Filipino: Wikang Pinaglaban, ngunit sa huli’y Kinalimutan
Isinulat ni: Nikolas C. Lacson
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
“ Kailangan natin ang wikang dayuhan para mabuhay sa kasalukuyang panahon. Pero kailangan natin ang wikang sarili para mabuhay nang habampanahon.” - Ricardo Ma. Nolesco
Wikang Flipino, wika na ginawa ng mga Pilipino para sa mga Pilipino. Kung hindi tayo? Sino? Sino ang gagamit at magmamahal ng wika na pinaghirapang protektahan ng ating mga ninuno? Tuluyan na ba nating kakalimutan ang nakaraan upang tumungo sa kinabukasan? O pipiliin ba nating dalhin ito at isabay natin itong dalhin at paunlarin para sa pinangarap na kalayaan ng dating sanlibutan? Wikang Filipino sa ika-21 siglo tuluyan ng namamatay, tuluyan ng kinakalimutan, hindi na naalagaan, maituturi ba nating ito bilang isang uri ng
kamangmangan? Sa paglaganap ng social media at pagpalit ng panahon, pati ang mga tao'y nagbabago na, ngunit naniniwala ako na mayroon dapat mga bagay na hindi lang pinapalitan at tinatanggal ng basta-basta. Sa aking opinyon
dapat ay alagaan pa din natin ang wikang Filipino sapagkat ito ang isa sa mga pinamana sa atin ng ating mga ninuno. Parte na ito ng ating pagkakakilanlan. Hindi ang wikang Ingles o Espanyol ang maituturi nating atin, kundi ay ang
wikang Filipino! Kahit sino naman ata ay minamahal at pinoprotektahan ang kanilang ari-arian diba? Bakit hindi natin ito ginagawa para sa ating sarling wika?
"Ang hindi marunong magmahal sa sariling wika ay higit pa sa hayop at malansang isda" - Dr. Jose Rizal
Ito ang mensahe sa atin ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal upang idiin sa ating isipan ang kahalagahan ng ating sariling wika. Ang wika ay ang nagsisimbolo kung tunay ngang malaya ang isang bansa! Ngunit ano na ang nangyayari sa panahon ngayon, isang panahon kung saan hindi marunong magsalita ng Filipino ang isang Pilipino na nabuhay at pinanganak sa kanyang sariling bayan. Nakakalungkot isipin na sa pag-unlad ng ating bansa ay kaagimat nito ang pagbagsak nang ating wika at ang pagkawala ng ating tunay na kalayaan. Ayon sa isang dokumentaryo ng GMA noong kinausap nila si Ginang Mila Villanueva isang guro ng asignaturang Filipino, hindi man lang marunong magsulat ng mayroong maayos na gramatika ang kanyang mga estudyante ngayon. Kung ikukumpara niya ang mga estudysante niya noon sa ngayon ay mayroong malaking agwat sa kanilang kaalaman. Aba'y tinanong din ang ilan sa mga estudyante ni Ginang Mila at ayon sa kanila nakakalimutan na talaga ang wikang Filipino, kahit ang mga tawag sa iba't-ibang kulay ay hindi nila alam.Mayroong mga nagsasabi na ang pagusbong ng iba't-ibang wika ang sanhi ng suliraning ito, ngunit ako'y naniniwala na hindi ito ang problema! Naniniwala ako na ang puno't-dulo ng suliraning ito ay ang mismong pundasyon ng wikang Filipino! Sabi nga nila na kung hindi matibay ang pundasyon ay bubuho ang buong gusali. Nakakalimutan nang kabataan pati ang pangungusap at parirala na itinuro pa noong sila'y elementarya. Kakulangan ng pansin at pangangalaga ang sanhi ng ating mga suliranin. Isa pa sa mga sanhi ay ang "toxic mentality" ng mga Pilipino, kung saan iniisip nila na masmataas ang wikang Ingles kung ikukumpara ito sa wikang Filipino. Sa kasalukuyang panahon, hindi importante kung magaling ka magsalita ng wikang Filipino kung di ka naman marunong mag-Ingles. Hindi ka makakapasa sa mga job interview kung ang gamit mo ay ang wikang Filipino. Nasaan ang hustisya doon? Kailan pa naging mas mataas ang isang wika kung ikukumpara mo ito sa iba? At sasabihin niyo ang rason ay para sa globalisasyon? Ang kausap mo ay isang Pilipino at kayo ay nasa bansang Pilipinas ngunit ang gagamitin niyo para sa komunikasyon ay ang wikang Ingles? Hindi niyo tatangapin sa trabaho ang isang tao kahit gaano pa siya kagaling kung ang pinipiling niyang wika ay ang Filipino? May nalalaman pa kayong mga salitang "pride" ngunit sa huli tinapon niyo lang ang iyong pagkakakilanlan bilang Pilipino? Parang masyado naman atang makapal mukha niyo? Mga Pilipino, mga taong nakikita lamang ang gusto nilang makita. Nagbubulag-bulagan, nagbibingi-bingihan hanggang kailan ba natin tataklubin at iiwasan ang maruming katotohanan? Ang katotohanan na itinapon at binalewala na natin ang ating sariling bayan para lamang maging alila nang ibang mga bayan.
"Ang kabataan ang pag-asa ng bayan" - Dr. Jose Rizal
Kabataan, tunay na ba tayong pag-asa ng bayan? O tayo ba ang magdadala ng pagbagsak nang ating bayan? Patuloy na lamang ba tayong magpapahatak sa ating mga kasakiman? Kabataan, simulan na natin ang pagsibol ng ating wika. Isang pamilya tayo, ating gamitin ang wikang ito. Wikang Filipino ay ating bigyang halaga. Kabataan, huwag na tayo magbulag-bulagan. Isibol na ang bagong kinabukasan. Ang kinabukasan kung saan tayo'y tunay na malaya, isang kinabukasan na bukas para sa lahat ng mamamayang Pilipino.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~