NAGMAMAHAL,
Anak, kung magkaron ka man ng malay patungkol sa hirap ng iyong ina, ang una mo sanang gawin ay pumalahaw ng iyak para sa akin. Kung magigising ka at makikita mong pinagpapasa-pasahan nila ang aking luray-luray na dignidad ay wag mong kalilimutang sumigaw mula sa kaibuturan ng 'yong sikmura hanggang sa pinakamataas na tili ng iyong lalamunan.
Lumaban ka sa kabila ng kanilang kasakiman—para sa akin. Itindig mong mabuti ang iyong dibdib at mag-aklas mula sa mga gumahasa sa aking pagkakilanlan. 'Wag mong ititikom ang iyong bisig sa mga lumpastangan sa aking puri. Ikaw ang magbalik ng dangal sa akin na ginawang puta ng mga gahaman. Niluraan nila ang aking mga lupa at tinambakan ang aking karagatan. Nilustay nila ang lahat ng aking kaya at tsaka ito isinisi sa aking pagiging ina.
Magkagayon, kung hindi ka man nila dinggin ay manatili kang nakakapit sa akin. Ako ang iyong tahanan at maniwala kang kaya kong yakapin ang lahat ng iyong hikbi. Pananagutan ko ang lahat ng iyong kabiguan. Sampu ng iyong mga kapatid na ngayon ay sumisigaw rin para sa kanilang karapatan. Paghahaluin natin ang mga kulay ng pag-asa, pag-titimpi, at paglaban.
Kailangan nila tayong pakinggan. Kailangan nila tayong tandaan. Dahil kung di sila magbababa ng tingin ngayon sa liwasan, alam nilang sisigaw pa rin tayong sama-sama hanggang sa ang dugo ng ating mga nagpupuyos na puso ay dumanak sa lansangan.
Nagmamahal,
Inang Pilipinas
.
.
.
-Wag Mo Akong Bitawan (WMAB)
Para sa mga kapawa Pilipino nating bumoboses para sa buong Pilipinas. Kasama n'yo kami sa puso at diwa! Para sa Pilipinas! 🇵🇭
















