Wikang Filipino: Talaga bang makatutulong ang mga salitang balbal sa pag-unlad ng ating wika?
Isinulat ni: Coronel, Gavril Benedict L.
Ang Pilipinas ay isang archipelagong bansa na naghihiwalay at nagbubuklod sa mga tao, dahilan ng pagkakaroon ng iba't ibang wika. Ang mga wikang ito ay isang simbolo ng mga tao na nagpapakita at nagrerepresenta ng kanilang ugali, lugar na kanilang kinalalagyan, at kanilang mga paniniwala. Ito ay nanatiling ganito sa matagal na panahon ngunit nang dumating ang teknolohiya, nagkaroon na ng iba't ibang salita na ginamit ng mga Pilipino upang mapadali ang kanilang pakikipagusap sa kanino man. Ang mga iba’t ibang salita na ito ay tinatawag na salitang balbal. Ito ay patuloy na nagbabago at nag-iibang anyo sa paglipas ng panahon. Sa inyong palagay, makatutulong ba ang mga salitang balbal na ito sa pag-unlad ng ating wikang pambansa o ito ay isa lamang hadlang para sa mga pilipino, hadlang na gamitin natin ang wikang namulat at nakagisnan natin?
Nang dumating ang teknolohiya, gumamit na ng iba't ibang estilo ng pakikipagsalita ang mga tao upang sila ay mapadali sa kanilang pakikipagusap sa kanliang pamilya, kaibigan, o sa mga hindi kilalang tao. Ito ay tinatawag na salitang balbal at ito ang pinakamababang antas ng wika. Upang mas madaling maintindihan kung ano ba ang mga ito, ating tignan ang iba't ibang halimbawa nito. Ang unang halimbawa na aking sasabihin ay ang gay lingo. Ito ang wikang ginagamit ng mga beki o bakla upang matago nila ang mga mahahalaga o mga detalyeng ayaw nilang mapaalam sa iba. Kumukuha sila ng mga salita at kanila itong iniiba sa anyo, pagbigkas, at minsan ay ang ibig sabihin nito. Ang pangalawang halimbawa ay ang jejemon. Ito ay nauso nang bagong dating pa lamang ang teknolohiya sa atin. Noon, hindi pa uso ang free message o unli message at dahil dito, gumawa ng paraan ang mga tao upang mapaikli ang kanilang mga sinasabi na kalaunay tinawag na jejemon. Hanggang sa kasalukuyan ay ginagamit pa rin ang salitang balbal na ito ngunit nagkaroon na ito ng pagbabago. Mas malinaw na ang mga salita ngunit dinagdagan at tinatanggalan pa rin ito ng ilang mga letra o titik para mas maganda at maayos ito basahin at pakinggan ng ating pinaparatinggan. Dahil dito, onti-onti ng nawawala ang pagkamalikhain ng mga tao sa pagbuo ng mga mabubulaklak at matatamis na salita na maaaring magamit sa pormal na pagsasalita o sa pangliligaw. Napapalitan na ang tunay na wikang FIlipino ng mga salitang balbal at ito ay isang malaking problema sa ating lipunan na walang nakakapansin.
Kung aking sasagutin ang tanong ko sa nakaraan, hindi ako sumasang-ayon na makatutulong ang salitang balbal sa pagpapaunlad ng wikang Filipino. Ito ang naging sagot ko dahil sa dalawang dahilan na ito. Panguna, binibigyan tayo nito ng iba't ibang makabagong salita, ngunit kung tayo ay masanay sa paggamit nito, posibleng mahirapan na tayo sa pakikipagusap ng pormal at ng malinis na Filipino o Ingles sapagkat napapagitnaan natin ito ng mga salitang balbal. Pangalawa, ang mga salitang balbal ay walang naaambag na kaalaman o karunungan sa atin bagkus, mas pinapakita pa nito na tayo ay mga mangmang na walang pinag-aralan. Dahil sa mga puntong ito, napapakita kung paanong binabalewala ng mga tao ang natural na wikang Filipino. Mas kanilang tinatangkilik ang mga makabago o kung ano nauuso. Dahil dito, ako ay nalulungkot sapagkat unti-unti ng nawawala ang mga magaganda at mga malalim na filipinong salita na maaaring isa sa kadahilanan kung bakit natatangi ang ating wika. Huwag nating isanay ang ating mga sarili sa mga salita na ito at ibalik natin ang ating mga sarili sa ating kinagisnan na wika. Kung ikaw ang tatanungin, sumasang-ayon ka ba na may malaking ambag ang mga salitang balbal sa pagpapaunlad ng ating wika o hindi? Ano ang mga kadahilanan kung bakit mo ito nasabi?












