Katatakutan
Nakakita ka na ba ng
Kaluluwang di-payapa?
Sa gabi’y nagpapakita
Sa umaga’y may paramdam
Nakakita ka na ba ng
Kapreng naninigarilyo?
Sa bundok ay nakabantay
‘Tila ba may hinihintay
Nakakita ka na ba ng
Tyanak grabe kung mangagat?
Dahilan ng mga sugat
At malalalim na peklat
Kung ‘di pa nakakakita
‘Di mo naman kailangan pa
Ikaw ay magmasid-masid
May mga kahindik-hindik
Kriminal daw na nanlaban
Sa ulo’ng tama, duguan
Dinamay pati katawan
Halos lumabas ang laman
Ang batang menor de edad
Sa kapamilya’y nalinlang
Hinalay at ginahasa
Ni walang kalaban-laban
Para saan pa nga ba ang
Taunang katatakutan
Kung sa araw-araw naman
Katabi si Kamatayan?













