‘Brod’
Kahit walang nalalaman
Basta “iba” ang pormahan
T’yak na may paggagamitan
Sa ngalan ng kapatiran
Iyabang ang kayamanan
Kahit ‘di pinaghirapan
Imahe ay alagaan
Sa ngalan ng kapatiran
Bugbugin man ang katawan
Murahin mo pa’t tadyakan
Hindi naman papalag ‘yan
Sa ngalan ng kapatiran
Matatapang sa suntukan
Lalo’t higit sa barilan
Kahit na magkapatayan
Sa ngalan ng kapatiran
Lusot sa kawalang’yaan
Dahil may kapangyarihan
Dinamay ang karamihan
Sa ngalan ng kapatiran
Galit daw sa kabaklaan
Pero ang katotohanan
Sarili’y tinataguan
Sa ngalan ng kapatiran
Kanilang katalinuhan
Tunay bang para sa bayan?
Mandaraya sa halalan
Sa ngalan ng kapatiran
Meron pa bang kahulugan
Kanilang pinaglalaban?
Kahit walang paglaanan
Sa ngalan ng kapatiran
Bisyo ng kalalakihan
Itong sangganong samahan
Totoong walang iwanan
Sa ngalan ng kapatiran
_____________________________________________________________
Ang tulang ito ay naglalayong kondenahin at labanan ang anumang uri ng karahasan sa loob at labas ng Pamantasan. Higit na kailangang kondenahin ang walang habas na pagkakalat ng lagim at panggugulo ng mga savage fraternities na umaastang diyos sa loob ng Campus. Dahil sa pagsisinungaling, pagnanakaw ng karangalan, panggugulo sa resulta ng mga bilangang panghalalan, at pagpatay dulot ng hazing (hindi lamang sa loob ng campus ngunit lalo na sa korte, kapulisan, opisina ng pamahalaan, etc.), makikita ang kakulangan ng mga ganitong uri ng samahan sa pagbibigay ng kabutihang panlahat. Huwad ang samahang nag-aasam ng kapayapaan habang nauuhaw naman sa dugo, pananakit, sexism, at pananakot.














