Pagkalabas ng simbahan. Maraming tao. Taong papasok pa lang para magsimba; taong palabas papunta sa isang direksyon— mall; taong nagbebenta ng kung ano't ano; mga matatandang na nagmamakaawa; mga batang may kapansanan; mga batang puno ng dungis at namamalimos, habang hawak hawak ang tiyan na parang nagsasabi na wala pa silang kain mula kagabi; at mga mga magjowang naglalampungan sa sulok sulok. Sari-saring pawis. Samu't saring amoy. Gikgikan. Tulakan kung may pagkakataon. Papunta kami sa mall para kumain ng hapunan gaya ng nakagawain namin ng kapatid ko. Gaya rin ng inaasahan ay maraming manlilimos. Hindi pa kami malakabas dahil sa sobrang gikgikan. Unti-unti ang paglabas ng tao. Isang hakbang sa isang segundo. Linya-linya. Sa likod ako ng kapatid ko. Nakahawak ako sa balikat niya. Sa likod ko isang babae parang walang kasama o nahiwalay lang sa kasama. May isang batang sobrang madumi ang siyang lumapit sa kanya. Payat, at mukhang sobrang mahina ang pangangatawan. “Palimos ho", sabi ng bata habang nakataya ang palad sa babaeng wala pang kurenta. Hindi sumagot ang babae imbis tinalikodan niya lamang ito. Pero mapilit ang bata. Niyugyog niya ang babae. Siniko siya nito nang hindi tumitingin at natamaan ako. Pero hindi ko nalang pinansin. Sabi ko nalang sa sarili ko na siguro matindi ang pinagdadaanan ng babaeng iyon. Nagpatuloy ang pamimilit ng bata, ang pagyuyog niya sa babae at sa pagsabi ng “palimos ho". Napuno na siguro ang balde ng babaeng alam ko naman sa aking sarili na hindi mahilig makikapwatao, kaya buong lakas niyang tinulak ang bata gamit ang siko niya. Sabay sigaw nang, “ Puta kang bata ka, tumigil ka na nga”. At saka tumingin sa malayo. Hindi parin tumingin sa bata. Akala ko tapos na. Akala ko ay nawalan na ng pag-asa na makahingi sa babaeng mukhang may pera naman ngunit hindi lang talaga naturuan ng magulang kung paano makikapwatao ang bata kaya naghanap na lang ng iba. Ngunit ang sumunod na eksena ang siyang nagpatindig ng balahibo ko. “Ang bata!!!!” sigaw ng isang ale. “Eeeee, dugooo!!!!'!“ sigaw ng isang babaeng, halatang halata na takot sa dugo. Matapos ng dalawang sigaw na yun ay wala ng may nagtakha pang sumigaw. Lahat ay nakatingin sa batang madungis, punit punit ang damit, at duguang nakahandusay sa paanan ng haligi ng simbahan. Laglag ang lahat ng mga panga ng mga tao. Lahat ng mga mata ang nakatutok sa payat, walang musmos at duguang bata. Walang kumibo. Parang pelikula. Pintig ng puso lang ang naririnig ko. Malamang pintig ng aking puso. Hindi ako makapagsalita. Naging magulo ang lahat. Nakiusyoso. Hindi ko na pa nahanap sa paligid ang babaeng nagtulak sa batang dugoan. Naging maingay ang lahat. Maraming bulong-bulong. Maraming sigawan. Dugo. Bata. Madungis. Tinulak. Sino? Maingay. Lahat nagsasalita pero isa lang ang nakaagaw ng aking atensyon. Isang aleng mukhang namamalimos din. Umiiyak. Naghahalo na ang kanyang sipon, pawis, dumi at luha. Patakbong nagmamakaawa sa lalaking nakatitig sa batang nakahamdusay. “Boss, si...siiii.. Jay” sabi ng babae. At saka hinila ako ng kapatid ko papalayo sa pinangyarihan ng insedenti. Natabunan ng mga tao ang paningin ko sa pagkakatitig ko sa batang ngayon may pangalan na sa aking isipan. Si Jay. Pero hindi parin mawala sa aking isipan ang sabi ng babae na parang humihingi ng tulong sa otoridad, at parang masamang otoridad. “Boss” muli kong nadinig.