Dalawang Taon.
Dalawang taon, parang kailan lang, ambilis ng panahon. Naalala ko yung unang buwan ko dito sa Korea, walang araw na hindi ako umiiyak, halos araw-araw sinasabi ko sa sarili ko na “ayaw ko na, hindi ko na kaya, gusto ko ng umuwi ng pinas, suko na ako”. Hindi ko namalayan na dalawang taon na pala ang lumipas.
Sa dalawang taon na pananatili ko dito ng mag-isa, marami akong natutunan, marami akong napagtanto sa buhay ko. Narealized ko kung gaano ka importante ang pamilya at natutunan kong buhayin ang sarili ko sa mga panahong pakiramdam ko malalagutan na ako ng hininga dahil sa sobrang pagod sa trabaho, lungkot at pag-iisa.
Ngayon masasabi kong kahit papaano eh nakapag adjust na ako sa buhay na meron ako dito sa Korea, hindi na rin ako madalas umiyak dahil sa nalulungkot ako. Oo andun parin minsan yung makakaramdam ako ng lungkot sa tuwing nag-iisa ako, yung naiisip ko ang pamilya ko, yung mga kaibigan ko, pero kailangan ko paring magpakatatag.
Sa dalawang taon ko dito, masasabi kong hinubog ako ng lungkot at pag-iisa upang maging MATATAG NA TAO. Masarap lang sa pakiramdam yung magbalik tanaw sa mga panahong sukong-suko ka na tas kung titignan mo ang sitwasyon mo ngayon eh malayong-malayo na sa dating ikaw na mahina ang loob.
Dalawang taon at marami pang buwan ang bubunuin at lalakbayin ko dito sa Korea. Sa kabila ng lahat ng ito, gusto kong magpasalamat sa Diyos dahil hindi niya ako pinabayaan nung mga panahong wala na talaga akong matatakbuhan.













