Gusto ko
Gusto kong mawala lahat ng sakit Ng pait,na bumabalot sa akin, gabi-gabi, sa aking pagtulog na tanging sandalan ko ay ang mga unan At kinabukasan, hindi na nanaising muling sumikat ang araw, sapagkat gusto kong mawala Ang kirot, na dulot, ng paglisan mo sa akin sa kabila ng lahat, binigay ko Binuhos ko ang buong panahon, na ngayon ay nasayang lang, Sayang lang dahil hindi na muling maghahawak ang ating mga kamay, hindi na tayo ang magkaramay sa lungkot, sa saya, sa mga sandaling hindi mo ipagpapalit At ngayon ay gusto kong mawala ang galit, Ang poot sa puso kong wala ng iba pang gustong maramdaman kundi ang mawala lahat ng alaala na pwede ko pang gamitin upang kumapit, upang lumapit sayo, Iiwas ako, liliko ako sa landas kung saan hindi patungo sa’yo, papalayo sa tahanan mong minsan nang naging tagpuan, taguan kapag may tampuhan, Kaya gusto kong mawala at maglahong bigla, kung saan ikaw ay wala, kung saan ako’y malaya Mag-isa, na tanging hawak ko lamang ay ang pag-asa, na ang gagawin ko lamang ay ang umasa Na lahat ay mawawala, mababaon sa limot at lahat ay maghihilom Ang mga sugat, na dati ay ang isa’t isa ang lunas, ngayon ay gagaling pagdating ng bukas, Ang bukas na hindi na tayo magkasama, na hindi na tayo ang haharap at sabay na titingin sa alapaap Kaya’t sa huli, gusto kong mawala ang mga katagang “tayo”, na ikaw ay lilipas, dadaan na tila walang nakaraan Na ang matitira na lamang ay ako, buo, sa piling ng iba, sa mga yakap na hindi ko gugustuhing makawala.













