Ang Mahiwagang Gabay ng mga Mag-aaral 101
Kung ito ay iyong binabasa, malamang, ikaw ay isang estudyante din katulad ko. O di kaya ay wala ka lang talagang magawa at nadaanan mo ang post na ito. Kahit saan ka man diyaan, ikaw sana ay mayroong matunan dito.
Ang sumusunod na mahiwagang gabay ay hindi perpekto at nagmula sa hindi rin perpekto kong mga karanasan bilang estudyante.
Isa sa mga "Basic" ito, kasama kong mag-aaral. Lahat ng bagay ay pinaghihirapan. Laging tandaan na ang magandang grado ay hindi kusang lalapit sa iyo. Gising bes, hindi ganyan ang buhay. Kinakailangan mo itong pagsikapan upang makuha.
Ako ay isang sinungaling kung aking sasabihin na hindi ako tinatamad sa paggawa ng mga takdang aralin. Normal lang iyan. Pero depende kasi sayo yan kung hahayaan mo lang ang katamaran mo na magbigay ng panandaliang kasiyahan at stress naman sa bandang huli. Gawin ang dapat gawin.
Karamihan sa mga estudyante ngayon, mahilig mag "multitask". Moderno na kasi masyado ang panahon e. Pero ang tanong, may natapos ka ba? Maganda ang mag-"multitask" pero huwag mong ipagsabay ang mga bagay-bagay na hindi naman tugma tulad ng pag-aaral at paggamit ng gadyets upang gumamit ng kahit anong social media. Malilibang ka lang niyan. Aral kung aral. Pahinga kung pahinga. Party kung party. Isa-isa lang po ha?
Mahirap man ito gawin sa umpisa pero ako talaga ay iyong pasasalamatan kung alam mo na kung paano. Ang pagiging organisado ay nakapagpapadali ng pag-aaral. Bahala na kung ang supply ng sticky notes at bookmarks mo ay sumusobra na. Bahala na kung parang may piyesta ang iyong mga kuwaderno't libro dahil sa iba't-ibang kulay ng highlighters. Para din naman ito sa ikabubuti mo.
Totoong totoo na sadyang mahirap talaga ang pag-aaral lalo na kung hindi kayo magkasundo ng isang subject o paksa. Pero ganyan talaga iyan. Hindi sa lahat ng oras ay magaling tayo sa lahat ng bagay. Lahat ng tao ay may kahinaan. Pareparehas lang tayo ng kinakain, bes. Pero kahit na ganito, kinakailangan natin matunan na mahalin at intindihin ang subject o paksa na hindi natin gusto. Kung may alam ka na hindi alam ng iba, ibahagi mo. Dahil darating ang araw na may alam sila na hindi mo alam. Maging mabait ka na din para ibahagi nila sayo ang mga nalalaman nila.
Sana makatulong ang mga ito sayo, fellow estudyante!









