Isang araw na wala na pala akong upuan.
Kumalabog na ang sounds, sumayaw ang mga bata. Ako, ang mga pinsan ko, ang mga batang hindi ko kilala. Ang mga magulang nagtatawanan. Masaya lahat. Siyempre hindi ako magpapatalo, sasayaw ako. Sasayaw ako habang iniikot ang mundo. Sasayaw ako nang sasayaw. Sasayaw ako hanggang sa mawala na ang tugtog—hanggang sa umupo na ang lahat. Sumasayaw pa rin ako. Hanggang sa lapitan nalang ako ng clown at hitakin, tanggal na daw ako. Noon hindi ko pa alam na ang goal pala sa Trip to Jerusalem ay ang hindi mawalan ng upuan. Tumatawa ang lahat, walang nakakatawa. Ayokong umalis sa gitna. Ayokong matanggal sa laro. Ayokong mawalan ng upuan. At ang lahat ng bagay na inayawan ko noon, idinadaan ko na lamang sa iyak. Oo, umiiyak ako.
Kumalabog na ang sounds, sumayaw ang mga bata. Siya, ang mga pinsan niya, ang mga batang hindi niya kilala. Ang mga magulang nagtatawanan. Masaya lahat. Masaya din ako, kunwari. Pero pwede na rin. Ngayon lang kasi ako nalabas ng bahay at ngayon lang ulit nakadalo ng birthday party na may clown at magician. Naglalaro sila, Trip to Jerusalem. Yun ‘yung may mga upuang nakapaikot at may mga batang magsasayaw hangga’t may tugtog. Pag nawala ang sounds, kailangan nilang maupo sa pinakamalapit na upuan sa kanila. At sa bawat pag-upo, palaging mayroong isang mawawalan ng upuan. Ang batang ‘yon, ang mabagal na batang ‘yon, ang kawawang batang ‘yon, siya ang tinatawag nilang “out” na sa laro. Karamihan sa mga natatanggal hindi na kumikibo at yayakap nalang sa magulang pagkatapos. May iba namang tatawa nalang, magkakamot ng ulo, at kukumbinsihin ang sariling mas masarap ang manood. At meron namang iba, umiiyak. Ganoon naman talaga siguro kapag bata e, iyakin. Pero ngayon ibang bagay na ang iniiyakan ko.
Sabi ko nga, ang husay pala ng nakaimbento ng Trip to Jerusalem no? Ang galing. Gigising tayo isang umaga at makikisali sa laro ng buhay. Magpapaikot-ikot tayo, sasayaw. Walang ano’t ano, darating ang pagkakataong iikot ang mundo natin sa isang tao. Sa kanya na halos iikot ang lahat. Tatayo tayo, masaya. Muling kakalabog ang sounds at magpapatuloy sa pag-ikot ang mundo. Magpapatuloy tayo. Hihinto ang tugtog, uupo tayo. Paulit-ulit lang, halos makabisado na nga natin ang routine nito e. Pero minsan kapag dumating na tayo sa puntong kampante tayong okay na ang lahat, tsaka biglang hihinto ang tugtog at sasabihin sayo nitong hoy! pagbabago lang ang hindi nagbabago. Sasabog ang lahat sa harapan mo at doon mo nalang mapagtatantong nangangaunti na pala ang upuan. Tatayo ka at titignan mo ang taong mahal mo sa mata. Muling kakalabog ang sounds. Sa pagkakataong ito, ayaw mo nang sumasayaw. Naglalakad ka nalang paikot habang hinihintay ang tiyempo ng paghinto ng tugtog. Hindi mo inaalisan ng tingin ang natirang iisang upuan na hindi rin naman inaalisan ng tingin ng iba. Hihinto ang tugtog, hindi ka handa. May mauunang makaupo sa upuang ginusto mo. Muli, titignan mo ulit sa mata ang mahal mo. Ayaw mo sanang umalis pero tanggal ka na sa laro. Naglalakad ka palayo at tatanawin sila sa malayo habang sinasabi mo sa sarili mo, sana ikaw ‘yon.
Mahirap, pero ganoon e. Dahil lahat tayo ay may lugar sa buhay ng isang tao. Lahat tayo may naka-save na upuan. Pero hindi ibig sabihing sa atin na ang upuan na iyon sa habang panahon. Umiikot ang mundo. Kumakalabog ang tugtog. Sumasayaw tayo. Ang lahat, sa isang iglap, ay pwedeng magbago. Mahirap mawalan ng lugar sa buhay ng isang tao. Mahirap mawalan ng upuan. Mahirap matanggal sa laro. At ito na ang mga bagay na iniiyakan ko ngayon. Yung mga pagkakataong huminto ang tugtog at hindi ako handa, at may ibang tao nang naunang maupo sa lugar ko. Pagkatapos ay doon ko nalang maiisip na sana pala, pinahalagahan ko ang lugar na iyon. Sana pala pinagpasalamat ko. Sana pala iningatan ko. Sana inalagaan ko, habang nasakin pa. Habang may kakayahan pa akong ibigay ang mga bagay na dapat ay naibigay ko noon. Pwede tayong umiyak, pwedeng magsisi, pero ang lahat ng ito ay maikukulong lamang natin sa mga patak ng luha.
Natapos ang laro. Binigyan ng prize ang nanalo. Itinago na ang sound system at iniligpit na ang mga upuan. Hindi ko alam na mumultuhin pa pala ko ng mga sarili kong multo sa pag-attend ko sa party na dapat ay masaya ang lahat. Masarap pa rin namang magreminisce, kaya lang pagkatapos, hindi maiiwasang mayroon pa ring kurot. Noong nagising ka isang araw na wala ka na palang upuan.