Para sa mga umiibig nasasaktan pero umiibig pa rin kasi… tanga.
Sampung bagay na natutuna ko sa mga umiibig. Una, napakatamis ng mga simula, ng mga umaga na ang bumubungad sayo ay ang kanyang mukha. Nag aalmusal ka ng kilig at pag dating sa gabi ay baon mo sya hanggang sa pag-himbing. Dito, dito mo matututunan ang tunay na kapangyarihan ng isang ngiti, ng ibang kamay na humahawi sayong buhok, ng mga matang sumisisid sayong kaluluwa. Pangalawa, napakadaling maging kampante at masanay sa pagmamahal, ang malunod sa kapangyarihan ng ‘kami’, ng ‘tayo’, ng ‘atin’, pero paano naman ang kanya? Paano naman ang ako? Napakadaling malunod sa akalang, ang iyo ay mananatiling iyo. Pangatlo, mapapagod ka. Pero pang-apat, ang tunay na pag-ibig hindi dapat sinusukuan diba? Pero pang-lima, ang tunay na pag ibig ay hindi parating sapat, kapag ang mga pakpak na binigay sayo nito ay bumigat at naging kadenang ni ayaw kang patayuin. Kapag ang langit na ang dating nilipad mo ay naging kulungan na nasa iyo naman ang susi at kandado pero ayaw mo pa ring lisanin. Pang-anim, ang pinaka mabagsik mang apoy ay mamamatay, maghanda ka sa sakit. Pero wag kang mag aalaga ng galit. Ito ang pang-pito, iiwanan kang puno ng sugat, pilat, at paltos nito, iiwanan ka nitong abo. Pang-walo, maghanda ka sa wakas. Pang-syam, alam ko parang hindi ka pa talagang handa sa wakas, wala naman kasi yatang nagiging handa sa wakas. Pero pang-sampu, nandyan ang wakas at sa wakas, mahalin mo pa siya, sa tingin, sa tanaw, mula sa abo na iniwan ng dati ninyong apoy, mahalin mo pa siya. Pero kapag ang pakpak ng dating pag ibig ay naging gapos na, kapag ang langit na minsan mong nilipad ay naging kulungan na, mahalin mo siya sa huling pagkakataon. Pagkatapos bitaw na.