The Intern (United States, 2015)
Ang pelikulang magpapakita ng importansya sa pagkakaroon ng isang “mentor”.
Nagumpisa ang pelikula sa pagpapakita sa buhay ni Ben Whitaker, isang balo at retired executive. Dahil sa dami ng kanyang libreng oras, ay nagsimulang maburyo si Ben sa kanyang retiradong buhay. Kaya nang makakita siya ng hiring para sa isang “senior intern program” ay sinunggaban niya agad ito. Dito niya nakilala si Jules Austin (Anne Hathaway), ang batang CEO ng kumpanyang kanyang pagtratrabahuan. Bagama’t nakatoka si Ben bilang intern ni Jules ay hindi naman halos magkita ang dalawa dahil sa dami ng trabahong ginagawa ng dalaga. Lagi itong nasa meeting, o hindi kaya sinisiyasat ang bawat aspeto ng operasyon ng kumpanya. Hands-on na boss si Jules, sobrang hands-on na nasasakripisyo na ang ibang aspeto ng pamamalakad ng kumpanya at oras niya sa kanyang pamilya.
Sa panahon ngayon kung saan ang mga kabataan ay naturuan ng media na kaya nilang gawin ang lahat ng bagay, ang pelikulang ito ay napapanahon. Pinakita dito na lahat ng bagay na sobra ay masama. Bagama’t mahalaga ang pagiging masipag sa trabaho, importante pa rin na maglaan ng panahon sa mga taong tunay na nagmamahal sa’yo. Isa din sa mahalagang leksyon ng pelikula ay huwag mong bitawan ang iyong mga pangarap, ang mga tunay na nagmamahal sa’yo ay hindi ka pipigilan para makamit ito.
Mga taong makakarelate: Yung mga taong workaholic sa trabaho. Yung mga taong 8 am papasok sa work tas uuwi ng 10 pm tas ganun ulit ang schedule kinabukasan. Sa mga empleyadong halos hindi na makakain at makatulog dahil sa trabaho.
Pang-status na linya ng pelikula: "You're never wrong to do the right thing."