SONATA NG BUGTONG NA ILAW
Patawarin mo kaya ako?
Kung malaman mong ilang beses kong naipagsawalang bahala ang lahat ng 'yong mga hinagpis? Maraming ligpitin sa buhay at araw-araw ay kailangan kong mag-imis. Patawarin mo kaya ako na di agad nadinig lahat mong mga tawag; sa di inunawang mga pangungusap? Nanghihina lang sa bigat. Nag-iisip lang kung sa bukas ay may sasapat.
Patawarin mo kaya ako?
Sa mga gabing hindi kita dagliang nayakap. Sa pagpungas ng mga mata mong di ko pinansin agad. Sa mga luhang di nasagot at hinayaang lumabak sa'yong palad. Mga paborito mong tugtog na hindi kita nasabayang umindak, dahil pagod; dahil gumuguho; dahil ang ilaw ay aandap-andap.
Patawarin mo kaya ako?
Sa mga impit kong pagkasira. Kahit pa karapatan mong malamang ako'y nanghihina. Masyadong malupit ang mga pasâ at hindi ko nais na sa'yo sila ay ipamana. Kaya't kung patatawarin ay sa paghimbing mo na lang ako gigibâ. Hindi naman sa makasarili; ikaw lang ang aking inaalala. Naglihim man hanggang sa huli, tandaan mong ikaw palagi ang inuuna. Kaya't sa mga bagyo kong ni tunog ng patak ay di kita ginambala,
Patawarin mo sana.
Sa mga sakit na naidulot sa akin ng kahapon. Na ayaw kong malaman mo't baka di pa maka-ahon. Sa guhit ng aking mga palad, na tila ba sa likod mo—mula pa sa sinapupunan—ay malaon nang nakatarak. Matatalim na mga gabing ikaw ang nakatakdang pumalahaw sa sakit dahil sa aking nagdaang pagkawasak.
Patawarin mo sana sa mga lundag na ni di kita tinanaw. Sa mga gabing dalamhati ang tinuring kong kakampi—imbis na ikaw. Mga kasawiang pinrisinta kong sapuhing mag-isa dahil sa laya't gaân ng dalá ay nasilaw.
Patawad.
Sa kasamaan ng mundo sa akin na parang di pa sagad. Patawad. Sa mga sugat na hindi ko naman talaga hinangad; o sa mga umaga mong pag-asa sana ang gawad, ngunit hindi. Muli, patawad. Dahil di na nangangarap, ng buong tahanan; ni masayang salo-salo sa hapag. Anak, kung magutom sa sagot at mauhaw man sa pagkalinga'y paumanhin mo ang aking hangad.
Patawad.
Muli, sa mga yapos na baka hanapin sa susunod at hindi ko maibigay; o sa mga gabing hindi kasing higpit ng isang ama ang yakap na naibibigay ng nanay.
Patawad.
Kung araw-araw ka man saking nawawalay—dahil kailangang magligpit. Kailangang bukas ay mayroon tayong magamit. Mag-isa lang kasing nagpipilit. Kung makasasagot ka nang matuwid, patawarin mo kaya ako sa buhay na sa akin ay 'yong nakamit?














