Taong 1998, huling yugto ng panahon ng panunungkulan ni Pangulong Fidel V. Ramos nang gunitain ang ika-100 taong anibersaryo ng kalayaan ng Pilipinas. Gumastos ang pamahalan ng malaking halaga para sa magarbong mga programa para sa okasyon.
Halos lahat ng lugar sa ating bansa ay nabihisan ng pambansang watawat. Ngayong taong 2007 ay ginunita na naman ang Hunyo 12 bilang ika-109 taon na ng tinatawag na Unang Republika sa Asya- ang gobyernong itinatag ni Heneral Emilio Aguinaldo. Kung gugunitain, ang pamahalaan ni Aguinaldo ay nabuo matapos na maagaw niya ang liderato ng Katipunan kay Andres Bonifacio sa halalang naganap noong Ika-22 ng Marso, 1897 sa Kumbensiyon sa Tejeros (ngayon ay bayan ng General Trias sa Cavite). Planadong kudeta ang naganap sa mismong kaarawan ni Aguinaldo mula sa sabwatan ng mga kasapi ng Magdalo at Magdiwang na nagtakwil kay Bonifacio bilang Supremo. Mismong mga tauhan din ni Aguinaldo ang pumatay kay Bonifacio at sa mga kapatid nito noong Ika-10 ng Mayo, 1897 sa Maragondon, Cavite matapos ang scripted na paglilitis mula sa hindi makatotohanang mga akusasyon ng pagtataksil diumano nina Bonifacio laban sa mga tagapagtaguyod ng rebolusyon.
Subalit pitong buwan pagkatapos ng kamatayan ni Bonifacio ay isinuko din naman ni Aguinaldo ang rebolusyon sa bisa ng Kasunduan sa Biac na Bato kung saan pumayag sina Aguinaldo na maipatapon sa Hongkong kapalit ng halagang P1, 700,000. Ang kabuuang halagang P400,000.00 ay napunta sa bulsa ni Aguinaldo habang ang ibang pera ay pinaghatian ng mga oportunistang lider ng pag-aaklas na naiwan sa Pilipinas. Halagang P600,000.00 lamang ang kabuuang aktuwal na naibayad ng gobyerno ni Heneral Primo de Rivera sapagkat kapwa hindi naman tumupad sa usapang wawakasan na ang digmaan sa pagitan ng mga Kastila at Pilipino.
Samantala, ang Amerika na malaon nang may interes sa Pilipinas ay nagkaroon ng dahilang giyerahin ang España nang sumabog sa Cuba ang barkong Maine na pag-aari ng mga Kano noong Pebrero 15, 1898. Ibinintang ng pamahalaan ni Pangulong William McKinley sa mga Kastila ang pagsabog at gaya ni Pangulong George Bush na wala namang sapat na ebidensiyang naipakita tungkol sa pagtatago ng Iraq ng weapons of mass destruction, nagdeklara ang Amerika ng pakikidigma sa España noong Ika-25 ng Pebrero, 1898. Si Aguinaldo na nasa Hongkong ay kinumbinsi ng mga Amerikanong sina Spencer Pratt at Rounseville Wildman, kapwa mga kinatawan ng Amerika sa Singapore at Hongkong, na magbalik sa Pilipinas at ituloy ang rebolusyon laban sa España. Ika-1 ng Mayo nang sumalakay ang puwersa ni Commodore George Dewey ng Amerika sa Manila Bay at tinalo ang puwersang pandagat ni Admiral Patricio Montojo. Pagkalipas ng labimpitong araw ay nagbalik si Aguinaldo sa Pilipinas sa tulong ng mga Amerikano at nagtayo ng Revolutionary Government. Isang buwan pa ang lumipas at nagdeklara na siya ng kalayaan ng Pilipinas noong ika-12 ng Hunyo, 1898 sa Kawit, Cavite sa kabila ng katotohanang hindi pa naman lubusang nagagapi ang mga Kastila at hindi pa malinaw kung ano talaga ang plano ng mga Amerikanong nakahimpil sa Manila Bay. Samakatuwid, hilaw at hindi pa napapanahon ang pagdedeklara ng kalayaan ni Aguinaldo na ginawa lamang niya upang matiyak na siya pa rin ang may kontrol sa rebolusyong minsan na niyang isinuko.
Ang pinakamalungkot ay ang katotohanang sa mga Amerikano isinuko ng mga Kastila ang Maynila noong ika-13 ng Agosto, 1898 na nagpapatunay na hanggang sa kahuli-hulihang yugto ng paghahari ng mga Kastila ay mababa ang tingin nila sa mga Pilipino at mas nanaiisin pa nilang sumuko sa mga kagaya nilang maputi ang balat kaysa sa mga kayumangging itinuturing nilang alipin. Sa kabila ng katotohanang ito ay hindi parin natigatig si Aguinaldo at buong-buo pa rin ang kumpiyansang ang mga Amerikano ay kaibigan at hindi mga bagong mananakop. Ika-10 ng Disyembre, 1898 nang pormal na ipinabigili ng mga Kastila ang Pilipinas sa mga Amerikano sa halagang P20,000,000.00 sa Kasunduan sa Paris. At dahil pag-aari na ng mga Kano ang Pilipinas, hindi na napigilan pa ang pagsiklab ng digmaang Pilipino-Amerikano noong Ika-4 ng Pebrero, 1899. Tumagal pa ng ilang taon ang pakikpigapalaban nina Aguinaldo hanggang sa ito ay mahuli ng mga Amerikano sa Palanan, Isabela noong Marso 23, 1901.
Simula 1898 hanggang 1902 ay mga Amerikanong Heneral ang namahala sa Pilipinas. Pagdating ng 1902 hanggang 1935 ay pinamunuan tayo ng mga Civil Governors mula kay Gov. William H. Taft hanggang kay Gov. Frank Murphy. Mula 1935 hanggang 1941 ay itinatag ang puppet government ni Manuel L. Quezon na mas kilala sa tawag na Commonwealth Government. Nang sakupin ang Pilipinas ng mga Hapon noong 1941 ay bumuo din ng puppet government ang mga Hapon sa pamumuno ni Jose P. Laurel.
Para masabing sila ay kakampi at hindi mananakop, idineklara ng mga Hapon ang kalayaan ng Pilipinas sa Amerika noong Oktubre 14, 1943.
Natalo sa digmaan ang mga Hapon at idineklara ng mga Amerikano ang kalayaan ng Pilipinas noong Hulyo 4, 1946 (katulad ng petsa ng araw ng kanilang deklarasayon ng paglaya sa Britain noong Hulyo 4, 1776). Subalit ang kalayaang ito ay hungkag lamang sapagkat sa politika, ekonomiya at kultura ay nanatili tayong hawak ng mga Amerikano. Mula 1946 hanggang 1962 ay Ika-4 ng Hulyo ginugunita ang araw ng kalayaan ng Pilipinas. Sa panahon ng panunungkulan ni Pangulong Diosdado Macapagal ay muli niyang kinilala ang petsa ng deklarasyon ni Aguinaldo at mula 1963 hanggang ngayon ay Hunyo 12 na uli ang petsa ng araw ng ating kalayaan.
Kung noong 1998 ay 100 taon na tayong malaya, ano ang itatawag natin sa panahon mula 1902 hanggang 1935? Malaya ba tayo muula 1941 hanggang 1945 na panahon ng mga Hapon?
Petsa pa lamang ang pinag-uusapan natin. Hindi pa binabanggit ang usapin sa Parity Rights noong 1947, ang Visiting Forces Agreement noong 1998 at ang malaking utang natin sa IMF-WB na dahilan ng paghihirap ng Pilipino. Wala pa rin sa paksa ang E.O. 464 at Proclamation 1017 ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas batay sa E.O. 210 na ang pangunahing pokus ay ang wikang English sa ngalan ng globalisasyon.
Hunyo 12, 2007--- ika-109 taong anibersaryo ng ating kalayaan. Kalayaan nga ba o kadayaan? Tayong nabubuhay sa kasalukuyang panahon ang dapat magsagawa ng makabuluhang pagkilos upang makamit ang ganap na kalayaan.
(Sanaysay mula kay G. Joel Malabanan, dating kasamang guro sa St. Vincent De Paul College sa Bacoor at hanggang ngayon ay itinuturing na kaibigan)