“I have something to tell you”
July 27, 2017, alas singko kwarenta y singko ng umaga, nagising ako sa oras na madalang ko lang kagisingan, basta ang alam ko lang nahihirapan akong huminga sa dahilang hindi ko alam; tapos kinukwento ko 'to para kunwari may kinalaman sa totoong kwento ko. Hehe.
Dahil nagising na 'ko ng mas maaga kesa sa regular na oras nang gising ko, nagbasa na lang ako ng komiks at nagbasa-basa din ng ilang "Old, Sweet & Happy messages" sa inbox ng cellphone ng tatay ko. Oo, sa tatay kong cellphone, nakiki-insert muna ako ng SIM sa kanya dahil sinira ko 'yung phone ko at di ko na sasabihin kung bakit. DUAL SIM naman yung cellphone ng tatay ko, NOKIA X1 ang model, with MP3 player, cool para sa isang de-keypad na phone, sa haba ng sinabi ko, wala na talaga akong nagawa para bawiin pa ang tulog ko ng umagang iyon.
Umandar ang oras, natapos na ang pag-ligo, pag-bihis at pagha-handa para sa pag-pasok ko sa trabaho, bago ako umalis 'di ko alam kung anong topak ang sumapi sa'kin, pero dine-activate ko muna 'yung "SIM2," 'yun kasi ang slot ng SIM card ko sa DUAL SIM feature sa phone ng tatay ko. Ang weird kasi first time ko lang ginawa 'yon. Iniwan ko lang 'yung phone sa bahay nung pumasok na 'ko.
Sa opisina, okay naman mula nung umaga hanggang hapon, all had flows on its common routines, konti lang ang gawa dahil wala naman masyadong dumating na workload mula sa kliyente. Chill lang kumbaga, nandyang may kantyawan pa nga kapag nagkaka-antukan na, and speaking of "kantyawan," nakatabi ko sa temporary sitting arrangement ang pinaka-malakas na mangantyaw naming ka-trabaho, si Mami Grace kung amin sya'y tawagin. Mga dalawang oras na lang bago ang uwian, nagkaroon kami ng pagkakataong makapag-heart-to-heart talk ni Mami Grace at medyo marami kaming naging topic. May tungkol sa Personal, Sports na kinahumalingan, pelikulang napanood na, mga oras sa buhay na desperado at walang-wala, Sensual & Intimacy, Companionship & Love at ilang topic pa na pwedeng makapag-pahaba lalo ng kwentong 'to.
Madami sa kwentuhan naming 'yon, kahit na sa kakaunting oras na lang, halos lahat 'yon may katatawanan pero madaming hints of good advices and lessons, pero ang isang pinaka-tumatak sa akin ay ang mismong sentro ng kwentuhan, 'yun eh nung sinabi sakin ni Mami Grace na:
"Baka mahuli ka na n'yan sa byahe kung hindi ka pa papasok sa isang relationship... baka magaya ka pa dun sa tatlong tito ko, puro mga tumandang binata... [censored sayings not fit for posting]." hahaha.
Nai-kwento ko din kasi kay Mami Grace 'yung tungkol sa mga naging past relationships ko at kung bakit wala pa din akong so called "LOVE LIFE" sa ngayon at napaka ipokrito ko kung hindi ko aaminin na hindi ako na-pressure sa sinabi n'ya. In short, affected ako kahit papaano.
Nag-uwian na, excited pa nga akong lumabas ng building, pag-dating ko sa bahay, himalang wala pa 'kong gana kumain kaya naisipan kong puntahan na lang si Alvin, kaibigan ko, bitbit ang gitarang ipinahiram sa'kin months ago. Pag-dating sa bahay nila, nanonood lang sila ng mga kapatid n'ya ng NCAA, re-play match ng SBC at CSJL, habang ako naman, tumutugtog lang ng gitara sa saliw ng mga awiting "When I was your man" ni Bruno Mars, “Pansamantala” ng Calla Lily at “Masaya” ni Bamboo.
Natapos ang game ng dalawang basketball team sa NCAA at nagsawa na kong mag-gitara, kaya nagyaya na lang mag-pasama 'tong si Alvin na bumili ng Toyo para sa lulutuin n'yang hapunan, at maisingit ko lang, tutal na nasa plaza na rin lang kami, niyaya ko na lang si Alvin na silipin muna 'yung bagong tayo na coffee shop nila Toni at Alex Gonzaga, "Happy Cup" ang pangalan (sana makakuha ako ng advertisement paid dito) na kakabukas lang daw nitong nag-daang buwan, maliit lang s'ya na parang mga cute na food stall sa mga Malls. Matapos iyon, bumalik na kami, pero bago pa man kami makarating sa bahay nila Alvin, nag-paalam na 'ko sa kanyang uuwi na lang ako, nag-aalala na rin kasi ako dahil baka maabutan pa 'ko ng malakas na ulan, 'di pa ko makauwi at isa pa, naalala kong hindi ko pa nga pala nasisilip 'yung mga text messages mula nung maka-uwi ako. Nawala na kasi sa isip ko dahil na rin siguro sa excitement kong makagala dahil maaga akong naka-uwi. Meron pa isa, 'di pa ko nakaligo't nakakakain; Konti na nga lang pala at climax na, kung hindi man maging climax para sa'yo, how insensitive freak you are. ;)
Nakauwi na 'ko sa bahay, kumain muna ako. Matapos kumain, kinuha ko muna 'yung cellphone para i-activate na ulit 'yung SIM2, pero dahil atat na din akong maka-ligo ng mga oras na 'yon, hindi ko na tinignan kung may nag-text ba sa'kin o wala. Habang nasa banyo, inaalala ko 'yung mga napag-kwentuhan namin ng ka-trabaho ko, lalo na 'yung tungkol sa "Baka maiwanan na 'ko ng panahon."
Oooohhh, ang sarap mag-babad sa malamig na lagaslas ng tubig habang taimtim mong napagni-nilayan kung paano nga ba paiiniting muli ang puso mula sa matagal nitong pagkaka-babad sa lamig na pinaparamdam ng mundo.
Haayy, ang sarap, nakaraos ako ng araw na may preskong pakiramdam matapos maligo. Pero heto na, Moment of Truth. Pagka-pasok ng bahay, doon na 'ko nagkaroon ng pagkakataon na masilip ang phone. Sa buong mag-hapon na lumipas, tatlo lang ang mensaheng natanggap, at dalawa sa mensaheng iyon ang 'di ko inasahang gugulantang sa akin.
Nag-mula ang mensahe sa isang babae na matagal ko na ding kaibigan, isang babaeng matagal ko na ring nakaka-usap at nakaka-asaran. 6 years na din mula nung una kaming nagka-kilala. Sa tagal ng panahon na lumilipas, nagiging palagay na kami sa isa't-isa, naging kumportable na sa mga salitang binibigkas. Dumating din ang puntong 'di man natin diretsuhin, may isang bagay na 'di naiwasang ma-develop. Oo, tama ang sinabi ko, may mga pagkakataon din kasi na habang nasa kalagitnaan na kami ng kwentuhan, 'di maiwasang may mga pahiwatig ng masidhing kagustuhang ipagtapat ang tunay na nararamdaman sa isa't-isa.
Pero hindi dahil consistent ang komunikasyon, nangangahulugang hindi darating ang puntong magla-lie low na kami sa isa't-isa, na pwede kong sisihin kung bakit ako malulungkot sa bandang dulo nitong kwento.
Sinimulan ko nang basahin ang pinaka-unang mensaheng rumehistro base sa oras na ito ay natanggap:
"I have something to tell you."
Sent:
27-July-2017
04:21:46 pm
Hindi ako sanay sa ganitong uri ng mensahe, aminado akong 'di ko alam kung anong reaksyon ang gagawin lalo't halo-halong sabik, tuwa, pagka-bahala at kaba ang nararamdaman ko nung matapos kong basahin ang pambungad na text message mula sa isang taong matagal ko nang kaibigan ngunit matagal-tagal ko na ding hindi nakakausap.
Tanda ko pa na nung mga oras na natanggap ng phone yung text, 'yun din ang oras na pinapayuhan ako ng officemate ko na kailangan ko nang sumabay sa byahe at mag-hanap ng babaeng pag-aalayan ng puso, 'yun eh para daw 'di ako mapag-iwanan ng ikot ng mundo.
Kasabay ng lahat ng dudang bumalot sa aking malay, binuksan ko ang pangalawang mensahe at ito ang sinabi n'ya:
"Im committed already with someone I love so much. Nagu-guilty ako kase hindi nya alam na makikipagkita ako sayo sa bday mo. Sorry din kasi di ko sinabi agad sayo. 9 months na kami. And shes a lesbian. I think were not destined to meet."
Sent:
27-July-2017
05:21:26 pm
Habang unti-unting bumibitaw papadulas ang aking isang kamay mula sa tuwalyang isinampay, unti-unti ko ding naramdaman ang nanunuot na kahulugan nang kumpirmadong kinatatakutan, na ang nilalaman ng mensahe ay s'yang magiging dahilan ng pag-bagal ng mga tagpo hanggang sa tuluyan na 'kong mapa-hinto. Hindi ko alam kung ilang segundo o ilang minuto ang nagdaan, hindi ko na namalayan sa dami ng mga bagay na tumakbo sa isipan ko.
Inulit ko pang basahin at inisip mabuti. Nag-baka sakali na baka biro lang ang sinabi n'ya. Kumpyansa pa 'ko dahil alam kong mahilig lang talaga s'ya mang-good time minsan. But to no avail, hindi ito ang "Minsan" na inakala ko. Dahil alam kong tama ang nabasa ko sa emosyong nais ipa-kahulugan ng bawat salitang ginamit n'ya. Madiin, Straight to the point at walang mga pasakalye. Doon ko nakumbinsi ang sarili na seryoso ang mga nabasa ko.
Nahalata kong nahirapan pa s'yang ipag-tapat sa'kin 'yung isang bagay na 'di ko alam na hindi n'ya noon inamin. Masyado nang malayo ang agwat ng oras nung una n'yang text hanggang sa pangalawa, from 4:21 pm to 5:21 pm . Inabot s'ya ng isang oras. Pwede kong isipin na posibleng hinintay n'ya pa ang magiging reply ko sa unang text n'ya, pero nung mga oras na 'yon hindi pa ko nakakauwi. Alam kong inipon n'ya ang lakas ng loob na meron s'ya dahil kilala ko s'ya sa paraang kilala n'ya 'ko na hindi mapapakali hangga't hindi s'ya nag-sasalita.
Sa kabila ng hindi inaasahang katotohanan at kalungkutan, sinubukan ko pa ring isipin ang mabuti at magpa-lubag ng loob sa sarili. Ano't-ano man ang mangyari, wala naman na akong magagawa. Ayoko nang dumagdag sa pressure na nararamdaman n'ya kaya hindi ko na sinagot ang text message n'ya, dahil bukod sa masyado nang naging matagal ang oras na lumipas, lumalalim na din ang gabi. Mas gugustuhin ko pang makatulog s'ya ng mahimbing na may mapayapang isip at maluwag na dibdib dulot ng ginawa n'yang pag-amin, kesa naman piliin ko ang makasariling hangarin na ungkatin pa ang mga malalim na dahilan kung bakit nangyari ang ganito sa amin. Hindi healthy na lumagpas ang hatinggabi na pareho kaming may kinikimkim.
Hindi ako manhid para hindi maramdaman ang pagkalabit sa akin ng mga katotohanan sa nangyari. Madami akong na-realize. Hindi ako natuwa ng malaman kong hindi pala alam ng iniirog n'ya na magki-kita kami sa araw pa mismo ng kaarawan ko. Hindi ako fan ng mga "Home Wrecker," ayaw na ayaw kong nanghi-himasok sa relasyon ng iba, kaya magandang regalo n'ya na din sa akin na umamin na lang s'ya agad.
Sa lahat ng text conversation namin, ito ang unang beses na nag-salita s'ya ng mga bagay na makakapag-palungkot sa'kin, pero 'eto na rin siguro ang magiging huli, dahil mula ngayon, hindi ko na s'ya muli pang guguluhin.
Paalam na muna sa mga masasayang palitan ng mensahe, hindi man madugtungan ng mga susunod pang kwentuhan, magiging kuntento na ko sa mga naiwan at hindi ko pa nabuburang mga "Old, Sweet & Happy Messages" mula sa kanya.
Hindi na ito basta lie low lang, ito na siguro ang opisyal na hudyat ng pagtatapos ng ugnayan naming dalawa.
Nakapag-desisyon na s'ya kung sino sa dalawang tao sa buhay n'ya ang kanyang pipiliin at masaya akong hindi n'ya niloko ang sarili sa hindi n'ya pag-pili sa'kin, malinaw na alam n'ya ang tama at mali. Dahil hindi kagaya ng phone na may DUAL SIM, alam n'yang hindi tama na dalawang tao ang sabay n'yang mamahalin.
Sa puntong ito, ako 'yung taong dine-activate n'ya at maluwag sa aking loob na iyon ay tanggapin, for that, I am grateful and happy. At least.
Nakakatuwa ngang isipin na mula doon sa payo na nakuha ko sa ka-trabaho, para bang sakto ang timing. Dahil sa sinabi ng officemate ko na "Baka maiwanan ako ng byahe kung wala pa 'kong dyo-dyowain," 'di ko naman akalaing pag-uwi ko ng bahay, may nang-iwan na pala sa'kin.
Kumpara doon sa dalawang Basketball team na naglaban sa NCAA, nalaman kong may nanalo na sa puso n'ya at iyon ay hindi ako.
Mukhang magiliw ko nang isasabuhay ang kanta ni Bruno Mars na "When I was your man." Putek bakit ba kasi na-compose pa 'tong kanta na 'to.
Kagaya ng kasabihang "People come, people go," isa pala ako sa mga tao sa buhay n'ya na sasalamin sa realidad, na minsan walang permanenteng nananatili sa buhay ng isang tao, kagaya ng inilarawan sa awitin ng Calla Lily na "Pansamantala."
Sa huli, pinag-tibay lang ng pangyayaring ito ang ilang mga naging karanasan ko sa buhay na, Oo, may darating sa ating uri ng Pag-Ibig na magpa-paliwanag ng mga hindi maipaliwanag at magpaparamdam sa'tin ng mga hiwaga, ngunit hindi pala lahat matatapos sa puro ganoon na lang, dahil gaya ng kanta ni Bamboo, meron pa ring mga uri ng Pag-Ibig na sa una lang masarap, mga uri ng Pag-Ibig na sa una lang "Masaya."
Minsan pala hindi sapat na basehan 'yung "Matagal" na kayong mag-kaibigan para sabihin mo sa sariling ito na ang taong iibigin ko ng “pang-matagalan,” dahil kahit gaano pa kahaba ang panahon ang pag-samahan ninyo pero kung hindi pa rin kayo siguradong may darating pa bang katapusan, "Temporary" pa rin ang tawag doon.
Tignan mo, within the span of 6 years of friendship, 3 years doon nagpapakiramdaman lang kami, then natapos lang sa 9 months nila ng sinisinta n'ya. See, that's how the world works, you don't always know who will be your last.
Sa nangyari, medyo madami akong natutunan at kung ano ang mga 'yon? iregalo mo na lang sa'kin na iyon ay aking sarilinin; at nakakatakot pala talaga 'pag may nag-text sa'yo na "I have something to tell you," proven ko nang hindi talaga s'ya maganda gawing biro.
Bakit ba ganito? Ang sagot sa bakit? kase ganito 'yon. Madalas, minsan lang natin sundin ang binubulong ng isip, kaya naman minsan, madalas tayong masawi dahil hindi tayo nakinig.
Haaaayysss!!! Pero ang sarap lang namnamin ng konsepto ng pag-uwi ano? kase pag-uwi mo, nandoon na 'yung pamilya mo, makikita mo na, tapos makakain mo na 'yung inihanda nilang pagkain na madalas tira-tira na lang para sa'yo at 'yung pang-huli, bago humimlay sa higaan, 'yung mahaplusan ng malamig na tubig ang napagod mong katawan, 'yung maligo ka para ma-preskuhang muli.
Speaking of "Ligo," ito na, maliligo na 'ko at magba-babad sa malamig na lagaslas ng tubig at muli, taimtim kong pagni-nilayan kung paano nga ba paiinitin ang puso mula sa panlalamig na pinaramdam sa'kin ng taong muntik ko nang subukang mahalin.
Tuloy lang ang buhay kahit walang Love sa Life. :)
Goodbye masalimuot na July. Salamat sa lahat.