A Movie Review on Big Night (2021) dir. Jun Robles Lana
📷 Movie Review Big Night (2021) dir. Jun Robles Lana Nagsimula ang pelikula sa pagpapakilala kay Dharna, isang baklang raketera. Manicure, pedicure, paggupit, at maging ang pagbihis sa Santo Niño ay kering-keri niya. Kasama ang kanyang kasintahang si Zeus, nilakbay niya ang buong araw sa pagresolba ng problema niya. Gaya ng mga pangkaraniwang raketera, simple lamang ang routine ni Dharna nang paglabas niya ng bahay ay may nabalitaan siyang bumagabag at bumalot sa buong pagkatao niya ng takot. Ang isang inosenteng bading, nasangkot sa isang panganib? Labis ang pangamba niya nang nakita ang kanyang buong legal name sa isang listahang wala rin siyang ka-ide-ideya bakit siya nasama. Isa lang ang nasa isip niya, maresolba ang problema sa pamamagitan ng pag-alis ng pangalan niya. Gagawin niya ang lahat ng makakaya -- sa loob lamang ng isang araw. Hindi alintana ang nalalapit nang "Big Night" ng kanyang kasintahan. Hindi siya nag-atubiling lumapit kay Chairman na suki ng kanyang serbisyo na siya namang nagturo sa kanya sa isang Purok leader. Wala siyang napala kaya't umuwi sa kinalakihang bahay kasama ang tunay niyang pamilya at binalita ang pagkakadawit ng pangalan. Itinuro ng ama sa isa na namang purok leader na kumadrona. Wala na naman siyang napala kaya't kahit na busy si Chairman ay kinulit niya ito upang matulungan siya. Nagbigay ng pangalan ng isa na namang sikat na Purok leader na siya namang pinuntahan ng baklang magkasintahan at dito na nilabas ang tuktok ng kanilang pangamba -- pangambang nauwi sa pagkalito. Naghalo ang pagkalito sa takot at konsensyang naguguluhan. Napagod, nagulumihanan, nangarag, natakot, at inulan nang samu't sariling emosyon si Dharna -- sa loob lamang ng isang araw. "Malas", kung kanyang ilalarawan ang buong araw isa isang salita. Nagtapos ang pelikula sa isang malaking pagbabago sa buhay ng bida. Matatawag ba itong kompromiso? Kapit sa patalim? O desisyong inudyokan ng kahirapan? Walang eksplisit na paglalahad ng wakas na eksena ngunit tagos at mabigat ang halu-halong mensaheng pinakita ni Dharna. Walang salitang namutawi mula sa kanya ngunit sa bawat saglit ng paglapit ng camera sa kanyang mukha ay parami nang parami ang damdamin at kaisipan na tila ba'y nais niyang ihatid sa mga manonood. Maingay ang kanyang katahimikang sinabayan ng swabe ngunit mabigat na musical scoring. Ang hatol ko: 4/5 Mahusay na nagampanan ni Christian Bables ang pagiging si Dharna. Dito rin natin makikita ang problema ng burukrasya na kayang-kayang abusuhin ang mga taong walang kapangyarihang depensahan ang kanilang mga sarili. Ang pinakanagustuhan ko rito ay ang scoring. Sa bawat tunog at piyesa ng musika, mas nabigyang-diin ang pagtingin ng suliraning panlipunang ito mula sa lente ng simpleng taong si Dharna na gagawin ang lahat, mapatunayan lamang na isa lamang siyang inosenteng taong hindi nararapat mailagay sa kontrobersyal na listahan. Masyadong nagpokus ang kwento mula sa personal na pagtingin ng isyung ito na nararapat lang naman dahil nga ang lente nito ay mula sa isang baklang namumuhay lamang nang marangal at napagtripan idawit sa kagaguhan ng taong makapangyarihan na siyang may tunay na kasalanan. Bagama't may mga bahaging hindi napunan nang maayos at may mga bahaging nasobrahan nang pagkatha, naibalanse sa pelikula ang malagim na realidad ng buhay at ang komedyang hatid lalo na ng aliw na baklang bida. Cobra effect? Siguro. Maliban pa sa kay raming suliraning panlipunang tinalakay sa buong kwento na kapag inisip mo ay mababahala ka dahil sa kamalayang marami rito ang nangyari at patuloy na nangyayari sa totoong buhay, ang sigasig at determinasyon ng bidang maresolba ang problema sa loob ng isang araw ay nagpakita ng desperasyon -- na sa mundong pera at kapangyarihan ang pinapanigan ng katarungan, mahirap makipagsapalaran.



















