ba’t ka nakarating sa mga salot na homosexual na ‘yan? Bayaran ka—” “Ikaw ang tunay na salot!” Tinanggal ni Lea ang kaniyang wig, pinunasan ang mga koloreteng nakalagay sa mukha niya at hinubad ang kaniyang stilletos. “Ako ‘to si Maharlika! Ang ex mo! Ang kabilang sa lipunang kinamumuhian mo!” Natahimik ang buong paligid. Natameme ang mga body guard na kanina’y manghang-mangha sa itsura ni Maharlika. Ang pagtinginan sa isa’t isa ang tangi na lamang nilang nagawa. “Bakla si pres?” tanungan nila sa bawat isa.
“Wag kayong maniwala sa kaniya! Nagsisinungaling lamang ang baklang ‘yan!” pilit na pagtanggi nito sa katotohanan. Ipinakita ni Maharlika ang lahat ng retrato nilang dalawa nang sila ay magkasintahan pa. “Ngayon, sinungaling pa ba ako?”
“Alam mo Vicente, nandito lang naman ako para ipagpatuloy ang pakikibaka ko para sa mga karapatan naming mga homoseksuwal. Hindi lang dapat kayong may mga tuwid na kasarian ang maaaring mabuhay nang matiwasay. Kami rin! Kami rin dahil tao rin kami. Kami rin dahil pinamumunuan mo rin kami! Huwag mo naman sana ipagkait sa amin ang tamang pagtrato dahil una sa lahat wala naman kaming ginagawang bagay na makasasama sa bayang ito! Buksan mo ang isip mo! Bisexual ka rin naman! Pakiramdaman mo ang sarili mo kung ikaw ang nasa posisyon namin. Isipin mo paano kung ikaw ang araw-araw na makakatanggap ng mga pagbabatikos? ‘Yung kakamulat pa lamang ng mga mata mo ay may maririnig ka na agad na pangungutya galing sa iba? ‘Yung marami sa aming nagkakaroon ng malalang sakit dahil sa ipinagkait mong serbisyo sa amin? Hindi kami makatanggap ng libreng gamot sa mga health center bagkos ay minamahalan niyo ang presyo ng mga ito para sa amin. ‘Yung pakiramdam namin sa araw-araw hindi kami parte ng bansang ito. Pakiramdam namin sampid lang kami. Kaya sana malinawan ka na!”
Tahimik lamang si Macatuwid.
“Kung tumakbo ka bilang presidente para gumanti, bakit? Bakit mo ginaga—” “Dahil.Iniwan.Mo.Ako!” “Ginawa ko lang naman ‘yun dahil hindi mo naman ako tunay na mahal! Na pineperahan mo lang naman ako! Doon pa lang ay nakaramdam na ako ng hindi pagpapahalaga mula sa’yo kaya pinagpasyahan kong lumayo sayo! Kaya kung galit ka sa akin, sa akin ka lang magalit, wag mo idamay ang ibang tao.”
Ang nangyaring harapan ng dalawa ay naging kontrobersiyal sa buong bansa at nakarating na rin sa iba pang parte ng mundo. Dahil dito, napagpasyahan ng media na imbestigahan si Presidente Vicente Macatuwid. Nadiskubre nila ang lahat ng masasamang gawain sa loob ng kaniyang administrasyon. Laganap pala ang corruption, unequal distribution of goods and services, at discrimination sa mga homoseksuwal. Napag-alaman din na peke lahat ng dokumentong isinumite ni Macatuwid sa pagkandidato niya. Wala siyang tinapusang kurso na kaugnay ng pamamahala sa bansa. Sadyang sikat lamang siya at may itsura kaya niya naipanalo ang halalan. Dahil sa mga ito, pinatalsik siya sa kaniyang posisyon.
Humingi ng paumanhin si Macatuwid sa publiko sa lahat ng maling nagawa niya sa bansa at sa mga homoseksuwal. Humingi rin siya ng pagpatawad sa kaniyang dating kasintahan na labis na naapektuhan sa lahat ng pinanggagawa niya. Malugod naman itong tinanggap ni Maharlika dahil naniniwala siya na lahat naman ng tao ay nagkakaroon ng maling pagpapasya. Ang mahalaga naman daw ay binuksan na nito ang kaniyang isipan at pinagsisihan ang lahat.
Sa sumunod na halalan ay tumakbo bilang presidente si Maharlika. Pinagbutihan niya ang lahat sa kaniyang pangangampanya at buong tapang na humarap sa mga debate. Ibinahagi niya sa buong bansa ang plataporma niya na parehong mga heteroseksuwal at homoseksuwal ang mabebenepisyuhan. Dahil sa lahat ng kaniyang sipag, tiyaga, at determinasyon ay nanalo siya sa eleksiyon. Binago niya rin ang pangalan ng bansa na ikinagalak ng lahat ng mamamayan. Mula sa pangalang “Deluvio” ay ginawa niya itong “Unidos de Heteros y Homos”. Lahat ng tao sa bansang iyon, anuman ang kanilang kasarian, ay nakaranas ng tamang pagtrato at pantay na karapatan.









