MALIKHAING PAGSULAT
M A B E L
ERIKA DEQUINA ROBIS
"Halina't pumasok ka sa mundo ko, magugustuhan mo rito."
Ito ang eksaktong laman ng nag- iisang pangungusap na tanging naaalala ko sa aking panaginip kagabi. Hindi ko alam kung ano ang nais nitong ipahiwatig, ngunit nais kong palipasin na lamang ito. Hindi naman siguro bigdeal kung kakalimutan ko.
Ako nga pala si Mabel. Bakasyon ngayon at nandito ako sa bahay ni Lola sa probinsya namin sa iloilo. Masiyang-masiya ako sa tuwing pupunta kami sa lugar na ito. Hindi pa rin nagbabago ang sariwang hangin, mababait pa rin ang mga tao at malayo sa maiitim na usok ng kalsada at matataas na gusali sa maynila. Matagal na rin mula nang magbakasyon kaming mag-anak kanila Lola.
Sa katunayan nga'y ilang ulit na pagpilit ang ginawa ko kay Mama upang mapapayag siya. Ang dahilan kung bakit ayaw na nila akong bumalik pa dito dati ay hindi ko alam.
Bumaba na ako papuntang kusina upang mag timpla ng tsokolate at kumain ng sinangag na kanin na may kasamang daing na pusit. Nagbabakasakali akong sa pamamagitan ng masarap na agahan ay mawawala sa isipan ko ang aking napanaginipan.
"Tao po! Manang Ester!"
Isang boses ng babaeng tumatawag sa labas ng gate nila Lola ang narinig ko. Sumilip ako sa bintana mula sa kusina at nakita ko ang kababata ko, "Sandy! Ikaw pala yan!" Sigaw ko, mula sa pagkagalak na makitang muli ng personal ang kaibigan ko. Dali dali akong tumakbo patungong gate upang pagbuksan siya.
"Kumusta na? Namiss kita!" Sabay yakap sakanya.
"Ay abaw Mabel! Ikaw gali ina! Miss gid kita uy!" Ani ni Sandy.
Bumitiw kami sa yakap ng isa't isa. Pinapasok ko siya sa loob ng bahay nila Lola at pinaupo sa sala. Nagkwentuhan kami. Tinanong niya ako sa mga nangyari sakin kung bakit ako hindi nakabalik ng halos isang dekada, kung anong mga nangyari sa akin at mga iilan pang personal na pagbabagong naikwento ko naman sakanya.
"Grabe ang laki na ng pinagbago mo, gwapa ka na gid! Dati ay madalas ka pang tuksuhin ng mga kalapit-balay, batang babae na may kaibigan nagsasalitang pusa!”
Natawa ako sa sinabi ni Sandy, kahit na hindi ko na maalala ang pangyayaring iyon.
"Dili nila alam na ako lang naman ang kaibigan mo dito." Dagdag pa niya.
Halos abutan na kami ni Sandy ng hapon sa kwentuhan. Sa hinaba ng pag-uusap naming dalawa'y maswerteng naalala ko pa ang dahilan kung bakit siya napunta dito, "Matanong ko lang, bakit nga pala tinatawag mo ang Lola kanina?" ani ko.
"Ay oo nga! Nakalimutan kong sabihin na iniimbitahan siya ng aking Tiya na pumunta sa meeting ng mga senior sa simbahan bukas ng alas-sais ng gabi. Para daw iyon sa mga ganap sa parating na mahal na araw sa susunod na linggo." Ani ni Sandy.
"Ahh, kung gayon ay makakarating sa kaniya. Wala kasi ang Lola ngayon dito, ang alam ko'y lumuwas sila ni Mama upang mamili sa bayan ng mga pagkain dito sa bahay."
Natapos na ang usapan namin ni Sandy, umalis na rin siya dahil baka abutan pa siya ng dilim sa daan. Matatakutin pa naman iyon.
Mga alas-syete na ng gabi nang dumating sila Lola mula sa pamimili. Hindi nakapagtatakang ginabi sila dahil sa dami ng supot at timbang nakikita ko. Pwede na kaming magtinda sa dami ng mga seafood na nabili nila. "Mano po nanang." Bungad ko sa mahal kong Lola Ester. "Ipinapasabi nga po pala ng Tiya ni Sandy ang meeting niyo bukas ng alas-sais ng gabi sa simbahan." Pagpapaalala ko.
"Oo nga pala, ahh, mabuting samahan mo ako doon bukas matapos nating mag videoke sa hapon. Tiyak ay gusto kang makita ng mga sister ko doon." Pagyaya sakin ni Lola.
"Sige po nanang, matagal na rin ang nakalipas mula ng nakadaan ako roon." Ani ko.
"Mama, mas maganda siguro kung magpasama na lamang kayo sa mga anak ng Ate Linda, mukhang hindi magandang ideya ang isama si Mabel doon bukas." Singit ng aking Ina. Eto nanaman si mama, pinipigilan nanaman akong maglibot dito sa lugar nila Lola. Naku-curious na talaga ako kung ano ang pinanghuhugutan niya.
"Ayan ka nanaman mama, minsan na nga lang sakin magpasama ang Nanang eh pinagbabawalan mo pa." Reklamo ko.
"Hindi sa pinagbabawalan, nag-iingat lang ako. Mahirap na. Baka mapano ka pa. Hindi tulad ng mga pinsang mong sanay na sanay na dito." Tugon ni mama.
"Pero—"
"Wag ka ng tumutol pa."- Mama.
2
Masarap ang hapunan namin. Ang galing talaga magluto ni Mama. Kahit istrikto iyon pagdating sa akin ay hindi nagbabago ang lasa ng sinigang na hipon niya sa tuwing ihahain. Matapos ligpitin at linisin ang mga kalat at kagamitan sa kusina'y umakyat na ako pabalik sa itaas. Humiga na ako sa kama. Alas-nuwebe imedya na pala, kung kaya'y medyo inaantok na akong muli.
Naalala kong muli ang aking napanaginipan kagabi.
"Halina't pumasok ka sa mundo ko, magugustuhan mo rito."
May ibig sabihin kaya ang mga salitang iyon? Hindi naman isang bangungot ang mga nangyari roon kagabi. Pakiramdam ko pa nga'y inaanyayahan akong tumungo sa ibang mundo. Isang mundong mahiwaga, papunta sa lugar na hindi ko pa nakikita. Mga lugar na nababasa ko lamang sa mga libro at nabubuo lamang sa aking imahinasyon. Mapapanaginipan ko kaya ulit iyon?
Naramdaman ko na ang antok, tuluyan na akong nilamon ng tulog.
Naaninag ako ng isang maliwanag sa ilaw. Umaga na ba? Binuksan ko ang aking mga mata. Nakita ko ang isang hagdaanan paitaas. Hindi ito isang simpleng hagdanan lamang, gawa ito sa kahoy na may mga uri ng bulaklak na ngayon ko lamang nakita. Kulay pula, lila at rosas ang mga kulay nito, tila baging ang nakapalibot sa gilid nito.
Tumungo ako upang tignan kung ano ang mayroon paakyat rito. Habang humahakbang paitaas ay naaamoy ko ang mabangong hangin na parang nanghahalina sa aking kaisipan. Parang binabaliw ako nitong tunguhin pa at lakarin ang itaas. Nakapikit akong naglalakad ng ako'y matigilan.
"Tuloy ka mahal na panauhin." Ani nito.
Idinilat ko ang aking mga mata upang makita kung sino ang nagsalita. Wala namang tao. Walang kahit na sino.
"Sino ka?" Sigaw ko.
"Ako po si Yakal, ang narinig mong nagsalita." Nagulat ako mula aking kinatatayuan.
"Isang nagsasalitang puno? Paano?" Tanong ko.
"Maligayang pagdating dito sa aming kaharian, ang Isla Ertesa." Sagot ng nagsasalitang puno.
"Isla Ertesa? Anong lugar ito?" Tanong ko.
"Isla Ertesa, ang lugar na madalas mong puntahan noong ikaw ay maliit na bata pa lamang, Mabel. Ito ang iyong paraiso. Halika at tumuloy kang muli." Sagot niya.
Nahati ang hilera ng mga puno sa aking harapan. Nagkaroon ng daanan, nakita ko ang isang kakaibang palasyo. Hindi ito isang ordinaryong kaharian na nasa mga librong pambata. Lumulutang na isla sa hangin ang aking nakikita. Hindi ako makapaniwala. Napakaganda nito!
Ihahakbang ko na sana ang aking mga paa ng bigla akong magising mula sa aking pagkakatulog. Panaginip nanaman.
3
"Mabel apo, gumising ka na at mag agahan." Wika ni Lola Ester matapos niya akong gisingin sa pagkakatulog.
Bumaba na ako, amoy ko ang napakabangong sopas. Ang sopas na laging niluluto sa akin ng Nanang noong ako'y nandito pa naninirahan. "Ang sarap pa rin ng amoy ng sopas mo Nanang." Pagpuri ko.
"Ako lang ang nakakagawa niyan. Kaya sigurado akong miss mo iyan. Upo na at kumain apo. Napapayag ko na pala ang Mama mo. Makakasama ka na sakin mamayang gabi sa simbahan dito." Wika ni Lola.
"Talaga po nanang? Maraming salamat po." Niyakap ko ang Lola at umupo na sa hapag kainan. Hindi pa rin ako binigo ng sopas ni Lola Ester. Napakasarap pa rin nito, parang may magic.
Kami'y nagkantahan nila Lola nang sumapit ang tanghali. Kasama ang mga pinsan kong anak ng Auntie Linda. Masaya ang kantahan ng bigla kong narinig ang bulong na.. "Halika... tumuloy ka..."
Saan naman galing iyon? Masyadong malakas ang tunog ng videoke para marinig ang ganun kalinaw na bulong. Tumingin ako sa paligid, wala naman akong nakita.
Natapos ang kantahan. Naligo ako at inantay matapos ang Lola Ester sa pagbibihis. Alas-singko na at naghahanda na siya para sa meeting niya sa simbahan.
Maya maya'y lumabas na ng kwarto ang Nanang Ester. Lumabas lalo ang puti at ganda niyang kamukha ni Gloria Romero sa suot niyang bistidang pula na may mga bulaklak bilang palamuti nito— bulaklak. Pamilyar ang mga bulaklak sa damit ng Nanang. Hindi ko alam kung saan ko ito nakita ngunit pamilyar ito.
"Ma, bantayan niyong mabuti si Mabel at huwag na po kayong dumaan kung saan saan. Kung maari lamang ay simbahan at bahay lang ang inyong puntahan." Paaalala ni mama bago kami lumabas ng bahay ni Lola. Ngumiti lang si nanang ester kay mama. Hindi ko alam ngunit parang may kakaiba sa ngiting iyon ni Lola.
Nag-umpisa na kaming maglakad ni Lola patungong simbahan. Biglang umihip ang malamig na hangin. Nakakatayo ng mga balahibo. Nakakakilabot ang lamig. Sa di kalayuan ay nakita ko ang isang sementeryo. Madaraanan pala ito patungong simbahan. Ang dilim at parang mabigat ang presensya ng lugar na iyon. Nagpatuloy kami sa paglalakad ng Lola, napatigil kami ng sabihin niyang "Apo, parang nais kong bisitahin ang puntod ng iyong Tatang." Ani ni Lola.
"Sure po ba kayo diyan nanang? Gabi na po at mahuhuli kayo sa meeting ninyo." Sagot ko.
"Sandali lang naman, nais ko lang kumustahin ang iyong tatang." Sabi ni Lola.
Pumayag ako. Pumasok kami ng sementeryo at nakita ko ang napakaraming puntod. Wala naman sigurong bangkay na tatayo mula sa mga libingan ng kahit na isa dito. Tinatakot ko nanaman ang sarili ko.
Sa 'di kalayuan ay may naaninag akong liwanag na parang pamilyar sa akin. Parang nakita ko na iyon sa aking panaginip.
"Mabel, sigurado ka bang wala ka ng natatandaan sa mga nangyari dati?" Biglang tanong ni Lola sa akin.
"Katulad po ng ano?" Pagtataka ko.
"Tumingin ka sa iyong likuran." Sabi ni Lola.
Hindi ko inaasahan ang aking nakita. Ang kahariang naaninag ko sa aking mga panaginip.
"Lola, paano po? Paanong—" Pagkagulat kong tugon na sinagot agad ni Nanang ng yakap.
"Ito ang sikreto ng pamilya natin, apo. Isa akong diwata sa ibang mundo. Ang Isla Ertesa. Mortal ang napangasawa ko, ang iyong Tatang. Mortal na isinilang ang aking dalawang anak na Tiya Linda mo at ang iyong Ina. Akala naming mag-asawa ay hindi na mamanahin pa ng sino man ang aking pagiging diwata. Ngunit nabago iyon ng isilang ka ng iyong ina, Mabel. Inilayo ka nila rito upang hindi mo tahakin ang hiwaga ng Ertesa."
Hindi ako makapaniwala sa mga sinasabi ngayon ng Lola Ester. Ako? Isang diwata? Ibig sabihin ay totoong lahat ang mga panaginip ko? May ibang mundo? Hindi ko alam ngunit mas lalo kong ninanais na tuklasin pa ang Isla Ertesa. At ang makilala ang katauhan kong mahiwaga. Ako, si Mabel bilang isang diwata.
















