Bakit nga ba hindi ako ipinanganak na mayaman? Lagi kong tinatanong sa sarili ko noon. ‘Yung tipong lahat ng gusto mong bilhin, mabibili mo ng hindi naghihirap. Mula sa mga magagarang damit at sapatos, sa mga nauusong mga gadgets, masasarap na pagkain, at marami pang iba. Isang hingi lang kay mamuh o kaya kay papuh, sunod lahat ang aking luho.
Simula nung pumasok ako sa paaralan lalo kong nakita kung gaano kami kapos sa buhay. Tuwing unang araw ng pasukan nakikita ko ang aking mga kaklase na kumpleto agad sa mga libro at notebook, lahat mamahalin, samantalang ako kailangan pang mangutang bago makabili ng mga kagamitan. Pero iniisip ko din na sayang lang naman ang kanilang kumpletong kagamitan kung hindi naman nila ginagamit. Ako ang nanghihinayang para sa kanila. Nasa pribadong paaralan nga pala ako noon, dahil sa tita kong nasa abroad na sumasagot lang sa aking tuition at ang iba ay mga magulang ko na. Ayoko doon, lagi kong sinasabi sa kanila ngunit sila itong mapilit at magpasalamat na lamang daw ako. Hindi ko na sila kinontra pa. Dinadagdagan ko pa ang hirap nila.
Isa pa sa aking kinaiingitan noon sa aking mga kamag-aral ay sa tuwing papasa sila sa aming pagsusulit ay may “reward” agad sila sa kanilang mga magulang. Binibigyan sila ng kahit ano pa man ang kanilang hilingin. Eh ako? Laging una sa klase ni singkong butas walang makuha. Pero hindi ko sila masisisi, mahirap lang kami. Hindi ko naman kailangan ang mga luho na yan. Basta may pagkain kami sa mesa lagi, ayos na. Ako na lang ang umiintindi. Mula noon ipinangako ko sa sarili ko na hindi ako mamamatay na mahirap, magtatapos ako ng aking pag-aaral at magiging mayaman.
Sa aking pagsisikap nakapagtapos ako ng pag-aaral, nagkaroon ng trabaho at di kinalauna’y sinuwerte na sa buhay. Masayang-masaya ako noon dahil nabibili ko na ang lahat ng gusto ko. Nakapagpatayo na rin ako ng bahay at hindi lang isa, tatlo pa. Nagkaroon na rin ng pamilya at stable ang aking mga negosyo. Ako na yata ang pinakamasayang tao simula noon. Nakamit ko lahat ng aking pangarap dahil sa aking pagsisikap. At yun ang maipagmamalaki ko
Nagkaroon ako ng tatlong anak, lahat sila nasa magagandang eskwelahan. Lahat ng kanilang luho ay binibili ko,lahat ng hindi ko naranasan nung bata pa ako.
Pero isang araw nagpaalam sila upang lumabas, maglalaro daw sila. Hindi ako pumayag, pinagalitan ko pa sila. “Dito na lang kayo sa loob maglaro, nandyan ang ipad,may wifi naman tayo ah!, Bakit pa kayo lalabas? Hindi pa ba kayo masaya dito?!.” Walang silang nagawa. Ako ang nasusunod sa aming pamamahay.
Nagkulong ako sa aking kwarto, nagpalipas ng sama ng loob. Ngayon lang ako nagalit ng ganoon sa aking mga anak. Napaisip ako, hindi naman mabigat ang hinihiling nila mula sa akin. Bakit hindi ko nagawang pagbigyan?
Nagbalik ang aking mga ala-ala noong bata pa ako. Parang nagflashback lahat sa aking harapan, ang aking kabataan. Tuwing uwian namin, nagsasama-sama kami ng aking mga kaibigan, hindi agad kami dumidiretso sa aming mga bahay, naglalaro muna kami. Tagu-taguan, moro-moro, habulan,langit-lupa, holen, sipa at marami pang iba kung anuman ang uso noon, lahat iyan nalaro na namin. Masayang masaya na kami noon. Tuwing sabado’t linggo, laro pa rin ang nasa isip. Madapa man, hinding-hindi iiyak para maiwasan ang pang-aasar mula sa mga kaibigan. Tapang-tapangan kumbaga. At yung mga araw na iyon ang pinakamasayang mga sandali ng aking buhay. Hindi ko ito malilimutan.
Pero nakalimutan kong may ganito pala akong karanasan sa buhay, na naging masaya ako kahit na walang magagarang damit at sapatos, walang mamahaling gadgets at kung ano pa man. Naalala ko lang ay iyong mga panahong naiiingit ako sa iba, panahong ikinikumpara ko ang buhay sa kung anong meron at wala. Mali pala ako. Hindi ko nakitang mayaman din pala ako, hindi nga lang sa pera, kung hindi sa karanasan at sa tunay na kaligayahan. At iyon ay gusto kong iparanas sa mga anak ko. Lumabas ako at hinanap sila. “Mga anak, hindi lahat ng bagay ay nabibili ng pera, hindi lahat ng “mahal” ay nakapagbibigay kasiyahan”. Tiningnan nila ako na para bang ako’y nahihibang na.Napangiti na lang ako at nakipaglaro sa kanila sa labas.