Sige, hinga muna ‘ko. Hindi ko alam na sobrang bumibilis ang pagpatak ng bawat minuto kasabay ng pagtanda ko sa mundong ‘to. Hindi naman ako nasabihan na, habang nagkaka-edad ka, magkakaroon ka ng pagkarami-raming bagay na makikita’t malalaman, hanggang sa makita mo nalang ang sarili mo na sumasabay ka na sa agos ng mga tao. Makikita mo na ang sarili mong nananalamin para kausapin ukol sa mga pangarap mo noong bata ka na napatunayan mong walang kasiguraduhang magkakatototoo pa ba, o madalas nga impossible talaga. Kaya ang gagawin mo, tititigan mo nalang ang sarili mong mga mata, hanggang sa sabihin mo na “Okay lang yan” dahil alam mong may mga bagay na mas importanteng ipatupad para sa ikauunlad ng buhay at mga tao sa paligid mo. Yung mga responsibilidad.
Bente-uno (21) na nga pala ‘ko. Yung mga kalokohan kong “Mighty esquire, knight and shinning armor” na yun dati. Haynako, ewan ko ba. Nakokornihan na ko. Drama much? Pero siguro nga napaglipasan na ko ng oras. Siguro nga, yung dating si Matt na pilit na lumalangoy kasalubong ng agos ng ilog ay, sawakas, nakisabay na rin. Hindi ko namalayan. Sa totoo lang. Hindi ko talaga ginusto, pero sabi ko nga… tumatanda na ko. Pero ang lakas ko pa rin magpa-ilaw ng pa-bohemian effect dito sa kwarto ko.
Minsan nga, hindi ko na alam kung kakilala ko pa ba ang sarili ko eh. Kaya binabalik-balikan ko dito sa account ko yung mga dati kong post tungkol sakin. Dahil nilamon na ko ng mga responsibilidad at ng oras, nawala ako sa ‘king landas. Mas Lalo pa nung nagsimula ako maginternship sa hospital. Marahil nawalan na ko ng oras sa ‘king sarili.
Pero siguro nga, talagang umaabot tayo sa ganitong parte ng buhay na maguguluhan ka kung ano ba talaga ang dapat mong gawin. Saan ka ba magsisimula, at pano ka ba makakarating sa gusto mong matunton? Ang tanga lang, e no? Pero ganito talaga. Ako pa rin naman si Matt, na baliw-baliwan at malikot. Kaso naubusan lang talaga ako ng oras para sa sarili ko. At siguro dumating talaga ang oras na napagod na ‘ko. Pero huwag magalala, matibay ang mismong ako. Kumbaga sa kotse, nandirito pa rin ang bumubuhay saking makina, napalitan lang ang itsura at bahay – at siguro iba nalang din ang ginagawang marka sa bawat pagyapak ko.
Nangungulila na ko sa nakaraan ko, pero tanggap ko naman ang mga pagbabago. Hindi ko tinatanggal sa sistema ko ang mga pangako ko sa sarili. Hindi ko rin tinatapon ang mga pinlano ko sa buhay, tinatabi ko nalang muna. Iba kasi talaga kapag pinagsasabay-sabay. One at a time, sabi nga nila.
O siya, hinga pa ulit. Hawak ko parin ang puso’t isipan ko. Sadyang ang dating inosenteng ako, natututo’t dumidiskarte na rin.