Isang araw, puno ng kaguluhan,
Sa iba’t ibang bansa, sa iba’t ibang bayan,
Pero bago ko to simulan, nais ko lamang ipaalam,
Na ang tulang ito ay para muna sa aking bayan.
Pilipinas, ikaw ang bayan ko,
Mula pa noon ay may nangyayari ng gulo,
Kung kaya’t hanap ng mamamayan mo ay pagbabago,
Pagbabagong makatarungan sa lahat ng tao.
Hanggang sa maihalal ang isang pangulo,
Kaya nya raw magbigay ng pagbabago,
Sa loob ng anim na buwan raw, makakaasa kayo,
Na mapupuksa ang krimen sa bayang ito.
Hindi pa man nagsisimula ang kanyang termino,
Napakaraming buhay na ang naperwisyo,
Mga katawang wala ng buhay nagkalat sa kanto,
Ayon sa kinauukulan, “nanlaban” ang mga ito.
Pagpatay sa mga ‘nanlaban’ ay mas umigting pa,
Pati kabataan, at buntis ay nadadamay na.
Akalain mo bang madamay ang isang buntis na manganganak na sana,
Sa paanong paraan nila masasabing, nanlaban siya?
Maraming tao sa Presidente ay nagalit,
Lalo na nang mabalitaang, may nadadamay ng paslit,
Pero teka, intindihin muna natin saglit,
Kailangan ba talagang buhay ang kapalit?
Maraming paraan, kung ating iisipin,
Maaari silang dakpin, at sa prisinto ay dalhin.
Kung manlalaban, sa binti ninyo barilin,
Dahil ang pagpatay ay hindi ninyo gawain.
“To serve and protect”, yan ang pangako nyo,
Pero mga taong inosente, ay pinapatay ninyo,
Para sa sikwenta mil, o sa pagtaas ng ranggo,
Mamang pulis ito ang tandaan mo, may Diyos na laging nanonood sa'yo.
At para naman sa'yo mahal naming Pangulo,
Oo nga’t inaasam namin ang pagbabago,
Pero hindi ito ang pagbabagong gusto ko,
Lalo na’t buhay ng tao ang kinukuha mo.
Anim na taon ang isang termino ng pangulo,
May limang taon pa, para sa pagbabago,
Kung pwede po ay pagisipan ninyo ito nang husto,
Dahil hindi makatarungan ang pagkitil sa buhay ng tao.