“Tayo”
Tayo, noon
Kaso sinukuan mo ako, diba?
‘Wag kang mag-alala,
Ayos lang ako
At ang aking puso
Dahil anu’t ano pa man din,
Hindi na rin maibabalik ang pagmamahalan natin.
Sabi-sabi nila, may bago ka na.
Ang bilis! Isang linggo lang ang nagdaan pero nagmahal ka na agad ng iba.
Hindi ko inakalang sa pag-ibig, “fast learner” ka pala.
“Paano?”
‘Yan ang tanong ko sayo.
Paano ka agad nakalimot?
Kasi ang “hayop”,
Hayop ka sa galing!
Biruin mo, sa anim na taong “landian” natin,
Nagawa mo agad mambiktima muli.
Daya, sobra!
Kasi ako, ‘di ko magawa.
Hirap akong matuto, makalimot, magpatawad at magparaya;
Masakit, oo pero mainam na ‘yon kaysa sa walang maramdaman, diba?
Sandali, hindi pa ako tapos,
Tapos sa mga nakaraan ng ating makulay na kahapon;
Kung saan araw-araw akong ngumingiti sa’yo;
Araw-araw kang humahalik sa aking noo;
Araw-araw mong pinapatibuok nang lubos ang aking puso;
Araw-araw ‘kong nararamdamang sayo na ako’y sigurado,
Siguradong minamahal ng walang hanggan at pinaparamdam na kinakailangan mo ako;
Siguradong sayo ako’y liligaya at magiging malaya mula sa mga problema ng buhay ko.
Salamat,
Sa lahat ng ala-alang iniwan mo sa akin;
Sa pagpaparanas sa akin na ako ay sapat;
Na makasama lang ako’y wala ka nang hihilinging iba,
Pero nagbago na ang lahat.
Nagbago ka
At sa pagbabagong iyon nagsimula tayong masira;
Hinayaan mo’ng tayo’y masira.
Kasi ginusto mong magbago kaysa manatiling kuntento;
Kasi mas pinakinggan mo ang dikta ng iyong utak kaysa sa sigaw ng iyong puso;
Kasi mas pinili mong hindi ipaglaban ako;
At paglisan sa buhay ko ang tanging solusyon sa problemang merong “tayo”.
“Tayo”
Katagang minsan ko nang nahagilap;
Katagang muntik ko nang makalimutan,
Pero ang lahat ay nangyari na.
Tanging oras nalang ang magtatakda kung kalian ako maayos muli.
Kaya aabangan ko ang pagdating ng araw na iyon;
At kapag ang buong ako ay handa na,
Maluwag akong makakahingang muli.











