Ba't ba ang hirap?
Ang hirap din pala kapag nagkaron ka ng output para i-share sa mga tao 'yung nararamdaman at pinagdadaanan mo through art. Simula nung nabuhay ulit ang Linaw, wala akong nagawa kundi harapin 'yung mga bagay na iniiwasan ko sa buhay ko dahil alam kong kailangan ko silang ayusin at 'yung mga gantong issues sa buhay ko ang nagiging dahilan kung bakit meron akong napproduce na designs na may meaning. Nitong mga nakaraan, 'yung concept ng pagl-let go talaga 'yung nananaig. Ilang beses ako dinala nang iba't ibang dahilan para harapin 'yung katotohanang may mga bagay na kailangan bitawan at tanggapin na walang permanente. Dahil sa mga oras na hinayaan ko 'yung sarili ko na wag umiwas sa pag-process ng mga nangyari sa buhay ko, natutunan ko na kaya naman pala talaga ako nahihirapan bumitaw sa mga bagay na kailangan bitawan ay dahil sa takot na hindi na maulit, hindi na makita o hindi na maexperience ulit 'yung ganap.
'Yung takot na 'to 'yung inaaral kong alisin sa sarili ko kasi wala naman talagang mga bagay na kawalan. Kung may mga bagay na nawala, dahil 'yon sa simpleng rason na hindi 'yon para sayo.
Minsan kasi, tayo na mismo 'yung namimili ng mga bagay na akala natin the best pero hindi natin kinoconsider na sablay din tayo magdesisyon minsan. Gusto ko lang naman gawin 'yung tama. Gusto ko lang mabuhay nang mapayapa. Wala naman akong ginagawang masama, pero alam kong may mga bagay na kailangan baguhin para maging smooth sailing na 'yung mga kasunod na mangyayari.
Para sakin, napaka importante talaga kasi na ayusin 'yung sarili above anything else. Mahirap tumulong na bumuo ng iba kung ikaw mismo kailangan ng tulong.
Alam mo 'yung masaya ka naman sa nangyayari, alam mo naman na okay lahat, pero there's this thing at the back of your mind that resurfaces every now and then. 'Yung bagay na 'yon ang binigyan kong pansin ngayon. Inaalam ko kung bakit matagal siya naimbak don sa likod ng kamuhian ko at bakit hindi siya naayos agad.
Lahat talaga tayo work in progress, walang perpekto. Pare-parehas na tao na nakakaramdam at nagiisip. Bilang isang tao, nahihirapan din ako at sinusubukan na ituwid 'yung mga dapat ituwid.
Madami naman akong natutunan. Itong experience na 'to, ito 'yung nagsasabi lalo na gawin ko 'yung tama para tuluyan nang magkaron ng kapayapaan sa isip.
Magkaiba kasi 'yung peaceful sa labas na walang issue at gulo, pero sa loob ng puso at isip mo merong bumabagabag. Iisa lang naman talaga ang tanong ko sa sarili ko e at ayun ay "Kailan?" Alam ko naman 'yung dapat gawin. Alam ko naman 'yung mga steps na need ko para makamit ko 'yung inaasam kong kapayapaan sadyang naguguluhan lang ako kung paano sisimulan magsimula ulit.
Ganun kasi talaga ang buhay e no? Laging in pairs 'yung mga bagay bagay. Kung gusto mo magsimula uli, kung gusto mo magkaron ng panibagong beginning, kailangan may tapusin ka muna. Para mapunta ka sa next chapter, dapat may isasara kang chapter. Gusto ko na kasi umusad nang mas malayo. Malayo na 'yung narating ko e. Andito na ako oh. Dati pinapangarap ko lang 'yung estado na kung nasaan ako ngayon at ayoko na ulit maging dahilan para mawala sakin kung anong meron ako ngayon.
Parte ng healing kasi talaga is 'yung closure na hinahanap ng past self at inner child natin e. 'Yung mga bagay na hindi natin nareceive at nakuha nung mga panahong kailangan na kailangan natin sila, di naman nawawala 'yon kahit ilang taon na makalipas, kaya minsan, kapag dumating 'yung hiniling nung dating ikaw sa kasalukuyan, nahihirapan tayo na bitawan at iwan 'yung dumating kasi inantay 'yon ng dating ikaw pero gusto ko lang ipaalala sayo at sa sarili ko na din na hindi dahil inantay mo 'yan noon e ayan parin ang para sayo ngayon.
Naniniwala naman ako na ang isip ng tao, dependent 'yan sa mga bagay kung saan naexpose ang isang tao at hindi nangangahulugan na kung ano 'yung nasa isip niya e ayun ang magdedefine kung sino 'yung tao na 'yon. Madaming mga bagay na pumapasok sa isip ko pero hindi ko kinikilusan basta basta 'yung mga 'yon kasi hindi ako 'yon e. Alam kong hindi na ako 'yon at gusto ko patunayan sa sarili ko na hindi na ako 'yon. Nagbabago talaga ang tao e, kailangan lang talaga ng mga taong marunong at handang umintindi. Kaya sobrang importante na laging pagmamahal ang nananaig sa bawat isa. Ang tao kasi, kapag narealize na niya na unlimited talaga ang enerhiya at pwedeng ibigay sa mundo ng isang tao, madali nalang talaga na mag-cling sa mga bagay at experience dahil hindi mo naman nakukuha 'yan dati e. Kaya mahirap talaga maging tao kasi 'yung mga bagay na masarap, madalas ayun pa 'yung nagpapasama. Ayan 'yung irony ng buhay e, nilagay tayo sa sitwasyon na pwede tayong magfocus sa sarap at pagiging chill pero ayun mismo ang challenge na wag malulong sa sarap.
Kung tutuusin, pwede naman kasi talaga na hindi nalang problemahin 'yung ganto. 'Yung tipong is-shift mo nalang 'yung focus mo sa ibang bagay na mas makabuluhan pero nagawa ko na kasi 'yon e. Hindi pala siya effective kasi dadating at dadating ka sa punto na hahabulin ka ng mga bagay na tinatakbuhan mo.
Alam kong hindi lang ako 'yung may gantong problema. 'Yung problema na prone sa pag-cling at sa pagiging hirap sa pag let go. Gets ko naman din kasi kung bakit lalo na kung matindi din pinagdaanan mo para makuha mo 'yung bagay na hindi mo mabitawan. Naiintindihan ko 'yon kasi ayun mismo ang dahilan kung bakit din ako nahihirapan. Para mabuild pala kasi 'yung future nang maayos, need na maging maayos lang sa present at para maging maayos sa present, kailangan magkaron ng peace with the past. I don't have a good relationship with my past in a sense na ginugusto ko na ako nalang nakakaalam nang mga nangyari sa buhay ko, na ako nalang nakakaalam ng mga natutunan ko at gusto ko magfocus ang tao sa kung ano ako ngayon. Wala naman mali dito kung tutuusin, kailangan lang tanggapin ng mga nasa paligid na ganto talaga ako kaso ako mismo, need ko din ayusin 'yung relasyon ko sa nakaraan ko kasi kung di dahil don, di din naman ako magiging ako. Malalaman ko din 'yung mga sagot sa mga katanungan ko at magagawa ko din 'yung mga dapat kong gawin sa tamang panahon. Gusto ko lang magpasalamat sa mga taong umiintindi sakin sa mga oras na mahirap akong intindihin.
Ginagawa ko 'to kasi gusto ko lalo makilala ang sarili ko. Sa pagkkwento sainyo ng mga nasa isip at nararamdaman ko, nakikita at mababasa ko din mismo kung paano ako magisip at maghandle ng mga ganap. Ang weird no? Ako 'yung writer ako din 'yung critic. Kung umabot ko dito, maraming salamat sa pakikinig. Sana mas nakilala mo ako nang mas malalim pagkatapos nito. Sa susunod na magtatagpo tayo, alam mong 'yung kaharap mo ay parang ikaw lang din na pwede mong makausap at pwede mong masabihan na hindi ka nagiisa. Looking forward ako na sana 'yung mga sunod na ilalabas na art e hindi na tungkol sa hardships at struggle. Samahan niyo ako umabot sa point na 'yon.










