Moondrop No. 14 | Engel Magbanua
Paano Gid Kung Abi | Isang Tula
Minsan napapaisip ako
Pano kaya kung ganito?
Sa isang tahanang payak ngunit hindi magulo
May mga batang maglalaro sa kalye dahil hindi naman delekado
Mga inang naglalaba sa malinis na tubig
Nagkikislapan at "tikatik" ng bato ang maririnig
Paano kaya kung kunwaring ganito?
Sa isang maliit na tindahan
Doon masayang magkukuwentuhan
Ang mga amang nagkakasiyahan
Walang pag-aalala sa layo nang trabaho kinabukasan
At sa maalikabok na daanan
Na tanging puno ang nagsisilbing anino sa daan
Hitik sa bunga at masayang inaakyatan
Nang mga batang noon, iyon lamang ang libangan
Kunwari lang talagang ganito
Walang sigawan sa mga tahana't hindi nagkakagulo
Walang batang maaaksidente, ang mga kalye ay hindi pa delekado
Maglalaba sa ilog na walang halong basura
Hindi plastik at dumi nang tao ang makikita
Pero ang lahat ng iyon ay mananatiling kunwari na lang
Dahil ito, ito ang katotohanan
Sa isang tindahan sa loob ng masikip at mabahong lansangan
Na kung minsa'y may mababalitaan na lamang na patayan
Mga ama't inang hindi mapaos sa sigawan
Wala na namang makain, wala na namang trabahong mapasukan
Sa maalikabok ngunit semento namang daan
Wala nang puno, nagtataasang gusali na lamang
Ang mga bata'y hindi na pag-akyat sa puno ang libangan
Matapos magnakaw ay sa pulis makikipag habulan
Ito ang katotohanan
Dito sa lugar kung saan nagtapos ang lahat ng kilalang tao
Sa lugar kung saan sentro nang progreso
Sa lugar na sinasabing daan sa katuparan ng pangarap mo
Bakit parang walang pinagbago?
Nasaan na yung pinangakong pagbabago?
Madalas napapaisip ako
Paano kaya kung ang probinsyang kinalakihan ko
Ay unti-unting maging tulad dito
Siguro makikita ko na lamang ang sarili kong ganito
Pipikit at mag-iisip
Paano kaya kung kunwaring ganito ?








