Mainit, malagkit at pagod na. Nasa area ako, nag de-deliver ng mga sulat para sa residente. Pangalawang lingo na ng mag simula kaming muling bumaba sa area para sa specific na trabaho – Mag hatid ng sulat.
Ang Ilang mga natitirang sulat na nasa akin ay para na lamang sa iisang tao, siguro mga pito ‘yun, tatlo para sa kanya at apat para sa mga nangungupahan niya. Ma-suwerte na siguro ako dahil ‘tong huling taong bibigyan ko ng sulat ay nasa isang istraktura lamang.
Nang natunton ko ang bahay n’ya naka ilang “Tao po, may tao ho ba?” ngunit wala akong sagot na nakuha. Nang bigla may isang Lalaki na siguro na sa edad singkuwenta pataas.
“Tatay kakilala n’yo ho ba si…” Tanong ko sa kanya, at binanggit ang pangalan. Sumagot naman s’ya ng “Oo…” at itinuro n’ya ang bahay. Nalaman ko na doon din pala s’ya naka tira.
“Diyaan ‘yung bahay n’ya kumatok ka na lang…” Sabi n’ya at umalis na, hindi na ako na bigyan ng pagkakataon na makapag pa-salamat sa kanya.
Lumapit ako sa bahay at nag tanong muli kong may tao ba, na bigla ako dahil biglang may nagtaas na parang saklay ata at nagsabi na “Nandito ako sa loob nasa kabilang dako ng bahay ‘yung pinto…”
Agad kong nakita kung san ang pinto ng bahay at binuksan ito.
Bumungad sa akin ang isang matanda na siguro nasa edad 80 years old na, naka upo sa kanyang lumang tumba tumba at may isang maliit na electric fan na naka tutok sa kanya.
Bakas na sa katawan ni Lola ang kahinaan at katandaan, mahina na ang boses at ang pinaka pinangangamba ko ay – mag isa lamang s’ya sa kanya mumunting tahanan.
Umupo ako sa isang kahoy na upuan malapit sa kanya, sinabi ko ang pakay ko at sinubukang ipaliwanag ang sulat na kanyang matatanggap.
Subalit, alam ko sa sarili ko na kahit na anong eksplenasyon ko ay hindi n’ya mauunawaan ito.
Hindi pa mahina ang pandinig ni lola, subalit wala na s’yang kakayahan at ekstra pang lakas para gawin pa ang mga dapat gawin para sa sulat.
Kinausap ko si Lola sapagkat alam ko sa sarili ko na kakailanganin ko ng tulong ng kanyang mga kamag-anak
“Nanay, mayroon po ba kayong kamag-anak dito na tutulong or tumutulong sa inyo dito sa bahay?” Tanong ko sa kanya, bakas sa mukha ni Lola ang lungkot na hindi ko maipaliwanag.
“Wala anak…Nasa probinsya na ang dalawa kong anak, doon sila na locked down…” Tugon ni Lola na agad akong natigil subalit nakapag tanong pa rin ng iilang mga bagay gaya ng
“Sino ang tumutulong sayo dito” “Kumain ka na ho ba?” at “Paano po kayo dito? Kailan po ang last na uwi ng mga anak ninyo?”
Doon ko lamang na pagtanto na ang huling tanong ko ang nakapag patigil kay Lola, pansin ko sa kanyang mata ang lungkot, at kasabikan…
Kasabikan na magkaroon ng kasama at kasabikan na makita muli ang dalawa pa n’yang anak.
Tumayo ako sa aking inuupuan at nag pa-alam sandali kay Lola na maghahanap ako ng mga kapit bahay. Sabi n’ya ay may tumutulong sa kanyang mga kapit bahay at ang mga taong ito ay kusang loob s’yang tinutulungan – Walang kapalit at ni hindi nila kadugo si Lola.
Napag alaman ko sa kanila na matagal ng patay ang asawa ni Lola, at kamakailan lamang ay namatay ang panganay n’yang anak na ayon sa kanya ay hindi man lamang n’ya na dalaw o nasilayan sa kanyang huling mga sandali.
“Hindi ko man lamang nakita ang anak ko, ang sakit sakit sa loob ko anak…” Sabi n’ya.
Pinipilit kong huwag pumatak ang luha ko dahil sa oras na mangyari ‘yun alam kong bibigay na din si Lola.
Hinawakan ko ang kamay n’ya at pinilit na iwaksi ang luhang namumuo sa aking mata.
“Nanay, ok lamang po ‘yun. Mauunawaan ka ng anak mo. Alam n’yang mahal mo s’ya, kahit di ka n’ya nakasama sa huling sandali ng buhay n’ya…” Natatandaan kong sinabi ko kay Lola.
Sa pagkakataon na ito, bumuhos na talaga ang luha n’yang naipon na ata ng kay tagal. Wala akong ibang intensiyon sa araw na ‘yun kundi ang mag bigay lamang ng sulat sa mga residente.
Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon naka katagpo ako ng isang Lola na pilit lumalaban sa buhay – kahit na mag isa at na-iwan.
Sa ilang minutong nailagi ko sa kanyang bahay, napaka dami tanong ang sumagi sa isip ko.
“Bakit wala s’yang kasama ang matanda?” “Bakit hindi nagawa ng iba pang anak na dalawin man lang ang kanilang magulang?”
At ang pinaka nakaka takot na sumagi sa isip ko “Paano kung dadating ako sa punto ng buhay ko na kagaya sa sitwasyon ni Lola?”
Wala akong mahagilap na sagot at kahit ako mismo ayoko ng tanungin ito kay lola dahil natatakot akong na ang isasagot n’ya ay hindi kayang tanggapin ng puso ko.
Bago ako umalis sa bahay ni Lola, ibinilin ko ang mga sulat na natanggap ni Lola. Hindi ko na kinailangan pang ipaliwanag sapagkat mayroon din sila ng katulad na liham na binibigay ng aming ahensya.
Tumayo na ako at nag sabi ng aking pagpapasalamat sa mga kapit bahay ni Lola. Alam ko na walang ibang tutumbas ng kabutihan nila kundi ang Poong Maykapal.
“Mabuti at mayroon pong kabit bahay si Lola na katulad ninyo. Hindi ko po alam ang buong istorya ni Lola, pero dahil sa inyo napatunayan ko na basta mabuti kang tao, hindi magiging madamot sayo ang tadhana…” Ilan lamang sa mga sinabi ko bago umalis.
Muli kong hinawakan ang kamay ni Lola “Lola… salamat po sa inyo. H’wag na po kayong umiyak, at mag palakas na lang. Nakikita po kayo ng anak ninyo at hindi s’ya magiging masaya kung malungkot ka…
Huling sulyap sa kanya at lumabas na ako ng kanyang bahay.
Hindi ko alam kung ano pang dahilan kung bakit sa akin naibigay ang mga sulat ni Lola, pero may alam lang akong isang bagay.
Na habang tayo ay buhay, gumagalaw at may lakas, dapat nabubuhay tayo ng masaya, may mabuting puso at walang tinatapakang kapuwa. Sapagkat hindi natin alam ang ibabato sa atin ng tadhana.
Hindi ko alam kung ano pang dahilan ng kanyang mga anak para hindi madalaw ang kanilang magulang sa loob ng ilang taon, ayokong mag bigay ng opinyon lalo na’t hindi ko alam ang kwento o rason nila.
Pero sana, kung dadating man sa punto na tayo ay maging magulang na, matanda, humina na ang tuhod at wala ng ekstrang lakas para sa ibang bagay.
Maka tagpo nawa tayo ng makakasama sa buhay at mga anak, na kahit na gaano man kapait ang buhay, hindi nila makakayang iwanan ang magulang nila na – nag hihirap at nag-iisa.