Isa Kang Rosas, Na Minahal Ko Rin Paglipas ng Panahon
Aminado akong mas maingay pa ako sa pangkaraniwang lalaki. Na sinumbong ng guro ko noong nasa pangatlong baitang ako na ang daldal ko raw at ang tatay ko naman, sinermunan at sinabon ako nang maigi pagkatapos niyon. Na dapat ang mga lalaki ay hindi madaldal at hindi maingay. Anong magagawa ko kung gusto kong mag-ingay at dumaldal.
Makulit, pasaway, madaldal, tsismoso pa sa mga babae. Batugan, hindi palaaral at wala yatang magandang nagawa sa paaralan kundi puro laro at pagbubulakbol. Hanggang sa nagbago nang kaunti ang takbo nang magkagusto ako sa isang babae noong nasa highschool. Sa maniwala kayo o sa hindi, kahit sabihing gustong-gusto ko siya at mahal ko na siya pagtungtong namin ng kolehiyo ngunit anong lupit yata ng tadhana, tinutukso ako.
Wala naman talaga akong pakialam kung di lang nayanig ang mundo ko nang may isang babaeng lagi na lang nakabusangot kapag nakikita ako o kapag nasa paligid ako. Umaalis ka kaagad kapag nasa malapit ako. Nararamdaman ko na naiingayan ka sa akin at nakompirma ko din na naiirita ka sa malakas kong tawa. Gumugusot ang ilong mo kapag nagbitiw na ako ng mga jokes na bagama’t corny at di naman katawa-tawa ay proud na proud akong bigkasin at ibahagi noong kabataan. Nahuli ko ang pagbuga mo ng hangin noong humarap ka na sa kaibigan ko na kaklase natin. Noong ako, nanigas ka at nangungunot ang noo. Ang taray-taray ng mukha mo. Seryuso, bakit sukdulan yata ang pagkadisgusto mo sa akin? Ano ba ang ginawa kong mali?
Kung hindi lang sinabi ng kaibigan kong kapares mo sa sayaw, hindi yata ako magigising noong nagkita ulit tayo. Sa pangalawang pagkakataon. Hinihilom ko pa ang sugat ng pagkawala ng unang babaeng naging malapit sa aking puso, na hindi ko kadugo. Ang babaeng parte na lamang ng kabataan ko na hindi ko na makikita pa. Binawi na siya ng kalangitan at ilang taon rin ang nilakbay ko, kasama na ang pagbabago ko at pananaw ko sa mundo.
Ganoon ka pa rin noong nagkakilala tayo. Mataray tingnan lalo na kapag hindi ka nakangiti. Hindi ka pa naman nakangiti lagi. Inoobserbahan kita sa malayo. Nagbabago ang ekspresyon sa mukha kapag nagbabasa ka sa libro. Kahit na may lalaking gustong lumapit sa iyo ay binabalewala mo dahil tutok ka sa mga librong binabasa mo at doon ko lang din nadiskubre na lumalambot pala ang ekspresyon sa mukha mo kapag nagbabasa. Nakakatawa at nakakangiti ka kapag andiyan ang matalik kong kaibigan na babae at lalaki. Hindi ko alam kung bakit may kaunting kudlit kapag nakangiti ka sa kaibigan kong kagaya kong maingay rin kahit kalalaking tao. Bakit ganoon? Bawal ang kahit ano mang bago kong nararamdaman sa kahit sinong babae na lumgpas sa pagiging kaibigan dahil may kasintahan ako. At mukhang gusto ka rin ng kaibigan ko kaya hinayaan ko na lang.
Hinayaan ko na lang ang nangyayari kapag nasa paligid ka lang. Hinayaan ko lang ang mga mata ko minsan na purihin ang kagandahan mo. Ang lihim mong mga ngiti at ang mga mata mong tumitingkad kapag may bago kang librong nahihiram sa library. Masisisi mo ba ako kung lagi kita nakikita pagkat lagi kayong magkasama ng kaibigan kong babae? Kaya ko bang makapagsinungaling sa mga kaibigan ko at sabihing ang pangit ka pero iba naman ang sinasabi ng mga mata ko? Hindi naman ako bulag o nagbubulag-bulagan lang.
Hanggang sa umabot sa puntong ikaw ang ang hinahanap ng mga mata ko dati kahit na bawal. Kahit na mali. Kahit na alam kong may kasintahan ako. Sumemplang lang talaga ako noong ikaw ang ginawa kong representate sa section natin para sa isang patimpalak at galak na galak ako noong manalo at ang sumama ang loob niya. At ikaw pa ang napagbuntunan ng selos niya. Oo, selosa siya pero natatakot ako kung ano ang maiisip mo kung nasagap mo ang pagkadisgusto niya sa iyo sa patimpalak. Na baka mas lalo kang lalayo.
Na totoo namang nangyari. Minahal ko talaga siya. Alam ko. Nasa iisang unibersidad lang tayong dalawa. Alam kong may mga klase na magkaklase tayo at sinisikap kong ignorahin ka kahit sa jeep dahil masyado na akong lunod na lunod sa panahon na iyon. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Hanggang sa iniwan na niya ako. Hindi ko na siya mahahawakan at makikita pa. Matagal kong tinanggap ang nangyari at nagbago.
Matagal makalimutan ang mukha mo. Kilala ko ang katarayang taglay ng mukha mo ngunit alam ko na busilak ang puso mo sa kaibigan mo. Sa matalik ko ring kaibigan. Malakas ang dating ng presensiya mo sa akin noon pa lang kaya kahit ilang taon na ang lumipas kilala ko ang likod mo. Ang iyong postura kapag naglalakad kasama ang matalik kong kaibigan. Nang kilalanin kita, sa jeep bilang konduktor at bilang kapitbahay ng Tita ko, alam ko kung gaano ka kabait. Akala ko lang mataray ka. Aminado naman akong masyado ko nang kinokontrol ang pangyayari noon para sa kaibigan nating dalawa na mahal naman ang isa’t isa.
Hanggang sa paglipas ng panahon, pinoprotektahan mo pa rin siya at ako nama’y isa na namang siraulo sa paningin mo. Ngunit hindi ko pala akalain na sa mga samu’t saring reaksiyon at ekspresyon pag malapit ako sa iyo ay isa palang lihim na mabubunyag. Tila lumaki ang ulo ko ngunit makapal na sa makapal, aaminin kong may bahagi dito sa akin na tuwang-tuwa. Kulang na lang tumalon ako at sumuntok sa hangin.
Nagulat ako. Nawindang. Tila ba sinampal ako ng katotohanang itinago ng utak ko at ngayon ko lang nalaman ang misteryo kung bakit. Kung bakit hinahanap ka ng mga mata ko. May guilt sa akin noong nararamdaman ko iyon at pilit na iwinaglit. Nagtagumpay ako ngunit ngayon pala’y bumalik. Hinayaan ko na lamang ang sarili ko na tangayin. Papalapit sa iyo. Mukha akong ulol na pilit ka hinuhuli at aminado akong gago na tuwang-tuwa pa sa ginagawa ko sa iyo pero sinong makakatiis kung nakikita kitang namumula ang mukha? Iniikot ang mga mata pag nasa malapit lang ako? At wala kang pakialam kung makita kita na buhaghag ang buhok dahil bakit pa? Kung totoong maganda ka at maganda rin ang kalooban mo.
Makulit. Pasaway. Masakit sa ulo. Ganoon yata ako sa iyo kapag binibisita kita. Bakit pa? Palalampasin ko pa ba ang pangalawang pagkakataon? Hindi ka na gusto ng kaibigan ko. Kaya hinayaan ko kayo. Kahit na asar na asar ako na masaya ka pa noong magkapares kayo sa sayaw noon. Ako dapat iyon pero kailangan kong magpigil dahil napansin na rin ako ng matalik ko na kaibigan na nakatuluyan ng matalik mo ring kaibigan. Malansa na ang amoy ko pagdating sa iyo, highschool pa pang kahit pa sabihing kami ng dati kong kasintahan. Mali. Mali talaga noon.
Ngunit ngayon? Mapapalampas ko ba? Kung nasa malapit ka lang? Kung nalaman ko na ako ang lalaki sa nobela mo? Kung dati pa lang malakas ang presensiya ko sa ‘yo? Makapal na kung makapal. Magpapahangin ako. Gusto kong sabihin na nandito na ako. Bakit pa natin patatagalin ang lahat? Gusto kong ituloy ang nadiskubre ko sa sarili ko.
Totoo. Gusto kong mag-alay sa iyo. Kahit korny. Kahit patay na patay ako sa iyo kahit na bagong gising ka pa lang at umaandar na naman ang katarayan mo. Gusto kitang pagawan ng rebulto. Ang kagandahan mo na pinagsamang katalinuhan ni Athena at kagandahan ni Aphrodite. Patay na patay ako sa iyo na mistula na akong buntot mo pero aminin mo natutuwa ka? Alam ko ang tunay mong ngiti. Na sa wakas, nahuli ko rin ang kiliti mo.
At alam mo ba kung kailan ko naisip na pakasalan kita? Na ikaw na ang babae na ihaharap ko sa altar? Na ikaw lang ang babaeng magiging ina ng mga anak ko? Na ikaw lang ang babaeng gusto kong mag-asikaso sa akin? Na ikaw lang ang babaeng kaya akong sipain palabas ng kuwarto pag nag-away tayo na huwag naman sana mangyari. Alam mo ba?
Noong dumating ka sa kompanya. Dala-dala ang pagkain para sa lunch. Masyado kang maganda. Isang diyosa na bumaba sa lupa upang bigyan ng pansin ang isang makasalanang mortal. Walang ibang nasa utak ko, ikaw lang at gusto kitang pakasalan kahit bago ko pa nalaman na lihim ka ring may nararamdaman sa akin. Gusto muna kitang hayaan at ikaw na mismo ang lalapit at tatanggap sa nararamdaman ko para sa iyo.
Nang tumugtog ka sa harap ko ng violin. Lihim akong tumangis, sa saya at galak. Masyado yata akong sinuwerte sa buhay at nandito ang isang babaeng minahal ako at tanggap ako kung ano ako. Isang lalaking handa siyang mahalin at alagaan.
Ngayo’y hindi mapuknat ang mga ngiti ko sa labi. Bakit naman ako iiyak kagaya ng ibang kalalakihan pag ikinasal? Masaya ako dahil nandito na ang diwata at diyosa ng buhay ko, naglalakad at handa akong makasama habangbuhay. Napapailing na lang sa gilid ang dalawa kong kaibigan dahil alam nilang wala na talaga akong kawala.
Isa kang rosas. May tinik noong una at nahihiya pang ibuka ang talulot hanggang sa hinintay ko lamang ang pagbuka at ang kagandahan mong alam kong matagal mo nang taglay, sa panloob at panlabas. Sa paglipas ng panahon, sa’yo pa rin pala ako patungo.
Pangako, sa hirap at ginhawa. Mananatili ako sa tabi mo.
Sinusumpa ko na ikaw lang.