Paggamit ng Wikang Filipino, nakakalimutan na nga ba?
“Walang pinakamahalaga sa sinumang tao kundi ang pagkakaroon ng kamalayan tungkol sa pagkakaisa ng bansa, at bilang bayan, hindi tayo magkakaroon na kamalayan kung walang sinasalitang wikang panlahatan.”
- Manuel L. Quezon
Ang wika ang instrumento natin sa pakikipagtalastasan. Ito ang nagsisilbing kasangkapan upang maipahayag natin ang ating saloobin at kaisipan. Sa pamamagitan ng wika ay naipapahayag natin ng maayos ang ating gustong ipahiwatig at nalalaman din natin kung ano ang gustong ipahiwatig ng ating kapwa. Nagkakaintindihan at nagkakaunawaan ang bawat isa sa pamamagitan ng paggamit ng wika.
Ang video na pinamagatang "Word of the Lourd: Linggo ng Hika" ay tumatalakay patungkol sa kahalagahan ng pagkakaroon at paggamit ng ating sariling wika. Ang Wikang Filipino. Sinasabi dito na mahalaga na malaman at gamitin natin ang sariling wika dahil ito ang nagiging daan upang mas madaling magkaintindihan ang bawat isa. Ang Wikang Filipino ay ang wikang ating kinalakihan. Kung lahat tayong mga Pilipino ay gagamit ng ating wika sa sariling nating bansa ay mas madali natin maipapabatid sa iba ang ating mga saloobin at mas mapapaunlad pa nito ang pagkakaunawaan at pagkakaisa sa ating bansa. Subalit, mag mula pa noon, ang pinakamalaking hamon na talaga na kinakaharap ng ating Wikang Filipino, ay ang patuloy na paglaganap ng teknolohiya sa ating bansa na naging daan upang mamulat at matuto tayong gumamit ng mga wika tulad nang mga jejewords, bekiwords at marami pang mga bagong wikang nagsisilabasan sa panahon ngayon. Dahil dito, unti unti nang naiiba ang ating wikang nakasanayan at nagdudulot narin ito ng pagkalito sa kung ano ba talaga ang mga dapat na salitang ating gagamitin sa araw araw nating pakikipagusap. Sa paglipas ng panahon at sa patuloy na paggamit natin ng mga salitang iyon, hindi natin namamalayan na malaki na pala ang nagiging epekto nito lalo na sa bagong henerasyon natin ngayon. Dahil sa pabago bago at paiba ibang wika, ang mga batang naguumpisa palamang matutong magsalita ay maaaring nilang gayahin o ma-adapt ang mga ito na magdudulot na makalakihan nila ang mga ganitong klase ng salita na hindi naman talaga itinuturo sa atin at hindi itinuturing na parte ng ating orihinal na wika. Maaaring kapag ito ay nagpatuloy pa, maipapasa na natin ito sa mga susunod pang henerasyon, at posibleng tuluyan na talaga nating makalimutan ang ating wikang pambansa kasabay nang paglipas ng panahon.
Ang ating sariling orihinal na wika ay ang regalong pinakamagandang natanggap, nakamit, at natutunan natin mula sa ating mga ninuno. Ito talaga ang maituturing natin na tunay na yaman ng ating bansa. Ang wika rin natin ang isa sa mga sumisimbolo ng ating pagiging malaya at sibilisadong bansa. Kaya kahit na natututo na tayo at nakakasanayan na natin na gumamit ng mga iba’t ibang klase ng salita o wika, ay huwag parin naman sana natin tuluyang kalimutan na alagaan at patuloy na pagyamanin ang ating sariling wika. Walang masama kung marami kang wika na alam at ginagamit kasi sa totoo lang sa panahon natin ngayon, kapag mas marami kang lenggwahe na kayang gamitin ay itinuturing kang mas angat kaysa sa iba na isang lenggwahe lang ang kayang gamitin. Subalit, wala paring mas aangat sa taong pinapahalagahan, minamahal, ipinagmamalaki, at iniingatan ang kanyang sariling wika.
Isinulat ni: Julia Maxene M. Solano, Grade 11 - STEM student














