Mga bagay na natutunan ko sa isang failed relationship
Hindi lahat ng gusto mo ay makukuha mo; Hindi rin lahat ng gusto niya ay gagawin mo.
Magtira para sa sarili. Huwag ibigay ang lahat. Kasi, kung sakaling hindi kayo ang para sa isa’t-isa at naibigay mo na ang lahat, masasaktan ka ng sobra.
Matutong tiwalaan ang iyong boyfriend o girlfriend. Huwag siyang limitahan sa mga gusto niyang gawin. Pero bilang isang taong nasa relasyon, alamin rin ang iyong mga limitasyon.
Huwag magsisinungaling. As much as possible, be honest sa isa’t isa. Hindi mo alam, tinatanong ka niya dahil alam na niya, pero nagsinungaling ka pa rin.
Huwag magsalita ng kahit na ano tungkol sa ex. Trust me, walang maidudulot na maganda iyon. Magsisimula lang kayo ng away.
Kapag nag-away kayo, pag-usapan ng mahinahon. Huwag magsigawan. Maaaring makagawa kayo ng mga desisyong pagsisihan niyo sa huli.
Kapag sinasaktan ka na physically, umalis ka na sa relasyon. Hindi tamang magpapasakit ka dahil lamang sa mahal mo siya. Mahalin mo rin ang sarili mo.
Huwag magselos sa mga kaibigan. Bago ka, andoon na sila. Hayaan mong bigyan rin niya ng oras ang mga kaibigan niya kasi pustahan tayo, halos lahat ng oras kayo na rin ang magkasama o magkausap.
Huwag hayaang mawala ang komunikasyon. Kumustahin mo siya kung anong nangyari sa araw niya o anupaman. Iparamdam mo sa kanya na mahal mo siya at you care for him/her.
Intindihin mo kung hindi ka niya mabigyan ng oras. Panandalian lang iyon. Huwag mo siyang sakalin na itext ka oras-oras, minu-minuto. Kapag busy siya, hayaan mo siyang gawin muna ang mga bagay na iyon. Pagkatapos noon, alam mong sa’yo rin naman siya babalik.
Huwag maging paasa. Kapag nangako ka, panindigan mo. Gayunpaman, huwag ka ring umasa ng sobra. Nakakamatay.
Hanggang hindi pa kayo sigurado sa mga nararamdaman ninyo, huwag munang papasok sa isang relasyon.
Sa simula ng isang relasyon, masaya talaga. Pero humanda na kapag dumating yung panahon na may mga problema. Huwag agad mawalan ng pag-asa. Ayusin ang dapat ayusin. Isave ang mga bagay na kaya pang isave.
Ang mga pangako, napapako. Huwag basta basta maniniwala sa mga katagang, “Di kita iiwan”, o “Tayo na forever”. Walang ganoon. Kapag umasa kasi sa mga pangako, masasaktan ka lang sa huli.
Hindi magiging sapat na mahal niyo lang ang isa’t-isa. Hindi lamang sa pagmamahal umiikot ang relasyon ninyo. Kailanman, hindi magiging sapat ang pagmamahal.












