Ang Kabataan ay Pag-asa ng Bayan
Nag-iwan ng maraming pangaral at ideolohiya, minsan ng sinabi ng ating bayani na si Gat Jose Rizal na, "Ang Kabataan ay ang Pag-asa ng bayan" pero sa kasalukuyang panahon masasabi mo pa rin kaya na ang kabataan ay pag-asa ng bayang ating sinilangan?
Sa pag usbong ng makabagong panahon kung saan ang kabataan o kung tawagin ang sarili ay "millenials", marami sa atin ang kinain na ng sistema. Sistema na kung saan tayo, ang mga kabataan, ay unti unting nawawalan ng idealismo. Na kung dati ay naghahangad na baguhin ang maling sistema, pero naghahangad lamang na baguhin ang sarili upang masabayan ang sistema. Nagiging mangmang sa lipunan, bes, sa mga isyu na dapat ay bigyan pansin at bagkus ay gumagalaw lamang tayo ayon sa uso.
Sa panahon ngayon, maraming kabataan ang inuubos lamang ang kanilang oras sa paggawa ng mga nonsense na bagay o ano pang kashitan sa buhay. Kung iisipin mo kung ano yung pinakamalaking nagdulot ng pagbabago sayo, malamang sa malamang ay sasabihin mo ay ang pag-usbong ng teknolohiya. Oo, napakalaki ng naitutulong sa 'tin ng teknolohiya pero dahil sa pagiging abusado natin sa paggamit nito, ito rin ay nagiging dahilan upang tayo ay umasa na lang sa kung ano ang kayang i-offer nito. Kumabaga, "abused the abuser". Ang saya diba? Kasi sa tulong ng technology napapabilis lahat ng gawain. Lalo na yung schoolworks. Copy mo ‘to, paste mo ‘to, wala nang edit, bes basta related push mo na. Talinong kuha sa teknolohiya, utak ay napagiwanan na. Kahit sa social networking sites, ang kalayaan sa pagpapahayag ay inaabuso ng mga kabataan, imbis na gamitin sa pagpapaunlad ng bayan, ang kalayaan na ito ay madalas nagagamit lang ng mga walang kwentang bashers sa paninira ng katauhan ng iba at ang idadahilan pa ay ginagamit lang daw nila ang kanilang "freedom of expression". Nakakalungkot.
Eto pa ang malupet, may mga kabataan na nabigyan ng pagkakataon upang makapag-aral. May maisusuot sa pagpasok at may perang nababaon. Pero, bes yung totoo akala mo papasok pero yung outfit papuntang galaan. Yung baon inipon para sa inuman. Well-played, bimb. Pumoporma para sa mga barkada, pumoporma para sa mga ka-"forever" daw nila na wagas kung ilantad at nauuwi sa kapusukan kaya lalong sumisikip ang bayan. Mula sa pagtambay sa kung saan, yung iba natututo ng mas nakakapangambang bisyo, paninigarilyo, pagsusugal, at ang pinakamalala ay ang paggamit o pagtulak ng ipinagbabawal na gamot na nagiging sanhi pa ng mas maraming krimen na nangyayari sa paligid. Ngayon masasabi mo pa rin ba na ang ang kabataan ay pag-asa ng bayan?
Ang sagot ko oo, ang kabataan pa rin ang pag-asa ng bayan. Kasi sa totoo lang hindi naman natin maiiwasan ang pagkakaroon ng wrong choices sa buhay. Minsan dala lang din ito ng kung ano ang ipinamulat sa atin ng lipunan. Minsan naman dala lang din ng kahirapan. Ang iba naman ay hinahanap pa ang sarili nila sa mga bagay na akala nila ay makakatulong sa kanila. Pero hindi naman hihinto lang dun ang buhay nila e. Ika nga, habang may bukas, may pag-asa. Tsaka hindi naman lahat ng kabataan ay ganito diba? Marami pa rin ang maaga pa lang ay nagbanat na ng buto upang itaguyod ang kanilang mga pamilya o sarili na madalas dahil sa kalagayan nila sa buhay ay may napagkakaitan sila para makapag-aral. ‘Yang irony ng lipunan, isang nakakatawa pero nakakalungkot na realidad. Ang gulo diba. Pero kahit ganun, ang mga kabataang ito ay gumagawa pa rin ng paraan para ipagpatuloy ang mga gusto nila sa buhay. Sila ang mga kabataan na nagiging inspirasyon ng marami dahil kahit ano pang pagsubok sa buhay ang kinakaharap nila ay natuto pa rin sila magbago at umahon.
Naniniwala pa rin ako na kabataan ang pag asa ng bayan dahil ang kabataan ang mas nakakakita at mas nakakaramdam ng epekto ng mga gawain ng mga nakakatanda. Mga gawain na minsan ay mali, na maaari natin ituwid para sa ating sariling kinabukasan. Mga pagkakamali na nagdulot ng maraming pagsubok na nalagpasan at naging inspirasyon ng ilan. Mga kabataan na nagtataglay ng lakas, talino at pangarap mula sa mga nabuong inspirasyon at tamang gabay ng lipunan.
words by Caitlin De Honor