Isang Siklo ng Pag-Ibig
SUMUBOK. Hindi ko alam kung ano ang nag-udyok sa akin upang subukin ang isang bagay na hindi ko pa nagagawa noon; ang gamitin ang puso at balewalain ang utak sa paggawa ng desisyong inakala kong makabubuti sa akin at sa iyo. Sinubukan kong patulugin saglit ang utak kong paulit-ulit na sinasabing "'wag puro damdamin, utak din." Sinubukan kong puso lamang ang pairalin at ibigay ang lahat ng aking makakaya ng 'di ko namamalayang wala na pala akong itinira sa aking sarili.
NAGHINTAY. Ilang araw ang sumikat at lumubog. Ilang segundo, minuto, at oras ang lumipas ngunit tila wala pa rin ang mga sandaling aking hinihintay. Ang sandaling ako'y iyong mapansin. Ang sandaling lumingon ka at tignan ang aking mga ginagawa para sa'yo. Ang sandaling maging pareho ang pagtingin natin sa isa't isa. Ang sandaling masabi mong ako na pala. At higit sa lahat, ang sandaling mapagtanto mo na tayong dalawa ang nakatadhanang magpuno ng kakulangan ng isa't isa.
UMASA. Kasabay ng aking paghihintay ako'y umasa. Umasa na sa huli ay magbubunga lahat ng pagod na naramdaman ko noong mga panahong hinahabol kita habang ika'y patuloy na lumalayo; na sa huli ay magbunga lahat ng pagtitiis ko sa sakit na aking naramdaman sa tuwing nakikita kitang kasama siya habang ako'y nandito't nag-iisa; at higit sa lahat ay sa huli nawa'y magkaroon ng saysay lahat ng mga luhang tumulo mula sa aking mga mata noong mga panahong pakiramdam kong wala talaga akong pag-asa...tayong pag-asa.
NASAKTAN. Masakit sa pakiramdam na ang bagay na pinagtuunan ko ng pansin sa mahabang panahon ay wala palang saysay. Masakit maiwan na mag-isang nakakapit habang ika'y tuluyan ng bumitaw ng wala man lang paalam. Pero ang mas higit na nagpasakit sa lahat ng nangyari, ang malaman kong ibinigay ko ang lahat ngunit wala akong itinira para sa aking sarili. 'Yun na ata ang pinakamasaklap na pangyayari sa lahat, ang maiwan at pinilit lumingon muli ngunit nalamang wala na palang makakapitan.
NATUTO. Marami man akong kasawiang naranasan hindi mawawala ang mga bagay na aking natutunan. Sa aking pag-iisip ako'y naliwanagan. Kapag pala umibig hindi lang dapat puro puso, gamitan din ng utak. Kapag umibig 'wag ibigay ang lahat, magtira para sa sarili. Kapag umibig dapat hindi dehado, kailangang hindi lang ikaw ang nakikinabang ngunit pareho tayo. Pero higit sa lahat kapag umibig dapat handang masaktan at matuto. Sa kabila ng lahat ay patuloy ko pa ring itinatak ito sa aking puso't isipan, na "walang tunay na umiibig ang hindi nasasaktan."
















