Nasanay
Bakit ga’non? Bakit kapag sanay na tayo sa tao tsaka pa aalis? Tsaka ka pa iiwan? Kung kailan sanay ka nang kausap siya, sanay ka nang kinakamusta ka, tsaka pa hihinto? Nasanay ako na kinakamusta mo. Bago sumapit ang alas-kwatro alam kong mangangamusta ka na. Madalas hinihintay ko ‘yon. Bago mag-alas-kwatro sinisigurado kong nagawa ko na ‘yung mga bagay na kailangan kong gawin para walang puputol sa usapan natin. Nasanay nako na lagi mo akong tinatanong kung kumain na ba ako. Nasanay ako na kausap ka araw-araw. Nasanay ako na magse-send ka ng mga random pictures mo lalo na pag-trip mo ang mukha mo. Nasanay ako. Nasanay ako pero hindi ko alam na matatapos din ang lahat nang ‘yon. Kung alam ko lang, sana hindi ko na sinanay ang sarili ko na abangan ang message mo. Sana pala nung una pa lang pinilit ko na ang sarili ko na huwag maging masaya. Kasi sinanay mo ako, eh. Sinanay mo ako na ikaw ang bumubuo ng araw ko, ang nagpapasaya sa’kin. Tapos ngayon? Eto, sinasanay ko naman ang sarili ko ngayon na wala ka. Na wala nang mangangamusta sa’kin araw-araw. Sinasanay ko na ang sarili ko na maging masaya kahit wala ka. Kasi noong una pa lang dapat pala doon nako nasanay para naman hindi ako lugi. Ngayon, sasanayin ko na ang sarili ko na maging masaya na lang para sa’yo kahit sa malayo :)














