Minsan sa buhay ko naniwala ako sa nabasa ko tungkol sa birth dates. Mas lalo pa akong naniwala doon ngayon. Mula sa 1-30, ang araw ng kapanganakan ko ay nagbibigay ng kahulugan na lagi akong malayo sa taong mahal ko. Palaging ganun ang nangyayari. Sa mahal ko ngayon, hindi na nga niya ako mahal, malayo pa ako sa kanya. Hanggang tingin na nga lang ako sa kanya nahinto pa.
Miss ko na siya. Ang layo ko sa kaniya ang araw-araw na nagpapalungkot sa akin. Mas lalo lang nitong pinatutunayan kung ga’no kalalim ang nararamdaman ko para sa kaniya. Naaalala ko ang ngiti niya, ang marunong na mga mata niya, ang boses niya, kung pa’no siya magsalita, at ang saya ko kapag nakikita ko siya. Hindi man siya ang pinakamaganda sa buong mundo, para sa’kin she’s the prettiest pa rin. Nung huling beses na nagkausap kami through text, sinabi ko sa kaniyang miss ko na siya. Nakapagreply siya the next day at sinabi niyang miss niya na rin daw ako. Kinilig ako nung nabasa ko yun. Isang text nga lang niya sobrang saya ko na, lalo pa nung magtext siya ng ganun. Akala ko special na ako sa lagay na yun. Hindi pala, ilusyon ko lang pala yun. Nalaman ko nung maging facebook friends kami nito lang. Nakikita ko na ang pictures niya at maligaya na ako dun. Nabasa ko rin kung pa’no siya sabihan ng mga kaibigan niya matanda man, mas bata, o kaedad niya na miss na nila siya. Mamimiss mo talaga siya kapag lubusan mo xang nakilala.
“Mahal kita”, minsan natutukso akong sabihin na sa kaniya ang nararamdaman ko. Di baling mabigo ako basta makapagtapat ako sa kanya. Kaya lang masyadong komplikado ang sitwasyon para gawin ko yun.
Kung posible lang sana, siya na ang taong gusto kong maging asawa.
Pero ang pagmamahal ko sa kanya nagdudulot sa’kin ng sobrang sakit. Ang isipin lang araw-araw na hindi magiging kami kahit kailan, sobrang sakit na. Lalo pa kapag nararamdaman ko ang sobrang pangungulila ko sa kaniya. Alam ko rin na may gusto siyang lalaki at nakita ko na siya. Sa facebook. Nasa mid-30s na siguro yung guy, at siya naman malapit nang ma-30.
Pa’no ko nga ba nalaman ang tungkol dun sa guy? Nung minsang iniwan niya ang tablet niya dahil ayaw mag-charge, I grabbed the chance na pakialaman ang personal na gamit niya. Alam kong mali yun pero hindi ko napigilan. Tiningnan ko ang photo gallery ng tablet niya at nakita ko yung sulat na ginawa niya para dun sa guy. Nakita ko rin ang pangalan nung guy. Hindi yung buong name pero enough na para makilala ko the moment na hinanap ko siya sa fb friends’ list niya. Sinabi naman niya sa sulat na wala siyang hinihinging kapalit. Ayaw niyang magkaboyfriend at ayaw niyang magkaro’n ng asawa. Ganoon ang Mahal ko. Hindi niya kayang ipagpalit ang kalayaang ineenjoy niya sa pagiging single. Hindi pa sa ngayon. Marahil darating ang araw na gugustuhin na niyang magsettle down. Nung huling pag-uusap naming ng personal, sinabi niya na sa’kin na hindi talaga siya mag-aasawa. Pero sa tingin ko may posibilidad pa rin na magbago ang isip niya.
Yung guy kasama sa list of close friends niya sa facebook. Every time na titingnan ko ang profile niya pare-parehong mga tao ang naka-feature bilang kaibigan niya at hindi nagbabagong yung guy nay un ang unang-una sa featured profile. Nakakatawa mang isipin, hindi man dapat, pero nasasaktan ako. Sobrang insecure ako. Blooming pa naman ang mahal ko at mas lalong gumaganda. Bakit kaya.
Alam kong masaya siya bilang single, however, kung magkakaroon ako ng pagkakataon, liligawan ko siya. Gagawin ko lahat para sa kaniya at araw-araw ipararamdam ko kung ga’no ko siya kamahal.
Ngunit lahat ng ‘yan imposibleng mangyari.
Hindi ko inakala na magmamahal ako ng ganito kalalim sa isang estranghero sa buhay ko. Isang magandang estranghero na sa simula ay ni wala akong pakialam. Naappreciate ko lang ang ganda niya nung magustuhan ko na siya.
Malaya. Masigla. Maganda. Masaya. ‘Yan ang mahal ko.