Ang Kapangyarihan ng Wika, Ang Wika ng Kapangyarihan
Gaano nga ba kahalaga ang ating wika?
Simpleng tanong pero tila mahirap bigyan ng sagot na kritikal at malalim.
"Ito ay ang tulay para sa pagkakaroon ng komunikasyon sa ating kapwa", "Ito ay ang ating pagkakakilanlan"
Ilan lamang yan sa malimit kong marinig na sagot kapag dumako ang usapan sa kahalagahan ng wika. Kung alam natin ang kahalagahan paano nga ba natin ito pinapahalagahan?
Ang wika ay hindi lamang isang "communication tool" ng bawat indibidwal ngunit ito rin ay ang pagkakakilanlan ng ating pinagmulan. Mula sa tradisyon hanggang sa ating mga kultura.
Bagamat alam natin ang gamit at kahalagahan ng wika, marami parin ang nagiging dahilan sa kung bakit ang wikang Filipino ay tila patuloy na nakikipag kumpitensya sa wikang Ingles.
Kasabay ng pag usbong ng teknolohiya ay ang paglaganap ng wikang Ingles sa ating bansa. Paano nga ba namang hindi tayo mai- impluwensiyahan nito eh halos lahat ng mababasa nating Instraksyon sa paggamit ng ibat ibang social media platforms ay nakasalin sa wikang Ingles. Totoong malaki ang gampanin ng wikang Ingles sa ating pang araw araw na buhay. Mula sa simpleng paggamit ng mga smartphones, instraksyon sa mga reseta ng gamot, street signs pati na rin ang pagbili sa mga online shopping apps, sa lahat ng ito ay tiyak na mapakikinabangan mo ang iyong kaalaman sa paggamit ng wikang Ingles. Tunay ngang makapangyarihan ito. Pag usapan naman natin ang paraan ng paggamit ng mga tao. Tila naging "standard" na ng talino at galing ang kakayahan at kaalaman ng bawat indibidwal sa paggamit ng wikang Ingles. Sabihin na nating ikaw ay palaging gumagamit ng midyum na ito kapag nakikipag talastasan ka sa iyong kapwa, sa paraang ito maaari mong makuha ang atensyon ng mga nakikinig at ikaw ay bigyan ng magandang "feedback". Kadikit ng kagalingan sa pagsasalita ng Ingles ang paniniwalang ang mga taong ito ay may patutunguhan sa buhay, dahil sila ay may koneksyon sa mas malaking mundong ginagalawan. Tunay ngang hindi natin maipagkakaila ang katotohanang kailangan natin ang Ingles, hindi lamang para maabot ang sinasabing "standards" na nabuo sa paglipas ng panahon kundi para narin tayo ay magkaroon ng kakayahang makipag sabayan sa iba. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, mayroon tayong nakakalimutan.
Kapansin pansin na ang bansa tulad ng Sweden ay kilala sa paggamit ng sarili nilang wika o primary language gayundin ang paggamit ng secondary language na wikang Ingles. Ang bansang pilipinas ay may kaparehong konsepto ng paggamit ng wika, ngunit sa bansang tulad ng Sweden, mas pinagtuunan nila ng pansin ang pagpapatatag ng sariling wika bago ang wikang banyaga. Sa aking perspektibo, wala namang masama kung parehong ilagay sa kurikulum ang Ingles at Filipino at pag aralan ang mga ito. Ngunit sa ating bansa ay walang matibay na pundasyon ang sarili nating wika. Kapansin pansin ang mabilis na pag "adopt" ng mga Pilipino sa ibat ibang kultura at mga salitang banyaga. Kaya masasabi nating 'Filipino's "patronize" foreign cultures' more. Mapaprodukto, sayaw, kanta isama narin natin ang paggamit ng wikang Ingles. Tila tayo ay tao na sumusunod lamang sa lahat ng uso. Kesyo nga naman matalino ka o nakaka angat kung magaling ka mag Ingles. Nakaka-yaman pakinggan. Nakakadagdag arte. Wala naman kasi talagang masama na matuto tayo ng Ingles, dahil sa totoong usapan kina kailangan natin ito dulot narin ng globalisasyon. Ngunit kung atin namang lilimutin ang sarili nating wika ay para narin nating kinalimutan ang ating pagkakakilanlan. Tayo ay tila taga konsumo na lamang ng lahat ng meron ang mga banyaga.
Tunay na makapangyarihan ang wika. Ito ang nagsisilbing tulay upang tayo ay magkaroon ng koneksyon sa mas malaking mundo. Ngunit ating pagkatandaan na maaaring ang wikang Ingles ang maging daan upang tayo ay makasabay sa globalisasyon, ngunit ang ating sariling wika ang siyang magbibigay ng ating pagkakakilanlan.
| Blog4
[Conrado de Quiros]











