May mga tao kang nakilala sa isang bahagi lang ng buhay mo. Sandali lang, pero sapat para may bakas sila sa isip mo. May tawanan, may kwento, konting tampuhan, konting pagkakaintindihan.
May mga nakausap ka sa Tumblr o sa dating site, kahit type niyo lang ang isa’t isa at hindi nagkapalagayan. Siguro hindi kayo nakatadhana sa isa’t isa. May mga nakilala ka dahil pareho kayo ng trip, hilig, o libangan, pero magkalayo ang mundo niyo. May mga nakilala ka dahil pinagbentahan mo siya ng gamit, o ikaw naman ang bumili. May mga naging katrabaho ka, pero nauna siyang nag-resign. May mga naging klasmeyt ka sa isang subject, at pagkatapos niyo lang magtapos, nawala rin siya sa kwento mo.
May mga nakilala mo sa isang event o meetup, exhibit, concert, community gathering, pero hindi kayo naging close. May mga nakilala mo sa online forum o group chat tungkol sa hilig niyo, pero lumipas ang panahon at nag-iba ang priorities. May mga nakilala mo dahil kaibigan niya ang kaibigan mo, o kaibigan niya ng kaibigan mo, small talk lang pero may kwento. May mga nakilala mo sa short project o collaboration, pero pagkatapos ng deadline, nawala rin. May mga nakilala mo sa klase o seminar, sandali lang pero may alaala. May mga nakilala mo sa mga lugar na madalas mong puntahan, cafe, bookstore, library, ngunit hindi nagtagal ang interaction. May mga nakilala mo sa fandom o hilig na pareho niyo, pero hindi na naipagpatuloy ang conversation. May mga nakilala mo sa travel o trip, train, bus, plane, sandali lang pero may kwento kayong napag-usapan. May mga nakilala mo sa social media sa pamamagitan ng mutual friend, pero hindi niyo na na-develop ang connection.
Ngayon, iniisip mo minsan: kamusta na kaya sila? Siguro may ilan na abala sa trabaho o sa school, pero naiisip pa rin ang mga kwento niyo na dati. Siguro may natututo ng bagong bagay, naglalakbay sa lugar na pinangarap, o tahimik lang sa mundo na may sariling paraan ng pag-alala sa nakaraan. May ilan na nakahanap ng bagong gawi, bagong libangan, bagong mundo na hindi mo na bahagi. At may ilan rin na natuto sa mga sandaling iyon, mga kwento, tampuhan, at tawanan, at dala niya iyon sa mga desisyon niya ngayon.
Lahat ng sandaling iyon, parang dumarating lang at dumadaan. May pakiramdam, may kwento, pero nagiging memorya na lang.
Kaya kung umabot ka sa bahaging ito dahil hindi ka tinamad basahin ang gawa ko, puwede mo akong kamustahin. Malay mo, baka nag-usap na tayo dati. Siguro isa sa atin ang hindi nag-reply kaya naputol ang ugnayan. Pero wag ka mag-alala, kapag nag-mensahe ka ng "Kamusta?", hindi kita sasagutin ng "Ayos lang, ikaw ba?" kundi ikukwento ko pa kung kamusta na ako talaga.
At sa huli, kahit na hindi pa huli ang lahat:
Ang mga taong dumaan sa buhay mo, kahit sandali lang, ay nag-iwan ng bakas. Hindi dahil sa haba ng oras na kasama sila, kundi dahil sa tatag ng alaala na naiwan sayo. Mga alaala nila na naging alaala mo narin.
--///--
May kwento ako.
Basta sagot mo ang kape ko.
Click mo lang yung link.
☕ coff.ee/kwentoniblack
Nakabibingi ang katahimikan ng gabi. Naririnig ko nanaman ang pintig ng aking pulso, naririnig ko nanaman ang pangalan mo na isinisigaw ng aking puso. Matagal tagal na rin magmula noong banggitin ko ang pangalan mo, banggitin ang pangalan ng taong muling nagpatibok ng aking puso. Matagal tagal na rin noong marinig ko ang iyong mahalimuyak na tinig; ang pinaka paborito kong himig sa buong daigdig. Matagal tagal na rin noong makakita ako ng obra mestra. Matagal tagal na rin noong maramdaman ko ang presensya mo sa aking tabi. Ngunit heto ako ngayon, binabangungot sa mga memoryang iniwan mo.
Naaalala mo pa ba kung paano tayo nagkakilala? Siguro hindi na pero ako, tandang tanda ko pa ang lahat. Noong nawawala ka sa araw na yun, hindi alam kung saan tutungo kaya nilapitan mo kami—hindi, nilapitan mo ang mga kaibigan ko. Hindi ako mapakali habang kausap mo sila, sakanila ka lang naman interesado noong araw na yun kaya hinayaan ko nalang makinig sa mga pag-uusap ninyo. Hindi mo rin naman siguro ako napansin dahil ang liit ko at ang tangkad mo o baka wala ka lang paki sa akin.
May mga panahong ako ang kinukulit mo sa mga school stuffs kahit na hindi naman tayo ganoong kalapit sa isa’t isa. Ang dami mong tanong at hindi ko namamalayan pati istorya ko gusto mo ng malaman. Naging magkaibigan tayo noong panahong yun. Nagkaroon tuloy ako ng tsansang makilala ka, kahit ayaw ng sarili kong kilalanin ka. Nakakainis ang mga ngiti mong nangaakit, tawang tawa ka noong napili ako (dahil aksidente kong natamo ang mga nanlilisik na mata nang ating guro) para gampanin ang isang karakter sa play na gagawin ng ating kapinsanan para sa gaganaping okasyon sa eskwelahan. Nakakainis, bakit ako? Nanginginig ako habang patungo sa kabilang silid at mas kinabahan ako na sa pagpasok ko, wala akong kilala ni isa sakanila. Umupo ako sa harap ng mag-isa habang ang lahat ay nagtatawanan at nagkekwentuhan. Nanalangin ako noon na sana kasali ka. Pinatong ko ang aking ulo sa pagitan ng aking mga binti para umidlip saglit. Pagkaraan ng ilang minuto, may kumalbit sa akin at sa pagtingala ko nakita ko ang mukha ng taong inaasam asam kong makita. Napangiti ako dahil hindi na ako mag-isa.
Mamula mula at nag-iinit na pisngi sa tuwing idinidikit mo ang iyong labi. Nanakaw ng halik sa tuwing nawawala sa sarili kong imahinasyon. Dahan dahang magdidikit ang mga palad, hahawakan ang kamay sa tuwing kailangan ko ng karamay. Naaalala ko pa, naaalala ko pa ang mga sandaling tayo ay masaya. Naaalala ko pa ang biglang pagtunog ng aking telepono at sinabing ako ay hinihintay mo sa aming kanto. Tinanong kita kung ano ang ginagawa mo diyan, sinabi mong samahan kita para kunin ang isang bagay. Sumama ako, bahala na kung saan tayo tutungo basta magkasama tayo. Sumakay tayo sa napaka ingay sa traysikel, idagdag mo pa ang kaingayan ng mga sasakyang naguunahan sa kalsada. Pero isang ingay lang ang naririnig ko noong magkatabi tayo sa loob, ang ingay ng puso ko. Namangha ako sa angking karisma mo para mahimok si manong na tawaran ang pamasahe natin. Namangha ako dahil hindi lang si manong ang nahimok mo, pati na rin ako.
Gabi iyon nang magaya kang mag McDo kasama ang iba nating mga kaibigan dahil kaarawan mo nun. Masaya tayong kumakain, nagkekwentuhan hanggang sa hindi natin namalayan na dumidilim na pala ang kaulapan. Umuwi tayo kasabay ang iba, nasa loob ako ng traysikel habang ika'y nasa likod ni manong. Huminto ang traysikel sa kanto namin kung saan mo ako hinintay noong nakaraan. Isa isa akong nagpaalam sa ating mga kasama bago ako bumababa. Ngumiti ako sa'yo at sinabing “Paalam. Salamat!” at saka ako naglakad palayo sainyo. Ngunit hindi pa pala nagtatapos doon ang gabing iyon, tinawag mo ako sa hindi ko alam na dahilan. Ngumiti ka at binitawan ang mga salitang nagpabago sa ihip ng hangin. Ramdam ko ang mga paru-paro sa tiyan ko na gustong kumawala. Naririnig ko nanaman, naririnig ko nanaman ang pintig ng puso ko. Ang lakas, sobrang lakas. Bakit ganito? Alam kong biro lang iyon sa'yo kaya hinayaan ko na lang hanggang ako’y makahiga sa aking higaan. “Mahal din kita” pabulong kong saad at pinikit ang aking mga mata.
Naaalala ko rin nang dahil sa simpleng panulat, nagkaroon tayo ng konting alitan. Hindi ko maintindihan pero pagdating sa’yo, lahat ay napakalaking bagay. Nagmamadali akong nagsusulat ng ating panayam habang mabilis na nagtuturo ang ating guro. Sa sobrang bilis ng pagsasalita niya, wala na akong naintindihan kaya napagdesisyon kong makopya ang kanyang powerpoint. Tarangtang taranta ako habang ikaw ay natatarantang nanghihiram ng panulat nang bigla mo na lang hablutin sa aking palad ang sa akin. Sabi mo sandali lang, kaya hinayaan kita. Nainis ako, sobra. Nang napagdesisudahan mong ibalik, hindi kita pinansin. Alam mong naiinis ako noon, kaya humingi ka ng paumanhin. Okay na kako ngunit hindi ka tumigil at nagulantang ako nang lumuhod ka sa harapan ko. Napansin kong ang mga taong busy sa pakikinig, sabay sabay na napalingon sa atin. Unang beses mong ginawa iyon. Maliit man na bagay, ewan ko, napaka espesyal ng araw na iyon lalo na nung ako ang napiling mong maging katabi sa ating fieldtrip.
11.10. / Ang daming nangyari sa araw na yan. Tandang tanda ko pa ang araw na parang ako at ikaw lamang ang nakatira sa mundong ito. Ayan, magkatabi tayo tulad ng hiniling mo. Ngunit bago lumubog ang araw, nagalit ka sa hindi ko malamang dahilan. Nagtago ang isang tulad mo sa kurtina ng bus, gusto kong tumawa dahil para kang bata. Pilit man kitang kumbinsihin na magkaayos tayo pero ang tibay ng puso mo. Hinawakan ko ang iyong kamay at hindi ka naman pumiglas. Iyon na siguro ang pinakapaborito kong hinawakan noong araw na iyon kaya hinawakan ko yun hanggang sa makarating tayo sa ating huling destinasyon. Magkatabi nanaman tayo sa loob ng teatro kung saan sobrang raming tao. Tinanggal mo ang nakaharang sa pagitan natin upang makahiga sa kandungan ko at natulog kasi ang boring ng play. Tinitigan ko lang ang isang obra maestra na tulad mo. Bakit napunta ang isang tulad mo sa akin? Ah, hindi, hindi ka nga pala sa akin.
Natulog ang lahat sa biyahe habang ako'y naghahanap ng komportableng pwesto kung paano ako makakatulog. Pinatong ko nalang ang ulo ko sa aking binti ang pinilit na matulog ng mahimbing. Masaya ang araw na iyon hindi lang dahil nakawala tayo sa ating bilangguan kundi dahil kasama kitang tumakas at nagdiwang; hindi inisip ang sasabihin ng iba basta tayo ay masaya. Tila ba parang nagpasiklab ng iba’t ibat kulay ang mundo sa kaulapan. Malapit na akong mawala sa aking pagtulog nang maramdaman kong pumalupot ang kamay mo sa katawan ko at pinatong ang ulo sa likuran ko. Sa kabila ng katahimikan, ang puso ko'y nag-iingay nanaman. Sana ganito na lang tayo lagi. Ikaw at ako, kaso walang tayo.
Naaalala ko pa noong dumalo tayo sa kaarawan ng isa sa ating mga kaibigan. Para kang nasa ulap na mismong ako'y iyong nalimutan. Hinayaan kitang maging masaya dahil doon din naman ako masaya. Pero bakit hindi mo ako isama sa iyong kasiyahan? Bakit hinayaan mo akong titigan kang maging masaya? Bakit mo ako hinayaang umupo sa sulok; nagseselos sa inyong dalawa? Gusto kong umuwi, gusto kong takasan ang aking nararamdaman at sabihing wala lang ito. Nagseselos siguro ako, oo. Nagseselos ako sa mga maliliit na bagay na hindi naman karapat dapat. Sino nga ba ako? Nang magkasalubong ang ating mga mata, tinanong mo kung ako'y ayos lang. Nagusap tayo, binuksan ko ang telepono ko at binuksan ang memo— kung saan tayo madalas mag-usap sa publiko. Sa sobrang bigat ng aking nadarama, nasabi ko lahat ng aking nararamdaman tungkol sayo (hindi yung iniisip niyo). Kung gaano ako kasaya tuwing nandiyan ka, kung gaano ako kalungkot tuwing wala ka.
Tinanong mo rin ako kung aalis ako ng probinsya, pabiro kong sinabi ang oo. Pero nung ikaw ang tinanong ko, oo rin ang sagot mo pero parang walang halong biro ang oo mo. Kinabahan ako, nalungkot, natakot. Hindi ko alam kung anong nangyari sa sumunod na taon, hindi mo ako kinibo. Unti unti kang dumidistansya sa akin. Hindi ko alam kung bakit. May nagawa ba ako? Hinayaan kita baka bukas o kumakailan, pansinin mo ulit ako pero hindi, natapos ang taon ng hindi tayo nagkikibuan. Nakita kita sa huling araw ng pasukan, nakasalubong ko ang iyong mga mata na parang may gustong sabihin. Hinintay kita baka may nais kang iparating pero wala, hinayaan mo akong maglakad palayo hanggang sa hindi na tayo nagkita. Noong araw na iyon napagtanto ko na tapos na ang ating pagkakaibigan. Wala nang “ikaw” sa aking buhay. Napagtanto ko na malilimutan mo ang lahat ng mga bagay na pinagsamahan natin, malilimutan mo rin ako. Sa sumunod na taon, ayos naman, naghintay pa rin doon sa munting paraisong ika’y lumisan.
Organic encounter pa ba ito? yung totoo? para bang nananadya na yung pagkakataon eh. Sa dinami-dami ng kakilala ko sa mundo bakit sa loob ng isang linggo di pwede di nag ku-krus yung landas natin?
Pwede naman yung kaibigan ko, kakilala o kahit yung kaaway nalang eh, pero bakit ikaw diba? nakakapag taka talaga eh.
Di ko sinasadya pero madalas nakikita kita. May ibig sabihin ba? Matagal naman na natapos ung kwento bakit kelangan mag krus madalas ung landas.
Minsan, o di nga minsan eh, madalas napapanaginipan pa. Di ko mawari anong ibig sabihin. Sa tinagal - tagal na ng panahon bakit ngayon? bakit kung kelan may kanya-kanya ng buhay bakit nakakaranas ako ng ganito?
Di naman yata tama na madalas kitang nakikita sa di inaasahang oras at panahon.