Pakibukas Na ng Mga Ilaw.
Ang hirap hirap naman nito, pucha. Hindi ba pwedeng tayo na ulit?
Minsan akala ko okay na, ayos na.
Akala ko ‘di na ako iiyak, tipong nakakaraos na.
Tumatawa buong gabi at nakakatulog hanggang umaga,
Nang hindi nililisan ang aking basang-basang kama.
Sa umaga, naiisip kita pero lumilipas ang alala.
Nakakaligo nang hindi mata ang unang nababasa,
Nakakapag-ayos nang hindi umaasang ikaw ay makikita.
Tuluy-tuloy lang, nakakarating sa kanto nang walang bahid noong mga luha.
Alam mo, may mga hapon din na parang nakakasalubong kita.
Tumitigil ang lahat, pati ang aking munting paghinga.
Isang beses, nag-ring ‘yung cellphone ko sa lamesa,
Napaisip ako bigla kung ikaw ba, ngunit bakit ka tatawag pa?
May mga gabing sumasaya na akala ko tapos na
Ang paghihintay sa baba para sa sundong hindi na darating pa.
Tipong nakakauwi ako nang bahay na walang takot mag-isa
Sa kamang humihila sa damdaming kong lumilimot na.
Ngunit, hindi pala. ‘Di pa pala lumilisan ang alala,
Sa puso kong kahit pagod na pagod na,
Sa isip kong manhid na manhid na,
Tila hindi pa rin nakakalimot sa pagsuyo na dati ay inaaraw-araw pa.
Nagsimula ‘to lahat sa Biyernes kong tila napakahaba.
Hindi matapos tapos kahit lahat nang pwedeng gawin ay tapos na.
Naglakad nang mahaba, gumawa nang higit pa sa alam ko ay tama.
Nilunod ang sarili sa oras na dapat ay para na sa paghiga.
Ayaw ko na naman umuwi sa takot na mag-isa.
Dahil sa mga pangako mo sa ilalim ng aking kama
Sa mga liham na nagtatago sa gilid nang mga bintana
At sa boses mo na bumubulong pa rin sa aking tenga.
Kung pwede lang na iwan kong basta-basta
Ang multo ng mga paborito kong alaala,
Gagawin ko agad sa abot ng lahat nang aking makakaya.
Wala akong ititira ni isang letra
Kahit na ang pagsabi mo ng “Kumain ka na?”
Ngunit kung ako man ay tunay na makalimot na,
Buksan mo lamang ang ilaw at sabihing “Halika na.”