Huling Uyayi, para sa mahimbing mong pagtulog
(maaari ding Paco the Friendly Ghost AU)
PacoJules / Paco x Reader
hatid ni @dettsu, @bangskeletariat, at @stilestatofry
Synopsis:
Isang kaluluwang ligaw, isang pusong nangungulila, at isang layunin na kailangang tuparin. Para sa Koronel, ang payapa at hinahon ay makakamtan lamang sa mga salitang hindi nabigkas sa mga huling sandali. At isang himig ang papatnubay sa kanyang paglakbay tungo sa paghimbing.
“Naririnig mo ba ako, Juliana ko?”
Kabanata 1: Huling Tungkulin
Anong taon na nga ba ulit?
Dalawang libo. Labing lima?
Hmm, kung iisipin… Mula noong taong isang libo, walong daan, siyam na pu’t siyam… Mahigit isang daan at labing anim na taon nang nakalilipas mula noong… araw na iyon sa harap ng kumbento.
Ganoon na pala katagal.
Ngunit bumabalik pa rin ako dito na tila hindi ko maiwanan ang lugar na ito.
Hay. Patawad, Heneral. Pagpalain kayo. Kung tutuusin, malamang nasa langit na kayo at naiwan na ako sa lupa upang tapusin ang aking nalalabing mga tungkulin.
Sa tinagal ko dito bilang… multo… Multo nga ba? Ngunit hindi ako nakikita ng mga tao sa paligid. Minsan lang, at natutuwa ata sa uniporme ko. Akala siguro kasapi ako ng mga naka-destinong mga kawal dito.
Heto… ang layo na ng nilakbay ko ngunit sa Cabanatuan pa rin ako nauwi. Kahit napadpad na ako ng Cagayan ay hindi ko pa rin nahanap si Juliana ko. Ang unang pagbalik ko sa Alcala ay inabot ng ilang buwan dahil naligaw-ligaw ako at kung sinu-sino pa ang sinundan ko. Ngunit pagdating ko sa aming munting tahanan sa labas ng hacienda ay wala na sila. Ni anino ng aking pamilya ay wala na akong naabutan. Maraming mga bagay pa ang naiwan. Mangilan-ngilang damit at sapatos. Ngunit ang paboritong tampipi ni Juliana ay wala na sa aming taguan. Dinala na rin siguro niya ang baril na iniwan ko sa kanya na nakatago sa aparador namin. Sabi ko proteksyunan niya ang kanyang sarili at ang mga bata. Dinasal ko na lang sa Panginoong Dios na ligtas sila. Lalo na ang nanang niya, mahina na ang mga tuhod niya. Sana ay hindi sila napasabak sa takbuhan, ikamamatay ko kung may mangyari sa kanilang masama nang wala akong nagagawa!
Ay. Oo nga pala.
Alas tres na rin, oras na ng paghanda ng misa at pagtanggap ng mga turista.
Tumunog na ang kampana. Naalimpungatan si Paco mula sa pagtitig sa pagdagsa ng mga tao sa simbahan mula sa tuktok ng casa parroquial. Naisipan niyang pagmasdan ng malapitan ang mga bagong dayo nang malapitan kaya’t pumanaog. Kahit na nakakalutang-lutang siya ay nakasanayan niya pa ring gumamit ng hagdan. Hindi niya gusto ang ingay, ngunit ano pa nga bang magagawa niya? Mas mainam na rin na makasalamuha (kahit sa panig lamang niya) ang mga tao sa paligid.
Pinakikinggan niya ang mga madalas pag-usapan ng karaniwang mamamayan sa modernong Pilipinas. Madalas ay wala siya gaanong maintindihan, kahit matagal na rin siyang palibut-libot sa lupa. May mga salita kasing bago na kung saan-saan nilalapat sa mga pangungusap. At may mga salita namang natatandaan niya ngunit nag-iiba ang gamit at ibig-sabihin sa paglipas ng panahon. Paminsan-minsan ay may halong Ingles ang kanilang Tagalog. Paminsan-minsan ay mas nakakalito yung kakaibang paghalo ng lenggwahe. Ito ba yung sinasabi nilang creole? Ngunit tawag ng ibang kanataan naman ay “conyo” daw… ngunit parang hindi iyon ang alam kong ibig sabihin ng salitang iyon.
Isang binibini ang tila nakakuha sa kanyang pansin sa lipon ng mga tao. Habang padagsa ang lahat papunta sa simbahan, siya ay tila may tinitignan sa kanyang palad na parang may binabasa. Pataas-baba ang mga balikat ng binibini, na tila ba’y kinikilig sa kanyang hawak.
Naintriga ang sundalo kaya’t ang dalaga ay sinundan niya.
Patawa-tawa ang dalaga habang naglalakad sa tabing kalsada. Ilang ulit siyang muntikan nang mabangga sa kung anu-anong mga bagay dahil hindi niya tinitignan ang kanyang dinadaanan.
Tila may nakukutuban ako sa kanya… Ngunit hindi ko mawari… Siguro hindi naman niya ako makikita kung lalapitan ko siya?
Marahang nilapitan ni Paco ang binibini. Parang ngayon ko lamang siya nakitang dumayo dito. Ang buhok ay mahaba, hanggang likod bandang kili-kili, at nakatali sa isang gilid. Bulaklakin ang panali. Gumamela? Hibiscus. Ang ngiti sa kanyang mga labi ay pamilyar at ang tawa niya ay parang melodiyang naulinigan na ng sundalo mula sa ibang panahon.
Ang haba ng mga pilikmata, wala namang palamuti. At may nakakabit sa kanyang tainga? Eto ba yung “earphones” na tinatawag? May narinig akong nanay na sinusuway ang kanyang anak dahil lagi itong suot kahit sa loob ng simbahan. Ano ba itong binabasa niya?
Napatigil ang dalaga sa paglakad na wari baga’y may nararamdaman siyang mga matang kumikilatis sa kanya. Napatigil rin si Paco. Ba’t siya tumigil maglakad?
“Hmm? Wala namang tao sa paligid—”
Sa harap niya ay isang matipunong ginoo na nakasuot ng unipormeng rayadillo.
“Ah!!”
Napasigaw ang dalaga sa nakita. Muntikan na rin niyang malaglag ang teleponong hawak. At saan naman biglaang susulpot ang isang nakadamit militar sa gitna ng bukirin? Ngunit sa muling pagtayo pagkasalo ng telepono ay wala na ang naaninagang mukha.
“What the he— sa’n naman yun nanggaling?! Namalikmata lang siguro ako… in fair, may itsura ah.”
Patuloy na naglakad ang dalaga sa tabing kalsada. Pinasalamatan niya ang Diyos sa kung sino mang nag-imbento ng earphones at hindi natuluyan ang kanyang telepono kanina. Pinagmasdan na lamang siya ni Paco mula sa likod ng poste ng kuryenteng pinagtaguan niya sa gulat.