Kung may nagsabi lang sa akin nung 2017 na masakit at mahabang proseso ang pagmamahal sa sarili, hindi sana muna ako sumugal sa mga sumunod na taon. Kung hindi ako sumugal, hindi sana ako nasasaktan. At kung hindi ako nasasaktan ngayon, malamang sa malamang, hindi ko rin kinukwestyon ang sarili kong halaga.
“Kumusta ka?”, tanong ko sa taong nasa harap ng salamin. “Ayun, ganon pa rin. Tanga sa pag-ibig, malas madalas sa lahat ng bagay,” sabay buntong hininga nang sumagot siya sa akin.
Bakit nga ba ako nasa ganitong posisyon, na naman? May mali na naman ba akong nagawa? Malamang baka may pagkukulang na naman ako. O baka napadpad na naman ang puso ko sa mga lugar na kahit kailan hindi ako magkakaroon ng pwesto. Baka napamahal na naman ako sa maling tao.
Tama nga siguro. Napamahal na naman ako sa maling tao. Pinagpilitan ko yung sarili ko kahit umpisa pa lang alam ko nang walang magandang patutunguhan itong landas na pinili ko. Ang galing ko, hindi ba? Kung may eksperto sa larangan ng pagiging tanga, malamang, sa top one, top contender ako.
Marami akong natutunan nung napagdesisyunan ko na tumigil. Una, sinasaktan ko lang talaga ang sarili ko. Pangalawa, dapat pala matagal ko nang ginawa ito -- ang bumitaw. Hindi dahil sa napagod ako o ano. Napagtanto ko na lang na kapag wala ng pagbabago -- kahit na ilang beses ka nang sumubok, nagparaya at umintindi -- oras na siguro para mahalin mo naman ang iyong sarili. Pangatlo, walang sinuman ang deserving sa pag-ibig na hindi buo. Pang-apat, hindi mo dapat sinusukat ang iyong halaga sa kung paano ka pinahalagahan ng iba. Pang-lima, walang bagay na natatapos nang maganda kung sa una pa lang hindi na naging maganda kung paano ito nag-umpisa.
Kung bibigyan ako ng pagkakataon na bumalik sa nakaraan para turuan ang sarili ko ng isang leksyon, ito ang ituturo ko: Masakit at mahabang proseso ang pagtuturo ng pagmamahal sa sarili. Ilang beses kang mangangapa at mapapatid. May mga pagkakataon ding mahihirapan ka at malilito. Pero sa kabila ng lahat ng pagkabigo na haharapin mo sa mundo, tandaan mong tao ka lang din, nadadapa, natututo.
At ang natutunan ko ay ito: wala mang nangsabi sa akin nung 2017 na masakit at mahabang proseso ang pagmamahal sa sarili, hindi ko dapat pagsisisihan ang ginawa ko. Hindi na bale kung nasugatan na naman ako ulit. Ang mahalaga, natuto na ako.
———————————
eXcerpts of the MiND // May aral sa pagiging hangal