Pagsilang ng Makabagong Wika
Ang wikang Filipino, bilang batayan ng wikang pambansa ay wikang sumasalamin sa mahabang kasaysayan ng mga Pilipino. Ang wikang binibigkas ng isang tao ay naglalahad ng pagkakakilanlan ng kanyang pinagmulan. Ito ay masasabing mabisang kasangkapan ng tao sa pakikipag-unawaan sa kanyang kapwa dahil ang wika ay biyayang galing sa Diyos upang ipaabot ng tao ang kanyang iniisip, nadarama, nakikita at nararanasan sa kanyang kapaligirang ginagalawan. Samakatuwid, ito ay isang daan sa pakikipagsapalaran at pagsulong ng bansa sa iba’t-ibang aspeto ng buhay. Sa pinakapayak nitong kahulugan, ang wika ay isang sistema ng komunikasyon na gumagamit nang koleksyon ng iba’t-ibang simbolo na nagsisilbng behikulo upang maipayahag ang ating mga kaisipan at damdamin sa pamamagitan ng sulat o panalita at kumpas ng kamay. Napakaimportanteng pag-usapan ang ating wika dahil marami itong natutulong sa pang araw-araw natin na gawain. Kapag nabanggit ang usapang wika, maraming humuhugot nang kanilang malalim na salita, nagiging matalinhaga at ipinapakita ang puso, kaluluwa at dilang makabayan. Subalit, marami namang negatibong isyu ang lumalabas kapag pinaguusapan ang ating wika, madaming iba’t ibang opinyon at kritisismo ang binabato tungkol dito. Sa dami ng iba pang isyu sa ating bansa, tila marami saatin ang nangangalimot sa importansya ng ating wika.
Sa pag-usbong ng makabagong henerasyon ay marami naring pagbabago sa pamumuhay ng mga Pilipino. Naging madali sa atin ang makasagap ng impormasyon sa pamamagitan ng mga social networking sites, text messaging, mass media at iba pa. Halimbawa na lamang ang pagkakaroon ng impormasyon ukol sa mga nangyayaring karahasan, kalamidad, at kasiyahan sa bansa. Dahilan nga sa laganap na ang iba’t-ibang uri ng media mabilis tayong magkaroon ng komunikasyon sa ibang tao sa loob at labas ng bansa. Ito rin ang nagbunsod upang makagawa ng maraming bagong salita na hindi nararapat na mabuo sapagkat ito ay hindi angkop sa lengwaheng nakasanayan. Dahilan sa kagustuhan ng mga Pilipino na mapadali ang komunikasyon sa ibang tao kaya pinaiikli nila ang mga salita o shortcut. Ang pagnanais na makisabay sa kung ano ang uso at pagkakaroon ng sariling pagkakakilanlan ng grupo ay nagdudulot upang mabuo ang mga salitang pabebe, jejemon, bekimon, mga wikang fliptop, mga ginawang bagong terminolohiya sa mga malalalim na salita, tulad ng “beki” na ang ibig sabihin ay “bakla”, at “mudrabels” na ang ibig sabihin ay “nanay”. Mabilis itong kumalat o matutunan ng iba, sapagkat laganap ang iba’t-ibang uri ng media sa bansa. Sa ipinakitang episode, ipinahiwatig ni Schedar Joson na isa sa mga katangian ng anumang wika ay dapat nagiging malikhain ang gumagamit nito at bahagi nung pagiging malikhain natin yung paglikha ng mga bagong salita na maaaring magmula sa kawalan at mga umiiral na salita. Bago nito, mahilig na gumamit ng expression ang mga Pilipino gaya ng ‘pak ganern’ ‘chereng’ at iba pa. Ang bekimon ay salitang pinauso ng mga beki o bakla na ginagawa na ang pagbabago, pagkakaltas o pagpapalit ng tunog sa mga salita para makabuo ng bagong salita.
Malaki ang impluwensiya ng pagbabago ng panahon at teknolohiya upang makabuo ng mga bagong salitang nagiging dahilan upang magkaroon ng dagdag na salita na pwedeng gamitin sa pang-araw-araw na pakikipagkomunikasyon. Ginagamit pa ba natin ang nakagisnang wika? O tuluyan pa natin itong binalewala? Ang sariling wika ay sumasalamin sa kulturang ating kinagisnan. Sa pamamagitan ng wika nakikilala ang kultura ng isang bansa. Dahilan sa ito ang nagbibigay ng titulo , katawagan o paglalarawan sa kulturang mayroon tayo. Ngunit sa pagbabago ng panahon, nagkakaroon din ng pagbabago sa wikang kinagisnan na maaaring magdulot ng paglimot sa kulturang iningatan ng ating mga ninuno. Sa pag-usbong ng mga bagong salita, patuoy pa rin itong ginagamit at binibigkas sa pang araw-araw na pamumuhay. Ang isyung ito ang lubhang makakaapekto sa kulturang kinagisnan sa oras na hindi natin gamitin ang sariling wika. Sa pagsilang ng makabagong wika hindi na napagtutuunan ng pansin ang wikang Pilipino halimbawa na lamang ang mga wika sa mga literaturang Ibong Adarna kung susuriin marahil wala pa sa kalhati ng mga salitang naroon ang alam natin ang ibig sabihin. Ito ay dahil nasakop na ang ating isipan ng makamodernong salita. Ang isyung ito magdudulot ng kalituhan sa ating pagkakakilanlan sa oras na ibaon natin ang wikang kinagisnan. Sumasang-ayon ako kay Virgilio Armalio na dapat maging maingat sa paggamit ng mga salitang balbal at hindi naman laging importante ang mga salitang pangkakatawanan, pang-sosyalan dahil hindi naman ito nakakaambag sa karanasan at karunungan ng isang tao. Kaya naman, ating mahalin ang sariling wika at tayo’y magtulungan upang tayo’y may patutunguhan.











